May Obra sa Wala para sa Sining na Mapagpalaya: Kuwentong Zero Waste ni Cayo Mizal

Ulat nina Maria Andrea P. Bodaño at Joan Chlarisse L. Yap

Naganap noong ika-8 ng Marso ang “Of Age And Years” sa DL Umali Hall ng University of the Philippines Los Baños kung saan itinanghal ni Cayo Mizal ang kaniyang obra na “Quantum Entanglement”. Kuha ni Carlo Justin Alvarez

Dyaryo, bote, lumang bakal, at mga nahulog na kahoy mula sa bagyo. 

Sa mundong puno ng mga kagamitang ‘di kalauna’y itinatapon na lamang kung saan-saan, talento ang sagot para bigyang kulay muli ang mga tila wala nang buhay. Tubong Carbern, Los Baños, Laguna, patuloy na pinatutubo ni Julian Mizal, o mas kinikilala bilang Cayo Mizal, 38, ang kaniyang mga ideya kung paano bigyan ng bagong mukha ang samu’t saring kagamitan sa kaniyang kapaligiran.

Mula sa pamumuhunan sa buy and sell, pakikipagsapalaran sa stocks ng multinational companies at cryptocurrency, tungo sa pagsuporta sa mga lokal na gawa ng mga kaibigan, ngayo’y namumuhunan si Cayo sa kamalayan sa kapaligiran bilang inspirasyon sa kanyang mga likhang sining na kanyang pinagkakakitaan din.

Ibinida ni Cayo ang ilan sa kanyang mga likhang sining sa eksibit na “Of Age and Years” na pinasinayaan sa UPLB DL Umali Hall Sining Makiling noong ika-8 ng Marso, 2023. Kasama ng iba pang mga lokal na artist, ibinida rito ang kanilang mga obrang nagmula sa matatandang puno ng UPLB. Layunin nila na bigyang halaga ang gampanin ng mga puno sa buhay ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang likhang obra.  

Isang Dekada ng Kahusayan

Ginugol ni Cayo ang kabuuan ng kaniyang edukasyon sa sarili niyang bayan at nakapagtapos ng BS Forestry sa University of the Philippines Los Baños. Gamit ang kaniyang mga natutuhan at angking kahusayan, walang tigil at humpay ang pagpapahalaga ni Cayo sa potensyal ng mga bagay na para sa iba ay tila wala nang saysay. 

Katulad na lamang ng layunin ng mga artist sa naturang eksibit, ganito rin sinimulan ni Cayo ang kanyang lakbay patungo sa likhang sining. 

Nagsimula siya sa paglikha ng mga obra na mula sa kahoy ng Narra. Sa kasalukuyan, ang inspirasyon sa kanyang mga likha ay mula sa layunin na gawing kapaki-pakinabang ang mga bagay na madalas na matatagpuan sa basurahan, katulad na lamang ng mga bote, charger, wire, at electronic device. 

Para kay Cayo, oras ang pinakamahalagang kalakal sa lahat ng aspeto ng buhay. Sa katunayan, ito rin ang kanyang naging pukawsigla sa kanyang pinangunahang usapan noong Marso na pinamagatang “A Decade of Excellence”. 

Kung ano man ‘yan, sports, dancing, arts, lahat ‘yon kailangan mo bigyan ng time. Kaya nga sabi nila para daw maging master ka sa craft ng anuman ‘yan, kailangan mo ng isang dekada para gawin yung craft na ‘yan,” saad ni Cayo. 

Makalipas ang sampung taon, mas sigurado na si Cayo sa kanyang tinatahak na daan sa mundo ng sining. Silakbo ng kasiyahan ang tangi niyang nararamdaman sa tuwing siya ay lumilikha, kaya naman hindi naging hadlang kay Cayo ang mga hamon sa buhay upang upang siya ay magpatuloy. 

“Taong 2013, nagulungan ako ng gulong tapos ‘yung paa ko nagkasugat, two months ako naging baldado. Pero ang ginawa ko, tinake ko ‘yung opportunity na wala akong ginagawa [at] mag-a-art ako. So habang baldado, gumagawa ako ng art, ‘dun ako nagsimula,” kwento ni Cayo. 

Nang nagsisimula pa lamang si Cayo, pointillism ang naging pangunahing ekspresyon niya sa kaniyang mga likha. Dahil na rin sa suportang tinamasa mula sa mga malalapit sa kaniya, sinimulan niyang tuklasin ang paggamit ng kahoy sa kanyang mga obra. 

Kahoy mula sa Narra ang naging pangunahing materyales ni Cayo sa pagbuo ng kaniyang mga likhang sining. Bilang isang forester, muli niyang binigyang buhay ang mga patay na puno mula sa kanilang kapaligiran, kabilang dito ang mga sangay ng puno na nahuhulog tuwing may bagyo. Dito sinimulan ni Cayo ang paglikha ng mga kagamitan mula sa kahoy na maaring pakinabangan ng mga tao. 

Sining at Inobasyon

Maliban sa mga obrang gawa sa kahoy, kasalukuyan ding tinatangkilik ni Cayo ang paggawa ng mga upcycled na mga baso gamit ang iba’t ibang uri ng bote ng beer. Sa halagang dalawang piso bawat piraso, binibili niya ito mula sa mga nagbobote upang bumuo ng hindi lamang ng isang obra kung hindi para makatulong din sa mga nangangailangan. 

Dahil sa buhay na buhay na drinking culture sa Los Baños, madaling mahanap ang mga materyales na kaniyang ginagamit sa pagbuo ng mga upcycled na baso. Dahil din dito, naging patok ang kaniyang mga obra sa mga lokal na residente ng bayan.

Tunay na oras, sikap, at dedikasyon ang puhunan ng mga artist sa kanilang mga likha kaya hindi maiiwasan para sa iba na mahirapang ibenta ang kanilang mga obra. Lubos na nakatutulong sa mga manlilikha tulad ni Cayo ang pagkakaroon ng kita mula sa kanilang sining, subalit lubos din ang kaniyang pasasalamat sa mga taong nagbibigay halaga sa mga resulta ng kaniyang talento at pagsisikap. 

Itinanghal din ni Cayo Mizal ang mga baso na gawa sa upcycled beer bottles noong ika-8 na Marso. Kuha ni: Carlo Justin Alvarez

Wala nang monetaryong halaga ang mga kalat-kalat at patong-patong na bote ng beer sa junk shops, kaya naman pinagnilayan ni Cayo kung paano ito mababago. Dahil karaniwan ding naiiwan ang mga bote ng beer sa kaniyang bahay dulot ng mga bumibisita niyang mga kaibigan, naisipan niyang bigyan ng bagong anyo ang mga ito.

Imaginin mo yung waste na nandyan kasi ‘di kinukuha ng bote-dyaryo kasi wala ngang value. So kami ang ginawa namin, instead na nakatambak dyan, kunin na lang namin, gawin naming glass/crafts, tapos ire-resell namin,” ani Cayo.

Noon ay minamano lang niya ang pagtabas ng mga bote, ngunit hindi ito naging madali. Dagdag pa rito, maraming bote rin ang nasasayang sa mano-manong pagtatabas. Kaya naman naisipan niya na lamang mamuhunan sa teknolohiya at bagong makinarya upang bigyan ng mas magandang kalidad ang kaniyang mga nililikha. 

TINGNAN: Isa sa mga obra maestra ni Cayo Mizal ang Quantum Entanglement kung saan ipinapahiwatig nito ang kultura ng konsumerismo. Kuha ni: Carlo Justin Alvarez

Subalit, hindi lamang negosyo ang naging pakay ng mga bote na ito. Noong nakaraang eksibit, ipinakilala niya ang kaniyang obrang nagngangalang “Quantum Entanglement”, kung saan ipinarating niya ang isang realidad patungkol sa kultura ng consumerism.

Ipinapahiwatig ng Quantum Entanglement ang commodification sa mga likas na yaman. Ang nakapatong na-barnis na kahoy ng Narra ay nagrerepresenta sa pagka-artipisyal ng mga serbisyo at produkto ng konsumerismo sa gitna ng panamamantala sa kapaligiran.

Maliban sa sumisimbolo ang mga pumapalibot na bato at buhangin sa iba’t ibang lugar na napuntahan niya sa kaniyang mga paglalakbay sa Pilipinas, ipinapakita rin nito ang samu’t saring katangian ng mga lugar na ito. Ang mga bote na pumapalibot sa buong obra ay inihahalintulad ni Cayo sa mga taong nag-uunahan at nag-aagawan sa paglikom ng mga likas na yaman.

Makabuluhang Likha

Sa bawat obra na kanyang nililikha, naaaninag ang kanyang pinakamahalagang inspirasyon—ang kapaligiran. Nais niyang ibahagi gamit ang kanyang mga piyesa ang katotohanang lahat ng bagay ay maaaring bigyan ng buhay. Dahil dito, patuloy na isinusulong ni Cayo ang kaniyang adbokasiyang konektado sa zero waste. Layunin niyang ipakita ang lumalalang problema sa waste disposal, at bigyang kamalayan ang mga tao sa kanilang kontribusyon sa isyung pangkapaligiran. 

Inamin niya rin na isa siyang hoarder. Ngunit, dahil sa kanyang panghihinayang sa mga materyales ng found art, binibigyang halaga niya ang mga ito at pinaglalaanan niya ng oras upang pagnilayan sa kung paanong paraan niya ito pwedeng gawing parte ng kanyang mga obra. Mula rito ay nadiskubre niya ang kaniyang adbokasiya.

Sining bilang isang Espasyong Pangkaunlaran

Nabanggit din ni Cayo na isa rin niyang adbokasiya ang pagkakaroon ng collaborative work sa paggawa ng sining. Nabubuo ang partnership sa tuwing mamumuhunan siya sa gawa ng kaniyang kapwa artist dahil sa nakitaan niyang potensyal nito.

“Gusto ko magtulungan lahat. Kumbaga, aangat lahat, hindi ‘yung ikaw lang ‘yung aangat,” saad ni Cayo. Dagdag pa rito, pangarap niyang makapaglunsad ng isang gallery kung saan ang obra niya, kasama ang iba pa niyang kapwa artist, ay makakapagtanghal ng kanilang mga gawa habang kumikita.

Kaya naman sa kabila ng lumalang problema sa isyung pangkapaligiran, naging espasyo ang sining para magsama-sama ang maraming talentadong kamay at determinadong puso. Samahang may iisang mithiing tugunan ang problemang pangkaunlaran gamit ang maliliit na ideyang nagbibigay ng bagong anyo sa mga bagay na wala nang halaga sa iba. Higit sa ngayon, koneksyon at kolaborasyon sa kapiligiran ang labis na dapat nating pagtuunan ng pansin tungo sa pag-unlad.

Sa huli, patuloy ang panawagan ng mga lokal na artist tulad nina Cayo na hindi dapat ipagwalang-bahala ang likas na yamang nakukuha mula sa kapaligirang marami pang ihahain sa mga susunod pang henerasyon.