Akda ni: Jazmin Ann Catabay
Plantsado na ang muling pagbabalik ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) na nakatakdang ganapin sa Hunyo 3-4, 2023 matapos itong suspendihin ng tatlong taon dahil sa banta ng pandemya.
Inaasahang dadagsain ng libu-libong examinees ang halos isandaang testing centers sa iba’t ibang panig ng bansa sa pag-asang makapasok sa UP at mapabilang sa tinaguriang mga “Iskolar ng Bayan”.
Nagbukas ang online application para sa Grade 11 noong Marso 8 hanggang Abril 15 kung saan isinumite ng mga aplikante ang Form 1 sa UP Admissions Portal. Sa Setyembre 2023 naman nakatakdang kumpletuhin ng mga aplikante ang grado para sa Form 2B at ipasa ang pisikal na kopya ng Form 137.
Maaaring kunin ng mga aplikante ang kanilang test permit sa UP Diliman, habang ang mga pumili ng UP Los Banos (UPLB) bilang test center ay maaaring kunin ang test permit sa Hunyo 2, 2023.
UPCAT sa Gitna ng COVID
Magugunitang binalak ibalik ang UPCAT noong nakaraang taon. Subalit napagkasunduan ng University Councils na isantabi ito dahil sa patuloy na panganib ng COVID-19 at mga agam-agam hinggil sa kahandaan ng unibersidad na siguruhin ang kaligtasan ng mga aplikante.
Kumpara sa mga nakalipas na taon bago ang pandemya, inaasahang lolobo ang bilang ng mga aplikante para sa Academic Year 2024-2025.
Sa isang panayam, ibinahagi ni UPLB University Registrar Margarita Carmen Paterno ang kanyang obserbasyon at mga nakalap na kumento patungkol sa pagbabalik ng UPCAT. Ibinihagi nya na mas maraming aplikante at eskwelahan ang pabor sa pagkuha ng UPCAT kumpara sa pansamantalang ipinatupad na “admissions score system” na nakabase sa marka mula Grade 8 hanggang 11.
“With people now feeling a lot safer going out, we can indeed expect [a] higher number of applicants and based on received feedback, there were schools saying they did better with the UPCAT. Maybe more people believe that it is a better way of evaluating the qualifications of the applicants,” ani Paterno.
[“Ngayong mas kampante nang lumabas ang karamihan, inaasahang tataas ang bilang ng mga aplikante. Batay sa mga komentong aming natatanggap, may mga paaralang nagsasabing mas maayos ang may UPCAT. Siguro mas maraming naniniwalang mas mainam itong sukatan ng kwalipikasayon ng mga aplikante.”]
Aniya, maaari ring nakaambag sa paglaki ng bilang ng aplikante ang mga inisyatibo ng pamunuan ng UP na maabot at mabigyang pagkakataon makapasok sa unibersidad ang mga kwalipikadong mag-aaral, partikular na ang mga galing sa malalayong lugar at may limitadong kapasidad upang makakuha ng serbisyo mula sa gobyerno.
Masaya ring binanggit ni Paterno ang mga karagdagang gusaling inihahanda ng UPLB at ang pagbubukas ng mga bagong degree program kabilang na ang BS Accountancy at BS Mechanical Engineering.
Paghahanda sa Nalalapit na UPCAT
Para sa maraming estudyanteng nangangarap makatapos ng kolehiyo, lalo na ang mula sa mga hikahos na pamilya, tinuturing ang UPCAT bilang pinto ng pag-asa para sa inaasam nilang pagbangon mula sa kahirapan.
Isa rito ang 17-anyos na si Ralph Zandro Tapia ng Makiling Integrated School (MIS). Freelance welder ang kanyang ama na walang regular na kita kaya’t nagtitinda ng kusot ang kanyang ina upang mairaos ang kanilang mga gastusin sa pang-araw-araw.
Bilang pinakamatanda sa apat na magkakapatid, siya ang inaasahan ng kanyang mga magulang na makatulong sa paghahanap-buhay. Subalit, determinado pa rin si Ralph na kumuha ng UPCAT at makatanggap ng scholarship para matupad ang kanyang pangarap.
“Gusto na nga sana akong pahintuin ng mga magulang ko pagkatapos ng senior high school para magtrabaho muna dahil sa hirap ng buhay. Pero desidido talaga akong makapag-kolehiyo at sana palarin akong matanggap sa UP,” kwento ni Ralph na umaasa na lang sa self-review dahil sa walang kakayahang magbayad para sa review center.
“Ang preparasyon po na ginagawa ko ngayon ay nakikipag tulungan ako sa aking kaibigan na mag-review.” Katuwang niya ang mga kapwa mag-aaral sa pagsasagot ng mga practice test upang maghanda sa nalalapit na UPCAT. Pinag-iigihan rin ni Ralph ang pag-aaral upang mapataas ang kanyang grado at tyansa na makapasok sa UP.
Pantay na Oportunidad Para sa Lahat
Isa rin sa mga pursigidong maging iskolar ng bayan si Maxeene Olfato, 17 anyos, mula rin sa MIS. Galing sa pribadong paaralan si Maxeene simula elementarya hanggang ika-9 na baitang. Ngunit nang tumama ang COVID-19 sa bansa, naapektuhan ang hanapbuhay ng kanilang pamilya at napilitang siyang lumipat sa pampublikong paaralan kasama ang kanyang dalawang kapatid.
“Noong nag-aral po ako sa private school, hirap po kami humabol sa mga bayarin, kasama pa ng baon at pamasahe naming magkakapatid. [Noong] grade 10 lang po ako lumipat ng public school kasi po hindi na kinaya ng mga bayarin at hindi naman daw napasok ng school gawa ng pandemic,” aniya.
Batid ni Maxeene na maraming mag-aaral ang nagnanais na makapasok sa UP bunsod na rin ng mga pinansyal na balakid dahil sa pandemya. Kaya naman puspusan ang kaniyang paghahanda para sa pangarap na maging iskolar ng bayan.
Bukod sa pag-aaral tuwing may bakanteng oras, sinisikap din niyang makibalita sa mga kakilalang handang magbigay ng payo at gabay tungkol sa UPCAT.
“Marami nagsasabi sa’kin na general knowledge lang daw ang kailangan sa admission test at ang kailangan ko lang ay itabi ang mga luma kong notes para magamit ko siya sa paghahanda,” ani Olfato. Madalas ding payo sa kanya ng mga kaibigang pumasa sa admission test na maging “curious” sa maraming bagay dahil daan ito upang mas mapalawak pa ang kaniyang kaalaman na makatutulong sa kanyang preparasyon para sa UPCAT.
Ibinahagi rin ni Maxeene ang kanyang obserbasyon at balitang naririnig sa mga nagdaang pagdaraos ng UPCAT. “Base lamang sa naririnig ko, mas nabibigyan daw ng pagkakataon na makapasok ang mga may kaya sa UP” lahad niya. Bunga na rin ito ng kanilang kakayahang makapag-enroll sa mga kilalang review center na maaaring mas magpataas ng kanilang tyansang makapasa.
Kaya naman hangad niyang magkaroon ng prosesong magbibigay ng pantay na oportunidad sa bawat mag-aaral na makapasok sa premyadong unibersidad. “Para sa akin lamang, sana ay ang lahat ng aplikante ay mabigyan ng pantay-pantay na pagkakataon at hindi lamang ang mga may-kaya,” dagdag pa niya.
“Income Advantage” sa UPCAT
Sa isang ulat ng LB Times noong Marso, may “income advantage” sa UPCAT ang mga may-kayang aplikante batay sa pag-aaral na pinangunahan ng UP School of Economics.
Kaya naman malaking dagok ito para kina Ralph at Maxeene na nagmula sa payak na pamumuhay. Sariling sikap silang naghahanda para sa dikdikang labanan upang maging kwalipikadong mag-aaral ng UP.
Dinagdagan pa ito ng katotohanang limitadong bilang lamang ng mga aplikante ang tinatanggap buhat na rin ng mga cut-offs na nakadenpende sa degree program. Kaya naman maagap na rin sila Ralph at Maxeene sa pagsusumite ng aplikasyon sa ibang state universities malapit sa kanilang lugar.
Sa mga nakalipas na taon, tinatayang nasa isandaang libong aplikante ang kumuha ng taunang UPCAT. Ngunit 10 hanggang 15 porsyento lamang ng kabuuang bilang nito ang mapalad na nakakapasa.
Ngunit para kila Ralph at Maxeene na may mga kaibigan at kaklaseng nais ding kumuha ng UPCAT, nagsisilbi itong motibasyon upang mas pag-igihan ang kanilang paghahanda.
Ani Ralph, “For me comforting po. Kahit pwede ko po silang maging kakompetensya ay may kakilala po ako na pwede ako makipag-tulungan upang mas marami ang malaman sa dadating na exam at matulungan namin ang isa’t isa na makapasok.”
Hindi rin ito kinokonsidera ni Maxeene na banta. Paliwanag niya, “I know a few people that are very close to me who also want to take UPCAT. Kaso hindi ko naman ito kinokonsidera as threat dahil para sa’kin, mas mabuti na may mga kasama ako na kukuha nito.”
Sa huli, patuloy pa rin ang UP sa paghahatid ng libre at dekalidad na edukasyon na nagbibigay prayoridad sa mahihirap, ngunit mahuhusay na mag-aaral sa bansa.