Ulat nina Ace Bayoneta at Eugene Cruzin
“Aawardan kami, iyon lang ang partisipasyon namin sa DaLakTik…ngayong panahon na walang huli, dapat may plano rin na tulungan ang mga mangingisda,” panawagan ni Francis Reyes, mangingisda at pangulo ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) sa Mayondon.
Sinimulan ang week-long celebration ng DaLakTik Festival nitong ika-1 ng Mayo sa pamamagitan ng isang parada na dinaluhan ng iba’t-ibang mga sector–Mayondon Senior Citizens’ Association, Tagapagtanggol ng Bayan Karangalan Katungkulan Kagitingan Para sa Kapatiran (TABAKKKK) Peacemaker Guardians, Mayondon Solo Parents, 4Ps beneficiaries, Mayondon PWD association, atbp.
Pagtapos nito at kasabay ng pagbubukas ng trade fair booth at botohan ng nanalo sa arch making contest, sinundan ang parada ng pagpaparangal sa mga natatanging mamamayan mula sa Mayondon. Saad ni Hon. Rommel Maningas, Kapitan ng Barangay Mayondon, ito raw ay bilang pagpupugay at pagkilala sa mga mamamayan ng barangay lalo na sa sector ng mga mangingisda, magbubulaklak, at mag-iitik. Nakatatanggap ang mga pinarangalan ng Natatanging Mamamayan ng plaque at P2,000.
Sa panayam kasama si Wilfredo Reyes, Natatanging Mangingisda awardee, “masaya po… malaking bagay na sa amin iyon. Pangbili ng bigas at palakaya” dagdag pa ni Wilfredo, “minsan inuutang pa namin sa five six ang pangbili ng palakaya para lang makapangisda…kaya malaking bagay na sa amin iyon.” Mahigit apat na dekada nang nangingisda si Wilfredo.
Ayon sa Ordinansang No. 007 series of 2019, ang Mayon-Doon DaLakTik Festival ang opisyal na pista ng Mayondon, Los Baños, Laguna na pinasimulan upang kilalanin ang pangunahing produkto ng barangay: ang isda, bulaklak at itik. Nakasaad din sa ordinansa, taon-taon itong gaganapin.
Para kay Laureen Mariano na minana pa sa kanyang lolo ang itikan, importante ang DaLakTik Festival para sa pagpapanatili ng industriya ng pag-iitik, “para [ipaalam sa tao na buhay pa ‘yung itikan. Kasi dito talaga sa Mayondon nag-umpisa ang itikan bago makarating sa mga [karatig na lugar],” aniya. Dagdag naman ni Josefa Angeles na 30 taon nang may-ari ng Andreng’s Fried Itik, matagal nang dinarayo ang Mayondon para sa mga produkto nitong itik.
Saad naman ni Joanna Paulin Camantige, kalihim ng barangay, “ma-impart natin sa mga kabataan na dito nanggaling ang barangay. Ito yung naging source of income ng ating mga nakakatanda noon… para hindi nila malimutan iyong identity.”
Ang DaLakTik festival ay isa sa mga mekanismo ng barangay upang, hindi lamang maipaalala sa mga residente ng Mayondon, kundi maipakilala ang mga produkto maging sa iba’t ibang bahagi ng Los Baños na siyang inaasahang magreresulta sa muling pagsigla ng kanilang ekonomiya.
Bukod sa pagpapakilala ng kultura at produkto, at ipanumbalik ng masiglang ekonomiya, mas litaw ang kanaisan ng DaLakTik Festival 2023 ang magbigay pagpupugay at parangal sa mga mamamayan ng Mayondon. “Iyon naman ang objective kung ba’t natin ginagawa ang DaLakTik Festival, ang mabigyan ng karangalan [ang mga mamamayan]… ang kanilang mga contributions sa community at para maka-inspire sa iba na sundan ang mga [y]apak nila,” ani Rommel.
Gayunpaman, ayon sa ilang residenteng mangingisda, magbubulaklak, at mag-iitik,
hindi sapat ang pagpupugay at parangal upang masolusyunan ang mga problema at pangambang nararanasan nila.
Pangamba’t panawagan ng mangingisda, magbubulaklak at mag-iitik
Kasabay ng masaya at masaganang pagdiriwang, kaakibat ang pangamba ng maraming mangingisda. Pagkukwento ni Francis, mula Oktubre ng nakaraang taon ay wala nang halos mahuling isda sa lawa ng Mayondon. Dahil dito, napilitan si Francis at kapwa mangingisda na humanap ng ibang mapagkakakitaan tulad ng pagko-construction at kung ano-anong trabahong maaari nilang mapasukan.
Bagama’t maganda naman daw ang hangarin ng pista para sa kanila, may mga kaakibat pa rin umano itong limitasyon para sa kanilang mga mangingisda, suhestiyon ni Francis, “kahit magpalinis [ng] lawa manlang, tapos mabigyan lang kahit tig-dalawang kilong bigas [kapalit ng paglilinis].”
Sa kasalukuyan, nagbebenta ng mga papag na yari sa kahoy ang mga mangingisda ng M. Simon street Mayondon. Ito ang kanilang alternatibong paraan upang patuloy na masustentuhan ang pangangailangan ng kanilang pamilya habang naghihintay pa sa biyaya ng lawa.
Sa dako naman ng Purok Dos, Mayondon, iba naman ang naging pagtanggap ng mag-asawang Gerry Reptin at Regina Remigio sa DaLakTik Festival. Saad ng mag-asawa, hindi raw nila alam na may ganitong aktibidad ang barangay para kilalanin ang kanilang sektor.
Kung susuriin, may ilang bahagi sa nasabing barangay ang hindi pamilyar sa DaLakTik festival at kung ano ang nakapaloob dito. Kung kaya, binigyang diin ni Remigio na kung pamilyar sana sila sa nasabing pista ay maaari nilang maibenta ang kanilang mga aning bulaklak at kilalanin ng barangay ang kanilang sektor.
“Baka yung ani ngayon, mabebenta sana [sa DaLakTik Festival], kaso bihira. Meron mang dahon [ng Selloum], palaging nasasairan kasi araw-araw may nangunguha,” panghihinayang ni Regina.
Panawagan naman ni Gerry, “sana magkaroon kahit once a year or month na makapagbigay ng kaunting tulong tulad ng fertilizer, para sa aming mga pananim.” Dagdag pa niya, dahil sa mataas na presyo ng abono, minsan ay kinakapos sila sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya.
Tuwing Araw ng mga Patay at Araw ng mga Puso malakas ang bentahan ng mga panindang bulaklak at dahon na Aster, Golden Rod, at Selloum. Ngayong buwan ng Mayo, mababa ang presyo ng bulaklak at dahon, na nagreresulta ng mababang kita mula sa kanilang produkto. Kaya naman ang kakarampot na kinikita mula sa pagtitinda ng bulaklak ay napupunta lang din sa abono o pampataba ng halaman, “mas inuuna namin bilhin ang abono… kung ano ang matitira, tyaka iba-budget sa bahay,” ani Gerry.
Sa dulo naman ng T. Reyes, Mayondon makikita ang dalawang ginang na sina Laureen at Josefa na kapwa pag-iitik ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan. Parehong apektado ang dalawang ginang sa nagdaan na bird flu nitong nakaraang taon.
Pagkukwento ni Laureen, halos lahat ng itikan sa T. Reyes ay nagsara dahil naubos ang mga itik dulot ng bird flu. Ngayon namang unti-unti nang nakababawi si Mariano, problema naman niya ang basura sa lawa kung saan namamalagi ang mga alagang itik, “dati ayungin at hipon ang kinakain ng mga itik diyan sa lawa. Ngayon makikita mo sachet sachet na ng mga basura.” ani Laureen.
Kung susumahin, hindi lamang sa mahinang kita ng isda, bulaklak at itik nakapako ang mga hinaing ng ilang residente sa Mayondon, kadikit na rin nito ang limitadong suporta ng barangay at aksyon tungo sa paglilinis ng lawa.
Aksyon ng Barangay
Ayon kay Camantige, prayoridad ng barangay ang programang Malasakit sa Kapwa. Aniya’y mas marami raw ang nangangailangan ngayon. Ang Malasakit sa Kapwa program ay programa kung saan nagbibigay ang barangay ng tulong sa cremation at pagpapalibing para sa mga namayapa ang minamahal sa buhay dulot ng pandemya. Bukod dito, ang programa ay nagbibigay din ng tulong pinansyal para sa mga bayarin sa ospital at panggamot. Dahil daw dito, nagkukulang talaga ang pinansyal na kakayahan ng barangay upang tulungan ang kabuhayan ng ibang sector.
P18,000,000 lang ang nakalaan na pera ng barangay para sa buong taong operasyon at proyekto. Saad ni Camantige, higit kumulang na 20,000 ang populasyon sa Mayondon at estimadong 5,000 naman na sambahayan. Kung tutuusin, papatak lamang na P900 ang nakalaan kada residente o P3,600 kada pamilya ang nakalaan na budget ng barangay sa buong taon.
Para tugunan ang kakulangan sa pondo, lumalapit at nakikipag-ugnayan daw ang barangay sa iba’t-ibang mga opisina ng local na gobyerno upang punan ang kakulangan sa proyektong kabuhayan ng mga taga-Mayondon. Ilan sa mga proyektong ito ay tinuturuan ang mga asawa’t anak ng mangingisda na gumawa ng tilanggit o tilapyang ginawang danggit kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at ang pagbibigay sa magbubulaklak ng palay bilang alternatibong pananim sa bulaklak kasama naman ng Department of Agriculture.
Patungkol naman sa lawa, linggo-linggo daw itong nililinis, “weekly nililinis iyong mga waterways — estero na dumederetso sa lawa iyong tubig.” Dagdag pa ni Camantige, “binibigyan din namin ng responsibility iyong mga nakatira na mahalin din nila yung lugar nila.”
Ang isang proyekto ng barangay para sa lawa ay ang farm to market road na nagsisilbi na ring pangharang sa baha ng mga komunidad na malapit sa lawa. Nilalakad umano ito ngayon ng barangay upang matapos mapasementuhan hanggang dulo ng Mayondon.
Kagaya lang din ng mga mangingisda, magbubulaklak, at mag-iitik, umaasa din ang barangay sa mas mataas na pondo para sa kanilang barangay.
Pagkakakilanlan, kultura, at ekonomiya
Ang DaLakTik Festival ay simbolo ng pagkakakilanlan at kultura bilang residente ng Barangay Mayondon—ito ang kanilang pinagmulan at ito ang nananataling kabuhayan ng ilan. Maganda mang pakinggan na nananatiling buhay ang kultura ng pangingisda, pagbubulaklak, at pag-iitik sa Mayondon, hindi pa rin maiaalis ang pangamba na tuluyan silang mawalan ng pagkakataong mabuhay ng may dignidad dahil sa limitadong suporta.
Kaya’t mahalaga na hindi lamang ipinagdiriwang ang isda, bulaklak,at itik, mainam kung pati ang mga manggagawa sa likod nito ay kumikita rin ng sapat at nabubuhay ng may dignidad.