Ulat nina Mella Macasaet at Ruby Ann Muñoz
Hindi tumitigil ang pag-ikot ng oras. Sinong makakapigil sa pagsalubong nito sa kinabukasan?
Patuloy lamang itong tumatakbo—ngunit sa pagkuha ng larawan kahit sa isang segundo tila napapahinto nito ang mundo. Inuukit ang bakas ng kahapon. Lumilikha ng alaala. Gumuguhit ng samu’t- saring kwentong tangan hanggang sa kasalukuyan at hinaharap.
Sa kahabaan ng Lopez Avenue makikita ang Leo’s Photo, apat na dekada nang binabahagi at tinatala ang mga sari-saring kwento ng mga residente ng Los Baños sa pamamagitan ng larawan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang Leo’s Photo ang isa sa pinakamatandang photo center sa Barangay Batong Malake. At ito ay bunga ng talento at pagsusumikap ni Marcelino de Guzman.
Siya ay isang graduate ng BS Chemistry na kalaunan ay naging isang photography industrialist sa bayan. Bata pa lamang ay mahilig na siyang kumuha ng mga larawan.
Maging ang mga munting bulaklak ay kinukuhanan ng litrato ni Mang Celing. Nakahiligan niya ito simula nang makakita siya ng isang display ng Kodak Brownie Camera, ang kamera na ito ay isa sa sikat noong bata pa si Mang Celing, at ito ang kanyang kauna-unahang kamera na nabili at siyang ginamit.
Si Mang Celing ang kauna-unahang nahilig sa potograpiya sa kanilang pamilya kaya naman ay mag-isa niyang tinuklas at pinag-aralan kung paano ito gamitin at ang mga iba’t ibang teknik upang makuha ang isang magandang litrato. Hindi na din nagawa ni Mang Celing na kumuha ng propesyonal na pagsasanay dahil matagal ang proseso ng pag-aayos.
“Noong araw ang natatandaan ko mag-eenroll ka sa America, kaya lang matagal kasi dadalhin mo iyong application mo. Babalik ‘pag naaprubahan nila saka ka padadalhan ng mga module kaya self-study talaga,” paliwanag niya.
Nagsimula lamang sa pagkawili sa potograpiya hanggang sa ang hilig na ito ay nauwi sa pagpapatayo ng kaniyang sariling photo center noong 1979.
Pagkakatatag ng Leo’s Photo
Matapos sa kolehiyo ay nagsimulang mamasukan si Mang Celing sa International Rice Research Institute o IRRI. Ngunit habang hawak-hawak ang mga laboratory apparatus, dala-dala pa rin ni Mang Celing ang kaniyang hilig sa potograpiya.
Hulog ng langit kung maituturing ni Mang Celing ang kaniyang mga kasamahan sa trabaho dahil naging malaking bahagi sila upang tuluyan niyang mapagtanto ang nais niyang gawin. Pauwi sa Japan ang isa sa kaniyang kasamahan nang tanungin siya kung anong nais niyang ipabili sa kaniya. Hindi na kataka-taka na ang naging sagot ni Mang Celing ay isang kamera. “Ibili mo ko ng pinakalatest na Olympus Camera” wika ni Mang Celing.
Sa kabila ng pagiging isang researcher ay nagpatuloy si Mang Celing sa kaniyang hilig. Unti-unting nakilala si Mang Celing bilang isang potograper sa kanilang kagawaran. Kaya naman ay inimbitahan siya ng kaniyang kasamahan sa IRRI para kuhanan ang anak nitong magtatapos sa elementarya. Sinong mag-aakala na ang simpleng imbitasyong ito ang tuluyang magbabago sa daang tatahakin ni Mang Celing.
“Noong malapit na iyong anak niya pumuwesto na ako sa harap ng stage. ‘Pag putok kong ganun, may kumalabit sa akin kunan mo nga iyong kasunod hanggang naubos ko ‘yong dalawang rolyo,” paglalahad ni Mang Celing. Matapos ay nag-ikot si Mang Celing sa Barangay Tadlac at sa mga kalapit nito para ialok ang contact print sa mga pamilyang kinuhanan niya ng litrato. Laking tuwa naman ni Mang Celing na nagustuhan at ikinatuwa nila ang mga larawan.
Buhay na buhay pa rin ang karanasang ito sa alaala ni Mang Celing, karanasang nagtulak sa kaniya para itatag ang Leo’s Photo at kung saan Hindi bago ang konsepto ng pagnenegosyo kay Mang Celing sapagkat isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang pamilya ay ang pagtitinda sa sari-sari store.
Sa unang dalawang taon ng pagkakatatag ay sinubukan ni Mang Celing pagsabayin ang pagiging isang researcher at potograper. Ngunit gaya nga ng sabi nila mapaglaro ang tadhana.
Kung matatandaan, ang kwentong ito ni Mang Celing ay itinampok ng Los Baños Times noong 2006. Makalipas ang labim pitong taon, pulido’t markado pa rin ang kaniyang labis na pagmamahal sa sining ng potograpiya, subalit mabilis ang takbo ng panahon at nagbabago ang mukha ng mundo. Hindi naging madali para kay Mang Celing na makipagsabayan sa kasalukuyang estado ng industriya ng potograpiya at pagbabagong hatid ng teknolohiya.
Pagbabago ng Panahon
Nagsimula ang Leo’s Photo sa film processing at printing na talaga namang nakilala hindi lamang sa barangay bagkus maging sa mga karatig lalawigan. Bukod sa dinadayo pa ito ng kanilang mga kustomer, ilang dayuhan na din mula sa Mexico at Rome ang bumisita sa kanilang studio.
Sa kapanahunan ng dark room at minilab ay namayagpag ang kaniyang photo center subalit sa pagdating ng digital photography, nahirapan si Mang Celing na linawan ang direksyon at iwasan ang pagkalugi ng kaniyang negosyo, tila ba sa daan-daang pitik niya ng kamera ay puro malabong litrato ang kaniyang nakukuha.
“Pabor sana sa amin kaso nang mag-invest ako sa digital ay medyo late na. Doon kami nagsimulang maghirap,” ani Mang Celing na may bakas ng paghihinayang.
Mga taong 2010, humina ang kinikita ng Leo’s Photo, ayon kay Marlon na labing-tatlong taon nang namamasukan sa Leo’s Photo. “Dati kasi more on printing ng picture ngayon puro post na lang. Ayon ang pinaka-naging problema ng Leo’s Photo,” dagdag niya.
Bukod pa dito, ang pagdating ng mga freelancers ang lalong nagpahina sa kanilang negosyo. Sa kasamaang palad, nawalan ng kustomer ang Leo’s Photo sa pagkuha ng litrato tuwing may okasyon.
“Hindi na kami kumukuha ng event kasi marami ng katunggali na mga freelancer [na] mga bagsak presyo,” sambit ni Marlon.
Sa kalumaan ay nagsimula na ring masira ang kanilang kagamitan sa pagkuha ng larawan at dahil sa pagkalugi hindi na kinaya pang makabili ng pamalit. Ngunit hindi dito natapos ang mga pagsubok na kinaharap ni Mang Celing. Kasabay sa paghina ng photo center ay ang pagkakaroon ng sakit ng kanyang asawa, kung saan naubos ang kanilang puhunan para sa pagpapagamot
Gayunpaman ay hindi sumuko si Mang Celing upang makabawi sa negosyo. Sa ngayon ay tumigil na muna ang Leo’s Photo sa pagkuha ng portraits at nagsimulang magpokus sa paggawa ng ID photo, novelty items, lamination, tarpaulin, banner, at t-shirt printing.
Leo’s Photo sa Kasalukuyan
Labis ang pakinabang na nakukuha ng mga estudyante, guro, mga empleyado ng University of the Philippines Los Baños, at mga barangay sa loob ng bayan sa Leo’s Photo. Bukod sa mga ito, isa rin ang Ecosystems Research and Development Bureau o ERDB sa mga regular na kustomer ng Leo’s Photos. “Kapag may training ang IRRI at ERDB, may need silang mga name tag, group picture na pinamimigay, at t-shirt kapag may event, buhay kami dahil doon,” kuwento ni Risanty, isa sa mga anak ni Mang Celing at kasalukuyang tumutulong sa pagpapatakbo ng shop.
Hindi maitatangging marami nang pinagbago ang Leo’s Photo sa nakalipas na panahon. Gayunpaman, hindi kailanman kayang mabura ng mga nagdaang taon ang papel nito upang mapanatiling buhay ang kwento ng mga residente at kultura ng bayan.
Sa mga nakalipas na taon, ang Leo’s Photo ay kumukuha rin ng portraits ng mga magsisipagtapos na mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños. Ang pagtatapos sa kolehiyo ay ang pinakaminimithi at pinakahihintay ng bawat mag-aaral. Naging malaki ang bahagi ang Leo’s Photos sa pag preserba ng mga memorya ng mga mag-aaral at ng kanilang pamilya.
Ang photo center ay nagsilbing taga-dokumento ng makukulay na tagumpay matapos ang madidilim na paghihirap. Ang pagiging bahagi ng Leo’s Photo sa ganitong pagkakataon ang isa sa mga ipinapagmalaki ni Mang Celing.
Ang Kagandahan ng Bundok Makiling
Isa sa mga tumatak kay Mang Celing sa dinami-dami ng kaniyang nakuhanang litrato ay ang kahanga-hangang porma ng Bundok Makiling, ang hugis ng isang nakahigang diwata. Sa pagkamangha, ang larawang ito ay isinabit niya sa kanilang studio.
“Ang isa ko pang [magandang] nakuhanan ay iyong porma ng Mount Makiling. Iyong babaeng nakahiga. Nagdisplay ako ng larawan ng Mount Makiling noong nasa Vega Center kami kaya kilalang-kilala iyon ng mga estudyante,” pagmamalaki ni Mang Celing.
Gaya ni Mang Celing, hindi rin maiwasang mamangha ng mga mag-aaral sa tuwing masisilayan ang larawang ito na tila sinasalaysay ang alamat ni Maria Makiling. Malaking bahagi ang alamat ng diwata sa mayamang kultura ng Pilipino.
Isa sa mga bersyon tungkol sa diwata ay ang paniniwalang siya ang tagapangalaga ng bundok Makiling. Siya ay kilala sa kaniyang angking kagandahan at kabaitan. Noon ay bumababa pa raw siya sa bundok at nakikisalamuha sa mga tao ngunit naging mapang-abuso ang mga ito sa kagubatan ng bundok Makiling. Lubos naman itong ikinagalit ng diwata. Kaya naman sa tuwing susuway ang mga tao ay pinapadilim niya ang kalangitan at nagpapadala ng kulog at kidlat. Hanggang ngayon ay hindi na nga muling bumaba si Maria Makiling para magpakita.
Ang larawang kuha ni Mang Celing ay naging tulay para maiparating sa mga kabataan ang makulay na kulturang nasasalamin ng bundok Makiling.
Tungkulin sa Komunidad
Hindi lamang naging saksi ang Leo’s Photo sa masasayang kwento ng mga residente. Naging mahalaga din ang gampanin ng Leo’s Photo upang mairekord ang mga aksidente sa bayan. Dahil noon ay hindi pa marunong ang kapulisan sa pagkuha ng litrato, iniimbitahan si Mang Celing sa pagkuha ng pinangyarihan ng mga aksidente. Hindi ito naging madali para sa kaniya. Aminado si Mang Celing na may mga pagkakataon na kinakailangan niyang papuntahin ang isa sa kaniyang kasama upang siya ang kumuha ng litrato. Nakatulong ang kaalaman ni Mang Celing sa potograpiya upang matala ang mahahalagang detalye ng mga aksidente.
Bukod sa pagkukuwento ng mga natatanging karanasan at kultura ng komunidad, naging mahalaga din ang tungkulin ng Leo’s Photo sa gitna ng COVID-19 pandemic. Laking pasasalamat ni Mang Celing na hindi natigil ang operasyon ng Leo’s Photo.
“Buhay kami noong pandemic kasi iyong mga posters sa patakaran sa protocol, pang-checkpoint tsaka iyong nilalagay sa bus para mahatid iyong estudyante ng UP na may nag-sponsor na mag fraternity [kami nagpiprint],” ani Risanty, anak ni Mang Celing na kasalukuyang tumutulong sa photo center.
Pagmamana ng Sining at mga Aral
Naging malaki ang impluwensya ni Mang Celing sa kanyang mga anak at sa mga kasamahan niya sa Leo’s Photo dahil noon pa lamang, ibinabahagi na ni niya kung paano maging isang photographer at business owner.
“Lahat sila halos mahilig sa [arts]. May mga graduate ng Art’s Center. Yung isa ay freelance visual artist sa Las Pinas,” kwento ni Mang Celing. Ang pagkahilig niya sa sining ay nakuha at namana ng kaniyang mga anak kaya’t ito rin ang nagsisilbing paraan upang sila ay makapag-trabaho. Ngunit ang pinakatumatak sa kaniyang mga anak ay ang pagiging matatag ng kanilang ama.
“Si Papa kasi ay isang positive thinker, kahit nahihirapan na ay tuloy pa rin” ani Risanty. Isa ito sa pinang-hahawakan niya upang ipagpatuloy ang pagpapatakbo ng Leo’s Photo sapagkat ang kanilang pinakaninanais ay ang maipagpatuloy ang pangarap ng kaniyang ama at patuloy na pagsilbihan ang mga residente sa Los Banos.
Bukod sa kanyang mga anak, naging inspirasyon din si Mang Celing sa kaniyang katrabaho gaya ni Marlon na namamasukan sa Leo’s Photos. Si Marlon ay nagsimula bilang isang xerox operator noong magbabakasyon sa UP. Hindi niya maitatanggi na marami siyang natutunan kay Mang Celing na hanggang ngayon ay baon-baon pa rin niya.
“Dito natuto ako sa digital, layout, photography, sa [paggamit] ng computer,” paglalahad ni Marlon.
Hindi lang sa kasanayan sa sining ang natutunan ni Marlon bagkus maging ang mga aral sa buhay. Para sa kaniya, sa pamamagitan ng pagsasanay at pag-apply ng kaniyang natutunan ay kakayanin rin niya ang mga nagagawa ng kanyang mga kasamahan. Tinulungan siya na maniwala sa kanyang sariling kakayanan at muling mangarap. Naging saksi ang Leo’s Photo sa maraming karanasan ni Marlon sa kanyang buhay. Sa katunayan ay tahanan at pamilya kung ituring ni Marlon ang photo center.
Tunay nga na sa simpleng pag-umpisa ni Mang Celing sa kaniyang hilig at pagsunod sa kaniyang pangarap ay nakatulong din siya sa mga tao na nakapaligid sa kaniya. Ilan lamang si Marlon at Risanty sa mga nabigyan ni Mang Celing ng inspirasyon at pag-asa na ipagpatuloy lamang ang pag abot sa mga pangarap dahil sa huli ay makakamit rin ang mga tagumpay na kanilang minimithi.
Apat na Dekadang Paglilingkod
Binanggit ni Mang Celing ang nakita niyang importansya ng kanyang ginagawa at tungkulin nito sa komunidad ng Los Baños. Sa pag-usad ng panahon, kasabay rin na nagbago ang mga inaalok na serbisyo sa Leo’s Photos.
Sa pamamagitan ng pagkuha ng mga litrato, nabanggit ni Mang Celing na gamit ang kanyang talento, natutulungan niya ang mga residente ng Los Baños na mapanatili at makuwento ang iba’t ibang istorya mula sa komunidad. Sa loob ng 44 na taon, samu’t saring kwento at nakitaan niya ng oportunidad ang larangang ito.
Ang potograpiya ang nagsisilbing daan upang ibahagi ang mga kwento ng komunidad sa likod ng bawat larawan.
Ang payo niya sa mga kabataan ay magpatuloy lang na abutin ang kanilang pangarap at huwag titigil sa pagtulong sa mga tao. Sa murang edad ay itinuloy niya ang pag sunod sa kanyang pangarap at inspirasyon.
Hindi maipagkakaila kung gaano nakatulong sa mga residente ng Los Baños ang Leo’s Photos dahil sa dala nitong kasaysayan, memorya, at ang tungkulin nito sa bayan. Saksi ang Leo’s Photos sa samu’t saring memorya na nangyari sa nakalipas na mga taon. Sa apat na dekadang lumipas, patuloy na nakikisabay ang Leo’s Photos at hanggang sa ngayon ay pinagsisilbiihan pa rin nito ang bayan ng Los Baños.