Ulat nina Selena Patricia Campañer at Louise Stephanie Umali
Isa sa mga hakbang tungo sa malusog na komunidad ay ang pagkonsumo ng masustansyang pagkain tulad ng gulay at prutas. Kaya naman sa Barangay Tuntungin-Putho, pinagtatagpo ang kanilang adbokasiya para sa organikong pagtatanim at ang kanilang hangarin na tugunan ang malnutrisyon sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng kanilang quarterly Gulay Mula sa Bakuran Cooking Contest.
Idinaos ang ikaapat na Gulay Mula sa Bakuran Cooking Contest ng Barangay Tuntungin Putho noong Abril 28, 2023 sa pangunguna ng kanilang Barangay Nutrition Scholars (BNS) Vanessa Tamban at Lalaine Mitica, Agricultural Technician Archangel Cueto, Volunteer Dietician June April Kris Diaz, at mga BS Nutrition practicumers mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.
Inihanda ng tatlong kalahok ang kanilang mga putahe para sa feeding program kasama ang mga estudyante ng Paciano Rizal Elementary School at Tuntungin Putho Daycare Center bilang mga benepisyaryo.
Sila ay nagpakita ng angking galing sa pagluluto gamit ang talong bilang pangunahing sangkap o napiling “star gulay” para sa cooking contest ngayong Abril. Ayon sa mga BS Nutrition practicumers, mayaman ito sa prebiotics, calcium, at vitamin k na nagsisilbing proteksyon sa bituka at nagpapalakas ng buto.
Ayon sa panayam kay BNS Lalaine Mitica, napansin ng Barangay Nutrition Council (BNC) na may ilang bata na hindi kumakain ng hinahain sa feeding program noon. Bilang solusyon, inilunsad nila ang nasabing cooking contest kung saan hinuhusgahan ang mga putahe base sa lasa, kulay, at hugis na may malaking impluwensya sa panlasa ng mga bata.
Dahil adbokasiya rin ng kanilang Punong Barangay Ronaldo Oñate ang organikong pagtatanim, ang Barangay Tuntungin Putho ay mayroong gulayan sa paaralan at komunidad. Kaya naman, ang star gulay na ibinida sa cooking contest ay inaani ng mga kalahok mismo mula sa community farm. Namigay din ng mga buto ng talong si Agricultural Technician Archangel Cueto upang hikayatin ang mga dumalo na magtanim ng gulay sa sarili nilang bakuran.
PANOORIN: Gulayan sa Paaralan: Paciano Rizal Elementary School
Matapos ang masusing pagsusuri ng mga hurado, ang mga sumusunod ay nakatanggap ng parangal sa ikaapat na cooking contest: Mary Jane Janiola na nagluto ng Talong Patties (Champion), Rocelle Calamba na nagluto ng Sweet and Sour Bola-bolang Talong (1st runner up), at Myla Autida na nagluto ng Octopus Fried Talong (2nd runner up).
Si Janiola, 36 taong gulang, ay mayroong kambal na nag-aaral sa Paciano Rizal Elementary School. Ayon kay Janiola, sumali siya ng cooking contest dahil nais niyang makatulong na makakain ng masustansyang pagkain ang mga bata sa barangay.
‘Star si baby sa star gulay ni mommy’
Sa halip na gumamit ng mga plastik na tinidor, kutsara, at papel na plato, ang mga benepisyaryo ay pinagdala ng sarili nilang mga kagamitan. Bukod pa rito, binigyan din sila ng kopya ng mga recipe upang magawa rin ng mga magulang ang mga putahe sa cooking contest sa kani-kanilang mga tahanan.
Ayon sa panayam kay Mylene Masa, isang parent beneficiary, naging malaking tulong ang cooking contest at feeding program upang makakuha ng wastong nutrisyon ang kanyang mga anak.
Si Masa, na may dalawang anak na nagaaral sa Tuntungin Putho Daycare Center, ang siya ring nagwagi sa ikatlong cooking contest noong buwan ng Enero. Ayon kay Masa, kinakailangan ng mahabang pasensya sa pagpapakain ng gulay sa kanyang mga anak. Kaya naman, naging malaking tulong ang programa ng barangay upang makapagimbento ng mga bagong gulay na putahe.
“Gusto ko kasing kapag kumain sila, masisiyahan sila at gusto ko rin na [may makukuha] silang sustansya sa gulay na hinahain ko sa ‘kanila,” aniya.
Pinapaalalahanan nina BNS Tamban at Mitica ang mga magulang na maging malikhain sa pagluluto ng mga putahe lalo na kung ayaw kumain ng mga bata ng gulay. Kung nais na humingi ng kopya ng mga recipe ng mga putahe na naibida na sa cooking contest, maaaring makipag-ugnayan sa barangay sa numerong 09707363270 o mag-iwan ng mensahe sa kanilang Facebook page.
Ang susunod na Gulay Mula sa Bakuran Cooking Contest ay gaganapin sa Nutrition Month o buwan ng Hulyo, kung saan magtatapat ang mga nagwagi sa mga naunang cooking contest.