Ulat ni Gabriel Algar
Araw ng Martes, ganap na ika-11 ng umaga bitbit ng teacher volunteer na si Jeremie ang kanilang mga printed worksheets at modules. Sa tanghaling tapat na ito, dali-daling nagtungo si Jeremie at kanyang mga kasama sa isang silid-aralan na puno ng mga mag-aaral sa elementarya. Ang pangkaraniwang Martes para sa iba, isang araw na nakatuon sa kanilang kapwa kabataan at sa adbokasiyang balang araw, lahat ng bata sa bansa ay bumabasa.
Isa si Jeremie Vasquez sa mga volunteers mula College of Teacher Education ng Laguna State Polytechnic University – Los Baños na nagsasagawa ng reading program na naglalayong mapunan ang isyu sa learning gaps ng mga mag-aaral sa unang baitang. Ang reading program ng CTE LSPU LB ay kilala bilang: CTE FEATHERS (Fostering Educational Achievement Through Honing Early Reading Skills).
Tuwing Martes, nagkakaroon ng isang oras na sesyon ang CTE FEATHERS sa kanilang mga partner schools sa Los Baños, Laguna. Sa kanilang set-up,iisang teacher volunteer ang gagabay sa bawat isang mag aaral, upang masigurong natututukan ang mga bata sa kanilang inaaral. Ang CTE FEATHERS ay nakilala noong pandemya bilang Bachelor of Elementary Education (BEEd) online reading program. Sa muling pagbabalik sa face-to-face classes, muli itong inilunsad sa temang: Ang Batang Marunong Bumasa, Ang Bagong Pag-Asa.
Para sa mga guro tulad ni Aguirre, adviser ng BEEd program, mahalaga na sa murang edad ay matuto nang magbasa ang mga bata.
“The learner’s future success in personal and professional is best ensured with competent reading skills. When we learn how to read, we understand and love what we read, in doing so, we make reading and thereby, learning, enjoyable” ani Aguirre.
(Ang tagumpay ng kabataan sa personal at propesyonal na aspeto ay nasisiguro sa kakayahang magbasa. Kapag inaral natin paano mag basa, matututo tayong unawain at mahalin ang teksto, dahil dito, nagagawa nating masaya hindi lang ang pagbababasa, pati rin ang pagkatuto.)
Noong 2018, isa ang Pilipinas mula sa 79 na bansa na nakatanggap ng pinakamababang ranggo sa International Literacy Assessment na isinagawa ng Organisation for Economic Co-operation and Development. Para kay Jeremie na isang 4th year BEEd student at isa sa mga volunteers, ang datos na ito ang isa sa mga nais nilang tugunan sa pamamagitan ng CTE FEATHERS.
‘Serbisyo para sa kapwa kabataan’
Bukod kay Jeremie, isa rin sa mga student teacher volunteers ay si Jaybee Pamulaklakin, isang 2nd year student mula sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Filipino. Para sa kanya, naging instrumento ang inisyatibo upang mas mamulat siya sa konteksto ng edukasyon sa bansa bilang estudyante na nangangarap maging isang guro.
“Noong nasa field na kami, saka namin na-realize ang tunay na worth ng isang educator, ‘di lang pwede na teacher ka lang in theory, dapat alam mo na ang pagiging guro ay isang responsibilidad na maihahalintulad sa isang act of service,” aniya.
Ayon din sa World Literacy Foundation, ang pandemyang dulot ng COVID 19 ay isang malaking dahilan sa pag baba ng reading comprehension at literacy rate. Kaya’t isa sa kanilang mga suhestiyon sa mga bansa ay ang paglikha at pagsasagawa ng mga estratehiya upang muling mapalakas ang ating datos tungkol sa literacy.
Sumusunod ang CTE FEATHERS sa mga alituntunin ng Department of Education. Wika ni Bb. Aguirre, sila ay gumagamit ng makabagong Marungko approach kung saan pinagsasama-sama ang mga titik na magkakatunog, kaiba sa nakasanayang pamamaraan na La Cartilla de Gretel kung saan inaaral ang mga titik ayon sa kanilang pagkakasunod-sunod sa alpabeto.
Ayon kay Gng. Rodalina Isleta, reading coordinator ng Los Baños Central Elementary School, maganda na gumagamit rin ng Marungko approach ang programang CTE FEATHERS. Sa gantong paraan, nag tutugma, at napapaliwanag ng maigi ng mga volunteers ang naituro ng mga guro sa one-on-one session.
Isa sa mga batang benepisyaryo ng programa ay si John Dominic Morada, ayon sa kanyang ina na si Lanie, malaking tulong ang CTE FEATHERS hindi lamang sa pagbabasa ng kanyang anak ngunit pati na rin sa pakikipagsabayan nito sa kapwa niya mag aaral.
“Nakikipag-cooperate na siya ngayon sa teacher niya, nagsusulat na siya sa notebook, ‘pag tinanong mo siya kung anong pinag aralan nila sa loob, nasasagot niya na sa akin, nakakapagsulat na siya ng ibang lesson nila kasi dati wala,” dagdag niya.
Ayon naman kay Chinky Marilag, isang guro mula sa Lopez Elementary School, naniniwala silang magandang programa ang CTE FEATHERS. Mainam na one-on-one ang set-up ng programa, kung kaya’t naging malaking tulong rin ito hindi lamang sa kanilang guro, ngunit pati na rin sa mga bata, dahil ang buong pokus ng isang guro ay nakalaan para sa kanila.
Sa kasalukuyan, mayroong 148 batang benepisyaryo ang CTE FEATHERS mula sa anim na partner schools ng programa, ito ang mga mababang paaralan ng Bayog, LB Central, Lopez, Maahas, Malinta, at San Antonio. Kung kakayanin man ng manpower at kagamitan, nais sana ng CTE LSPU LB na palawakin pa ang nasasakupan nitong mga bayan at baitang sa paaralan.
Sa pahayag ni Bb. Aguirre, nakakatanggap ng mga mensahe ang kanilang pangkat mula sa mga iba’t ibang guro at magulang na kung maaaring isama ang kanilang mga estudyante o anak sa ibang baitang sa kanilang programa. Ngunit sa kasamaang palad, pinaaalala niya na sila ay grupo ng mga volunteer lamang. Binigyang pasasalamat niya rin ang kaniyang mga estudyante at volunteers sapagkat hindi mabubuo ang programa kung hindi sa kanilang sariling sikap at tiyaga.
Sa kasalukuyan, ang tinatanggap pa lamang nilang volunteers ay mga estudyante mula sa College of Teacher Education. Ngunit kung kayo ay interesadong magbigay ng donasyon, maaring magpadala ng sulat kay Ms. Stephanie Angela Aguirre, adviser ng BEEd organization, at Mr. Melvin T. Guache, consultant ng Filipino Majors o Tanglaw.