Ulat ni Ysabela Calica
Pagpatak ng alas syete ng umaga, dali-dali na ang mga magulang ng mga mag-aaral ng Rural Improvement Club (RIC) Children’s Learning Center sa tabing riles ng Barangay San Antonio upang ihatid ang kani-kanilang mga anak. Hindi nila alintana ang paglalakad sa ilalim ng araw o kaya’y pakikipaghalinhinan sa pagsakay ng troli sa riles makapunta lamang sa daycare center, dahil batid nila na kahit sa murang edad ng kanilang mga anak, sabik ito sa isa muling araw ng pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pakikipaghalubilo sa kanilang mga kaklase at guro.
Ang Rural Improvement Club ng Los Baños Laguna ay isang barangay-based, non-profit, at non-governmental organization na nakatuon sa pagpapaunlad ng edukasyon at serbisyo sa kanilang mga miyembro at komunidad. Sa tulong ng kanilang mga volunteer teachers at mga child-care workers, layon nilang itaas ang antas ng pag-aaral at palawakin ang mga kasanayan sa pamumuno at potensyal ng kanilang estudyante tungo sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad. Kaugnay nito, nagtayo sila ng Children’s Learning Center sa iba’t ibang barangay sa Los Baños, kabilang ang Barangay San Antonio.
Matatagpuan sa gilid ng riles ang daycare center ng San Antonio RIC, kung saan ang mga mag-aaral at magulang ay sama-samang naglalakad o sumasakay ng troli sa tuwing papasok sa paaralan.
Gaya sa pito pang sangay ng RIC sa Los Baños, ginaganap sa loob ng isang sesyon sa isang araw ang mga aralin sa San Antonio RIC. Mayroon itong tatlong pangunahing volunteer teachers na kinabibilangan nina Teacher Belinda “Belle” Gordula na 29 na taon nang nagsisilbi bilang volunteer child care worker, Teacher Angelica “Angie” Martinez na 24 na taon nang RIC President ng San Antonio, at Teacher Florencia “Flores” Mamiit na 5 taon nang teacher aid.
Bilang mga guro, nais ng RIC na bumuo ng mga makakasanayang gawi sa pag-aaral sa tahanan at pagbutihin ang pagkatao ng mga batang mag-aaral. Bukod sa mga aralin sa Science at Math, binibigyang-halaga rin nila ang Values Education, kung saan itinuturo sa mga bata ang tama at magalang na pakikipag-usap sa nakakatanda.
‘Para sa komunidad at sa munisipalidad ng Los Baños’
Ang RIC ay isang inisyatibong bunga ng pagtugon sa pangangailangan ng komunidad. Bagama’t tumatanggap rin sila ng mga mag-aaral na hindi nanggaling sa Brgy. San Antonio, prayoridad pa rin nilang tutukan ang mga bata mula sa nasabing komunidad at sinusubukang tumanggap ng mga estudyante sa abot ng kanilang makakaya. Ayon kay Teacher Belle, hindi dapat sila magkaroon ng maraming estudyante dahil maaaring makaapekto ito sa kalidad ng kanilang pagtuturo, ngunit dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga magulang at estudyante na lumalapit sa kanila, gumagawa ng paraan ang RIC.
Bukod sa serbisyong ibinibigay, ang RIC ay nagtatayo at nagpapaunlad din ng malalim na kaugnayan sa mga magulang at mag-aaral mula sa kanilang mga komunidad.
‘Hindi matatawarang gantimpala’
Ang primaryang pinagkukunan ng pondo ng RIC bilang isang non-profit organization ay ang mga donasyon mula sa ibang organisasyon, at sa sariling komunidad. Kung kukulangin, sila na mismo ang tumutustos sa mga pangangailangan ng paaralan. “Minsan bunot bulsa pa,” ani Teacher Belle.
Ngunit sa kabila ng ilang hamon at kahirapan sa pagkakaroon ng pondo, ani ng mga guro, hindi matutumbasan ng anumang halaga ang positibong epekto at markang naiiwan nila ayon sa kanilang mga naging estudyante.
“Mas sobra pa ‘yung reward kesa dun sa sacrifice namin sa pagiging volunteer namin, mas katumbas o doble pa ‘yung reward—not financially but emotionally and mentally rewarding, very rewarding,” sambit ni Teacher Belle.
Ito, ayon sa kanila, ang nagsisilbing dahilan upang sila ay magpatuloy. Dagdag pa nila, isa umano sa kanilang mithiin ay ang makitang umunlad ang kakayahan ng kanilang mga mag-aaral at naging mabuting mamamayan hanggang sa kanilang paglaki.
Haligi ng edukasyon
Sa mahaba-habang panahon ng paglilingkod ng RIC ay isa na rin sila sa mga itinuturing na haligi ng komunidad. Hindi maikakaila ang magandang epekto nito sa nasabing barangay sa aspeto ng pagtuturo sa mga kabataan at gayundin sa magandang ugnayan sa mga lokal.
“Maganda ‘yung naging effect nung pagpasok ng anak ko dito kase nga ‘yung quality nung pagtuturo nila compared sa iba—kahit hindi ko siya nirereview ‘pag may exam, alam naman niya agad, parang syempre nakakaproud,” sabi ni Dawnella Martinez, 30 anyos, nanay ng isang mag-aaral ng RIC San Antonio, at dating estudyante rin ng RIC.
Nang matanong rin kay Dawnella ang tumatak na alaala sa kanya noong panahon niya bilang estudyante ng RIC, isinalaysay niya ang minsang naging karanasan niya noong siya ay nabully. Mabilis umano ang naging aksyon ng guro, at agad nitong pinagsabihan ang kanyang mga kaklase.
Sa kabilang banda, ikinatutuwa rin nina Teacher Belle at Angie ang mga dating estudyante ng RIC na nakakausap pa rin nila ngayon. Dahil ang karamihan ng mga ito ay lumaki nang mabuti at nakamit ang maraming bagay sa kanilang karera—at ang pundasyon nito ay ang pagturo sa kanila ng RIC.
“Alam mo si teacher [pagtukoy kay Teacher Belle], ‘yung mga estudyante niya, ilan na ‘yung doktor mo, lima? Yes! Ayun na doktor, engineer—‘yun na,” matuwang ipinahayag ni Teacher Angie.
Mumunti mang paaralan sa gilid ng riles, pinatunayan ng RIC na sila ay isa sa mga hindi matatawarang haligi ng edukasyon sa komunidad. Kaakibat ng mga kaalamang kanilang iniiwan sa mga estudyante, bakas rin ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga pamilya at kabataang mag-aaral na kanilang walang sawang pinaglilingkuran.
Kung nais magbigay ng donasyon o suporta sa RIC, maaaring makipag-ugnayan kay Ma’am Angie Martinez sa kanyang Facebook account.