Ulat ni Ijanver Z. Realo
Tayuan, pila-pila, at magkakadikit habang humihigop ng mainit na sabaw mula sa naglalakihang kaldero na nakapatong sa isang cart at nakakabit sa motorsiklo. Ganyan ang eksena ng mga kumakain ng pares sa gilid ng mga kalsada sa Laguna.
Ang mga cart na kung tawagin ay “paresan” ay kadalasang makikita sa buong probinsya, ngunit bago ang pandemya, walang ni-isang paresan ang makikita sa isang parte ng Lopez Avenue na mas kilala bilang “Grove,” isang pook-komersyal na malapit sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.
Noong nakaraang taon, nagkaroon na rin ng kumpulan ng tao sa gilid ng kalsada nang magsulputan ang mga paresan sa kahabaan ng Grove. Ano kaya ang kwento sa likod nito?
Bakit Pares?
Ang beef pares o mas tinatawag na pares ay isang Pinoy streetfood na kombinasyon ng dalawang putahe, sinabawang karne o lamang loob ng baka at sinangag na kaning buhaghag. Kaya ito binansagang “pares” dahil inihahanda siyang “kapares” ng sinangag.
Isa sa mga nagtitinda nito ay si Nanay Rosaline Dumaging ng Barangay Batong Malake. Kasama ang kanyang mga kaanak at ilang mga kapitbahay, pinapatakbo nila ang paresan na nakapwesto sa tapat ng STAR Commercial.
Ayon kay Nanay Rosaline, napili nilang magbenta ng pares dahil sa ideya ng kanyang kapatid. “Sabi nung kapatid ko, kung gusto ko daw kumita, mag pares ako, kasi ito ay pang masa dahil mura kaya maraming tatangkilik,” ani Nanay Rosaline. Agad naman itong sinuportahan ng nanay niyang si Lola Cely Dela Cruz.
“Sabi ko, kaya natin ‘yan, tikman natin ‘yung pares sa Bay para matuto tayong magluto,” dagdag ni Lola Cely. Noong natuto sila, agad silang pinadalhan ng puhunan ng asawa ni Nanay Rosaline, at sinimulan na nila ang pagtitinda noong 2020.
Epekto ng Lockdown
Wala pa man ang pandemya ay nagnenegosyo na si Lola Cely. Nagtitinda siya noon ng iba’t ibang ulam sa kanilang bahay sa may El Danda.
“Maayos naman ang kita noon, nakuha pa nga ako nung SEA Games na magsuplay ng pagkain sa mga kasali eh,” kwento ni Lola.
Ngunit noong Marso 2020, ipinatupad ng gobyerno ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon. Dahil dito, hindi nakapagtinda ang senior citizen at food vendor na si Lola Cely. “Nawalan kami lahat ng hanapbuhay,” dagdag ni Lola.
Kaya noong nabawasan na ang paghihigpit sa pagtitinda, naisipan nilang magnegosyo muli. “Nag-online selling kami dati ng mga isda at iba pang paninda na kinukuha namin sa Calamba,” aniya. Ngunit hindi naman daw ganoon kalaki ang tubo rito.
“Halos sumasapat lang sa pang araw-araw,” dagdag pa niya.
Pinagtabuyan
Bago pa man makarating ang paresan ni Nanay Rosaline sa Grove ay ilang beses na itong nagpalipat-lipat ng pwesto.
“Apat na beses kaming lumipat bago kami dumating dito,” aniya. Una silang pumwesto sa may tapat ng South Supermarket sa Barangay Maahas ngunit pinaalis sila ng mga pulis.
Nang lumipat sila malapit sa Laguna Water District Aquatech Resources Corporation o LARC, pinaalis din sila ng may-ari ng mga maliliit na kainan at ng mga opisyal ng barangay.
“Sa Batong Malake daw kami magtinda kasi yun ang barangay namin, obstruction daw kasi kami,” kwento ni Nanay Rosaline.
Pinagbantaan pa nga raw sila na ipapahila na ang cart nila kapag di sila umalis. “Nakakaiyak ‘yun,” dagdag ni Lola Cely.
Pagkatapos paalisin ay lumipat sila sa may tulay malapit sa Olivarez Plaza, doon ay nagrenta sila sa may-ari ng lote. Ngunit pagkatapos ng ilang buwan, tinapos na ng may-ari ang kontrata. Dahil dito, dumako naman sila sa may tapat ng ospital papuntang Mayondon, ngunit sobrang tumal ng benta dahil konti lang ang mamimili.
“Sa apat na pwestong nilipatan namin, ‘di man lang ako nakabawi ng puhunan,” sambit ni Nanay Rosaline.
Kumpulan at Kwentuhan
‘Di gaya ng mga kainan sa loob ng mga gusali na hiwalay ang mga empleyado at mga kostumer, halos kaharap lang ng mga kumakain ang empleyado o may-ari ng paresan gaya ng kila Nanay Rosaline.
Dahil dito, nagkakaroon ng pagkakataon na mag-usap ang kostumer at may-ari. Ayon kay Nanay Rosaline, isa sa mga kostumer niya ang kumausap sa kanya tungkol sa mas magandang pwesto.
“Bakit daw ‘di namin subukan sa may malapit sa UP dahil mas marami daw dun ang mga tao, lalo na mga estudyante,” ani Nanay. Bunga ng maikling usapan ay nakapunta sila sa pwestong mas mabenta at matao. “Noong pumwesto na kami dito, ayun nag- click,” dagdag pa niya.
Ayon kay Jake Neverida, estudyanteng suki sa paresan, nakakausap niya raw lagi sila Nanay Rosaline sa tuwing kumakain. “Oo, madalas ay tungkol sa mga presyo ng bilihin at iba pa,” kwento ni Jake.
Aminado rin si Nanay Rosaline at Lola Cely na naapektuhan sila ng inflation lalo na sa mga sangkap ng tinda nila.
“Halos lahat tumaas, eh magkano lang naman ang pares namin, di naman kami nagtataas ng presyo,” lahad ni Nanay.
Napa-iling na lamang si Lola Cely nang maalala niya ang kanilang karanasan. “Dati yung sili umabot pa ng 1,300 nung tumaas,” aniya.
Dahil din sa taas ng bilihin muntik na rin sila sumuko nang hindi pa pumapatok ang paresan. “Muntik ko na nga ‘yan (ang cart) ibenta noon eh,” dagdag ni Nanay Rosaline.
Kulturang Kalsada
Sa gitna ng pagtatabi-tabi, ingay ng mga sasakyan, pagsisiksikan at kwentuhang nagaganap, mapapansin pa ring namamayagpag ang kulturang Pilipino sa gilid ng kalsada.
Ayon kay Mcryan Joseph, 40-anyos na suki ng paresan, ang pagkain niya raw dito ay isang anyo ng pakikisama.
Ang pakikisama ay kilalang katangian ng Pilipino, ito ay isang paraan ng pakikitungo na madalas mapapansin sa mga kainan sa daan. “Sa paresan, siksikan yan, bawal ang mataas ang pride, salo-salo sa pagkain eh, pang Pinoy,” lahad ni Mcryan.
Napapansin din sa mga streetfood gaya ng paresan ang ugaling pagtitipid. “Iba pag nasa daan, mas marami ang kumakain kasi, pag sa daan ang alam agad ng tao mura,” ani Nanay Rosaline. Ayon rin sakanya, 70 porsyento ng kanyang mga suki ay mga estudyante.
Isa na roon si CJ Lacsamana, na halos tatlong beses sa isang linggo kumakain ng pares. “Mura kasi dito at masarap,” mungkahi ni CJ.
Bukod sa pakikisama at pagtitipid, mapapansin din ang kulturang “utang na loob” sa mga kumakain ng pares. Ayon kay Nanay Rosaline, pag may mga estudyanteng gipit ay binibigyan niya ng libre.
“May isa dito na mangungutang sana para kumain, pinakain ko na nang libre,” kwento ni Nanay. Dahil dito, noong Disyembre, may dumating na hindi inaasahan.
“Noong December, first time yun, may engineering students na nangaroling at ‘yung kinita nila ay pinambiling grocery at binigay sa amin, dahil daw mabait ako sa kanila sila naman daw ang gaganti,” kwento ni Nanay Rosaline.
“Paminsan-minsan, mayroong mga nakakaluwag-luwag na gustong mag-abot ng tip. Ang sabi ko sakanila, ‘balikan nyo na lang ako kapag graduate na kayo, malaman ko lang tapos na kayo masaya na ako,’” lahad ni Nanay.
Higit pa sa Negosyo
Sa paresan ni Nanay Rosaline, may pitong empleyadong nag-aasikaso sa kumpulan ng mga tao. Sa pitong empleyado, limang pamilya ang napapakain at nasusuportahan. Ito ang nagsisilbing hanapbuhay nilang lahat.
Pero bukod dito, sa simpleng cart na nakaparada sa daan ay may nagaganap na kwentuhan at nabubuong pagkakaibigan. Ang paresan ay di na lang simpleng tawag sa pagkaing inihahanda, ang “paresan” ay nakikita na rin sa hanapbuhay at kultura.
Kung ang sinabawang baka ay kapares ng sinangag. Ang kumikitang kabuhayan ay kapares ng mabuting pakikipagkapwa.