Ulat ni Earleen Mae Velasquez
Muling nagbabalik bilang main ingredient at material ang ipinagmamalaking Tilapia at Aster flowers ng Barangay Bayog, Los Baños, Laguna sa isinagawang Cooking at Flower Arrangement Contest sa Pamalakayahan Festival ngayong taon.
Ang Palakayahan Festival ay nagmula sa dalawang pinagsamang salita, kung saan ang isa ay “palakaya” na nangangahulugang pangingisda at “-han” na kinuha sa salitang “anihan”, dalawang kadalasang pinagkukunan ng kabuhayan sa kanilang lugar.
Ipinagdiriwang rito ang pagkakatatag ng kanilang barangay at nagsisilbi ring pasasalamat sa lahat ng biyayang natanggap ng kanilang mga residente. Bukod pa rito, ito rin ay naging mainam na paraan upang kilalanin ang kanilang mga ipinagmamalaking produkto at mabigyan din ng tulong ang mga kabarangay nila na magkaroon ng dagdag kita sa kanilang hanapbuhay.
Yaman sa Lawa
Dahil malapit ang kanilang barangay sa Laguna Lake, sagana ang kanilang barangay sa mga yamang dagat, tulad ng .mga tilapia. Ngunit kaakibat nito ay ang pagiging sensitibo nito sa pabago-bagong panahon, na siyang nakakaapekto rin sa kabuhayan ng mga residente.
Dalawang dekada nang fish cage operator si Benedicto Cenaon. Aniya, nakararanas ngayon ng krisis ang produksyon ng mga isda dahil hindi na umano kasing dami ng dati ang mga huli sa lawa nitong mga nakaraang taon bunsod ng abnormal na pagtaas at pagbaba ng temperatura. Ang dating 50% na nabubuhay na isda sa loob ng fish cages, ay bumaba sa 20% na lamang, na siyang nagdulot ng malaking kabawasan sa kanilang kinikita.
Tangi na lamang nilang pag-asa ang mga taunang kaganapan at selebrasyon sa barangay katulad ng Palakayahan, na siyang nagiging oportunidad ng mga mandaragat upang makabawi sa nawala nilang kita.
“Kapag walang ganong mga festival, minsan ang kuha lang ng tindera mga 50 kilos o 30 kilos. Pero kapag may festival…nakakakuha sila ng 500 kilo, kasi may mga order sila marami…Yun ang nakakatulong sa’min kumbaga may volume,” batid ni Cenaon.
Kaya naman sa ginanap na cooking contest, sinigurong ang gagamitin na pangunahing sangkap ay mga tilapiang galing sa pamilihan ng Bayog na siyang inangkat mismo mula sa mga fish cage operators ng kanilang barangay.
Naging mga hurado ang mga mag-aaral ng Dietetics at Nutrition ng Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños sa patimpalak kung saan ipinamalas ng limang residente ang kanilang galing sa pagluluto sa pamamagitan ng mga kakaibang putahe na maaaring gawin sa tilapia. Sa huli ay napukaw ang puso ng mga hurado ng nilutong “tilapia cordon bleu” ni Ma. Lourdes Tarzona, at siyang nag-uwi ng kampyeonato. Nakasungkit naman ng pangalawang pwesto si Tristan Kenth Gatchalian na nagluto ng kaniyang special binagoongang tilapia, samantalang pangatlo naman ang lutong steamed tilapia ni Victoria Tandang.
Ang kampeon na si Mari ay limang dekada nang nagluluto. Aniya, hilig niya ang , pagtuklas tumuklas ng iba’t ibang pamamaraan sa pagluluto ng yamang dagat gaya ng kanyang winning dish.
Payo niya, “Wag mo lang gawing simple ang tilapia…na hindi puro karne hindi puro manok… gawin mo namang fish. Since ‘yon ang product dito sa Bayog ay tilapia yon ang napili ko…na mura na, masarap, at masustansya pa.”
Yaman sa Lupa
Gayon rin sa idinaos na flower arrangement contest, kung saan galing mismo sa mga hardin ng mga residente ang ginamit na asthers sa patimpalak. Mainam na gawing taniman ang mga lupa sa kanilang barangay, dahil di katulad umano sa ibang mga bayan, sanay sa init ang mga nagiging tanim dito. Kaya naman naging kilala ang kanilang bayan bilang may pinakasaganang tanim na halamang ornamental sa Los Baños. Partikular na dito ang mga catflowers, gladiolus, at lalong lalo na ang asthers. At hindi lamang sa Los Baños umaabot ang tanim ng mga residente, kundi inaangkat rin ito sa Dangwa o Bulaklakan ng Maynila.
Ngunit katulad ng kinaharap ng mga mangingisda sa barangay, nakararanas din ng pagsubok ang mga magsasaka ng Bayog.
Kwento ng flower farmer na si Macario Tarzona, 65 taong gulang, dala ng tindi ng init at peste, marami sa kanilang pananim na aster ang natuyo at nasayang. Naapektuhan rin ng pandemya ang kanilang benta dahil sa pagdalang ng mga okasyon at pagdiriwang. Sa halip na kita ay sariling pera na lamang ang kanilang ginagamit upang maipagpatuloy pa rin ang pangangalaga ng flower farm.
Ngunit sa muling pagbabalik ng mga selebrasyon at pagtitipon, unti-unti nang nakabawi ng kita at bumalik sa dating dami ng benta ang kanilang mga aster. At sa nagdaang flower arrangement contest ng Palakayahan Festival, layong muling makilala ang produktong ito at dumagsa muli ang mga nais bumili ng kanilang mga bulaklak.
Sa flower arrangement contest na nilahukan ng anim na plorista ng Bayog, pare-parehong klase ng bulaklak ang kanilang ginamit –asther, sunflower, daisy, at rosas, upang masiguro na tanging disenyo at ayos lamang nito ang magiging batayan ng mga hurado. Nakamiti ni Karol Bernadette Hintural ang unang pwesto, na sinundan naman ni Teodora Lapitan, at Madonna Nabia.
Kaugnay ng layunin namaipagmalaki ang yamang likas sa kanilang lugar, mayroon ding mga aktibidad ang barangay katulad ng Bangka-ton o karera ng bangka, karera sa paglangoy, at Amazing Race kung saan lilibot sa mga taniman at dadaan sa lawa ang mga kalahok. Gayunpaman, upang makontrol ang dami ng taong nagpupulong sa selebrasyon, balak na lamang nila itong idaos sa pista ng kanilang patron na siyang gaganapin sa Oktubre ngayong taon.
Plano rin umano nila na magkaroon pa ng ibang mga aktibidad na magtatampok ng iba pang mga pangkabuhayan sa kanilang lugar tulad ng pagproseso ng tinapa, paggawa ng kandila, at paggawa ng dishwashing soap, upang lalong mapalakas ang estado ng kabuhayan sa kanilang barangay.