Buhay Saka: Epekto ng tag-init at El Niño sa magpapalay at aster growers ng Brgy. Bayog

Ulat nina Gilliane Del Rosario, Coline Fortus, at Leo Verdad

Mga magsasaka sa Brgy. Bayog, maagang nagtatanim ng palay upang maiwasan ang matinding init ng panahon tuwing tanghali.

Matinding init, tagaktak na pawis, at kakulangan sa tubig irigasyon para sa pagtatanim sa mga lupang sakahan ang ilan sa mga suliranin ngayon ng mga magsasaka sa Barangay Bayog, Los Baños, Laguna matapos ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa El Niño watch advisory na ang bansa sa isang press briefing noong Abril 18, 2023. 

Mga pagbabago sa pagsasaka tuwing tag-init

Tumaas sa 80% ang posibleng maranasang init dahil sa El Niño ngayong buwan ng Hulyo hanggang Setyembre na maaari pang tumagal hanggang Enero 2024, ayon kay Department of Agriculture Usec. Ariel Cayanan. Ito ay tuluyang makakaapekto sa pagtatanim ng mga magsasaka dahil sa pagkatuyo ng lupa. 

“Iba talaga ngayon, 55 years old na ako at ngayon ko lang naramdaman ang ganitong kainit. Pasanting nang pasanting ang init habang tumatagal,” ani Josefa Banasihan, isang magsasaka sa Brgy. Bayog.

Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng labis na init ng panahon sa mga pananim, dahilan upang ito ay mamatay at hindi na mapakinabangan. Mabilis din daw mamatay ang mga pananim na palay kapag hindi agad nadiligan kapag tag-init. 

Ganito man ang sitwasyon,  hindi na sila namamatayan ng pananim ngayon dahil inaagapan na ito ng patubig na nagsasalba ng kanilang mga pananim. “Okay naman kasi may sarili kaming patubig, pero doon sa mga wala, maraming hindi nakakatanim. Minsan, wala silang budget, walang pang-tustos,” ani Banasihan. 

Ang patubig na ginaganap tuwing pangatlong araw ng linggo upang maiwasang mamatay ang mga palayan dahil sa matinding init ng panahon.

Ipinayo rin ni Banasihan na magpahinga na lang muna mula sa pagtatanim tuwing nararamdaman na ang pagkahilo dulot sa sobrang init. Dahil dito, kinakailangan din na magtanim kung kailan maaga pa upang maiwasan ang tindi ng init tuwing tanghali. 

Sumang-ayon din si Roger Sidutan, 63 taong gulang, na nagsabing, “mas matindi ngayon ang init at masakit sa balat. Ang epekto nito, pwede kang mamatay sa sobrang init at high blood pressure.”

Gayumpaman, hindi nararamdaman ng ibang magsasaka sa Brgy. Bayog, Los Baños ang matinding init ng panahon. 

Ayon kay Joyie Garab, halos pareho naman ang init ng panahon noon kumpara sa ngayon dahil halos 34 taon na raw siyang magsasaka. Ang obserbasyon ng karamihan sa mga magsasaka sa barangay ay balanse pa rin ang panahon tuwing El Niño at El Niña. 

Hindi rin ramdam ng magsasakang si John Rey Dalguntas, 52 taong gulang, ang epekto ng matinding init ng panahon. Kagaya ni Garab, pansin niya ang pabago-bago ng panahon. Ayon sa kanya, “Sa ngayon, mainit pero maulan. Wala na masyadong sinasabing summer ngayon.”

Kita ng mga magsasaka

Bagama’t matindi ang sikat ng araw na maaaring maging mapanganib sa kalusugan, hindi maaaring ipagpasantabi ng mga magsasaka ng Brgy. Bayog ang kanilang hanapbuhay. Ito ang panganib na kasama na sa kanilang trabaho. 

Mas malaki rin kasi ang kita ng ilang mga magsasaka ng palay tuwing tag-init kumpara sa tag-ulan. “Pag itong tag-init, maganda ang kita sa palay pero pag maulan, mas kaunti ang kita. Mas malakas ang ani pag tag-araw, mahina pag tag-ulan,” ayon kay Sidutan. 

Ayon naman kay Garab, mas malaki pa rin ang kita sa pag-ani kahit El Niño. Ito ay dahil kumpara sa pag-ani niya noong Nobyembre, halos kalahati ang nawala sa kanila noon bungsod ng bagyo. Dagdag niya na nakatutulong din ang kita sa pag-ani ngayon sa pagbayad ng kanyang mga utang. 

Tuwing tag-init, maaaring umasa ang mga magsasaka ng Brgy. Bayog sa patubig para sa kanilang palayan. Kahit na matakaw sa tubig ang palay, kaya itong suplayan ng kanilang mga sariling pump. Kapag tag-ulan naman, nagdudulot ang labis na pag-ulan at mga pagbaha ng pagkasira ng mga pananim. Mas mahirap itong kontrolin para sa mga magsasaka ng Brgy. Bayog, lalo na para doon sa mga mas malalim ang lupang kinatatayuan ng palayan. 

Dagdag pa ni Garab, “kasama naman po talaga sa budget [‘yung gasolina para sa pump] kasi ‘yun talaga ang kailangan ng mga halaman namin. Talagang paglalaanan niyo po siya ng budget kasi ‘yun lang po talaga ang pag-asa namin para may kikitain kami”.

Ayon naman kay Banasihan, nakadepende pa rin daw sa presyo ng bentahan ng palay kung gaano kalaki ang kikitain nila matapos ang pag-aani. Apektado naman ang presyo depende sa dami ng suplay ng palay sa merkado, lalo na kapag nasasalanta ng peste ang pananim ng ibang mga magsasaka. 

Ito rin ang sentimyento ni Sidutan, na nagsabi na naglalabas din siya ng 25,000 pesos tuwing panahon ng taniman ng palay. Aniya, kumikita naman siya tuwing tag-init kung mataas ang bentahan ng palay, ngunit nalulugi rin kapag mababa ang bentahan nito. 

Irigasyon at Insurance

Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at Deputy Spokesman Rex Estoperez na lalong bababa ang ani ng palay kung ang mga magsasaka ay hindi makakapagtanim dahil sa unti-unting pag-init ng panahon. Ito ay dahil sa kakulangan ng access ng mga magsasaka sa irigasyon.

Ayon naman kay Kapitan Crisanto Tandang ng Brgy. Bayog, inaasahan nila ang Senate Resolution 549 o ang ipinapanukalang agricultural insurance ni Sen. Joel Villanueva para iimplementa sa mga magsasaka sa buong bansa lalo na sa kanilang lugar.

“Nabalitaan ko ngang itong agricultural assistance o insurance mula sa gobyerno, ngayong tag-init, syempre malapit na El Niño, yung mga taga silangan o doon sa bukid kung saan nakasentro mga magsasaka natin, malaking tulong ang insurance sa kanila kasi bukod sa gastos sa irigasyon, “‘yung tuyong lupa kamo nila ay kailangang panatalihing basa para mabuhay ang palay,” ani Tandang. 

Ayon naman sa mga magsasaka, nakahanda ang kanilang pondo upang tugunan ang magiging epekto ng El Niño taon-taon.

“Pag hindi pinatubigan, natutuyo. Tapos nagkakasakit, ganitong paambon-ambon…Itong mga aster, hindi nakakatanim ang lahat dahil kailangan talagang patubigan. Malakas kumunsumo talaga…Hindi naman lugi. Taon-taon, naglalabas ako rito ng bente-singko mil,” ani Sidutan.

Nagsasagawa ng varietal techno-demo ang barangay alinsunod sa PalayCheck system na nagdedetermina ng iba’t ibang uri ng palay na tinatanim sa bukid. Ito ay ang pagsasagawa ng demonstrasyon ng mga eksperto kasama ng mga magsasaka ng mga teknolohiyang nagdedetermina ng uri ng palay. Katuwang ng Samahan ng Magpapalay sa Bayog, binigyang-diin ni Kapitan Tandang na mayroon silang programa para sa kanilang mga magsasaka, ngunit kulang ang tulong pinansyal mula sa lokal na gobyerno upang gawin itong regular.

Last year, sa Bay tsaka Los Baños nagkaroon ng technology demonstration ang DA para malaman kung alin sa mga palay ang hybrid mestiso nang sa gayon ay maiayon nga nila yung chemical at tubig na kanilang pinapadaloy sa palay. Ang gusto talaga natin maging educated mga magsasaka sa Bayog lalo na at agricultural community kami at matagal pa bago kami maging commercial,” aniTandang.

Samantala, nanawagan naman ang mga magsasaka ng nasabing barangay na ipagpatuloy lamang ang mga ayuda at binhi na ibinibigay ng DA upang hindi sila lubos maapektuhan ng El Niño. Nais din nilang mas pagtuunan ng pansin ng DA ang pagpapababa ng presyo ng krudo para sa mga makina ng kanilang irigasiyon at panghuli ay ang agarang oportunidad para mas magamit ng matagal ang sinasabing agricultural insurance na handog ng pamahalaan

Maaari ring mapanood ang isang bidyo patungkol sa Buhay Saka: Epekto ng tag-init at El Niño sa magpapalay at aster growers ng Brgy. Bayog dito: https://fb.watch/ktl4hD_9k3/