Ulat nina Sophia Marie Allada, Maria Sofia Dela Cruz at Aira Llamanzares
Pormal na inilunsad ng Municipal Health Office (MHO) ng Los Baños ang bahay-bahay bakunahan program ng Department of Health na Chikiting Ligtas noong ika-28 ng Abril, kung saan mahigit 9,000 na mga bata sa Los Baños ang babakunahan laban sa polio, rubella, at tigdas.
Sinimulang maglibot ng mga barangay health workers at mga tauhan ng Los Baños MHO sa iba’t ibang barangay noong ika-2 ng Mayo at inaasahang magpapatuloy hanggang ika-31 ng Mayo.
Ang Chikiting Ligtas program ay isang supplemental immunization activity na layong bakunahan ang mga batang edad limang taon pababa. Ayon kay Los Banos Municipal Health Officer Dr. Alvin Isidoro, pinakatarget ang mga bata dahil sila ang pinakamadaling magkasakit.
“Sila ‘yung mas vulnerable na population kasi sila ‘yung usually tinatamaan ng mga sakit na ‘to. And sila ‘yung mga mas hinahabol dahil during the pandemic, ‘yung age group nila ay maaring di nabakunahan,” ani ni Dr. Isidoro.
Mula Enero hanggang Pebrero 2023, nakapagtala ang DOH ng 136 na kaso ng tigdas at walong kaso ng rubella. 17 naman ang nakumpirmang kaso ng polio mula 2019 hanggang 2021, kung saan ang isa ay nagmula sa Calamba, Laguna, ayon sa World Health Organization (WHO). Wala pa namang naitatalang kaso ng tigdas, polio, at rubella sa Los Banos ngayong taon, ayon sa isang panayam kay Anita Dorado, National Immunization Coordinator ng Los Banos.
Iginiit naman ni Dr. Isidoro ang kahalagahan ang mga programa gaya ng Chikiting Ligtas upang masiguro na maabot ang lahat ng mga dapat bakunahan.
“Through the Chikiting Ligtas, through house-to-house, mas nilalapit natin ‘yung mga health services sa bahay-bahay, para talagang makuha natin ‘yung mga bata at mabakunahan sila.”
Dagdag ni Dr. Isidoro, mahalaga rin ito upang mapigilan ang banta ng outbreak sa polio, rubella, at tigdas sa Los Baños. Naitala ang pagbaba ng vaccination rate sa mga nakaraang taon dulot ng pandemya. Aniya, bagamat hirap din silang maabot ang 90 hanggang 95 porsyento na target bago ang pandemya, mas bumaba pa raw ito noong pandemiya.
“Nung pandemic time, mas mababa, maybe around 50% kasi hindi sila nakakapunta ng center during that time and hindi sila nababakunahan nang ayos,” pahayag ni Isidoro. Nilinaw naman niyang hindi pa kasama ang mga nagpabakuna sa mga pribadong institusyon.
Ikinatuwa naman ng ilang mga magulang ang bahay-bahay na pagpapabakuna ng mga bata.
“Importante sa amin syempre, katulad namin na walang pera, na may libre. Maganda ‘yung mga ganitong program ng barangay.” pahayag ni Nanette Santos, 38, isa sa mga nagpabakuna ang kanyang apat na taong gulang na anak sa San Antonio.
Pahayag naman ng inang si Melody Marco, 20, na nagpabakuna ng kanyang dalawang taong gulang na anak sa parehong barangay, “Kung wala ‘yung mga programang ganito hindi mapapaturukan ‘yung bata. Sobrang laking tulong po talaga at sobrang nagpapasalamat po ako talaga.”
Ngunit mayroon ding ilan na nag-aalinlangan pa rin sa pagpapabakuna. Ayon kay Dorado, malaki ang papel ng mga kaanak, lalo na ng mga nakatatanda sa pamilya kagaya ng mga lola at lolo sa opinyon ng mga magulang sa pagpapabakuna.
Pagkukwento ni Edelyn Alvarez, 46, ina ng isa sa mga nagpabakuna, ilan sa kanyang kaanak ang sinasabihan siyang huwag na pabakunahan ang kanyang anak. Sa kabila nito, sinikap pa rin niyang mapaturukan ito. “Mahirap na dahil sa panahon ngayon. Kaya ‘pag meron mga ganito, inaabangan ko talaga. Kahit sabihin ng biyenan ko na huwag, dahil takot sila dahil sa mga nababasa nila,” pahayag niya.
Nagpahayag naman si Dr. Isidoro ng ilang paalala sa mga magulang na may pag-aalinlangan na pabakunahan ang kanilang mga anak.
“Una, ito ay matagal nang programa hindi lamang ng buong bansa, actually ng buong mundo. Lahat ay hinihikayat na magpabakuna and kung sila man ay nag-aalangan, safe po ito. The Philippine Pediatric Society ang nag-re-recommend na magpabakuna talaga. They consider this as safe and effective sa mga bata na target population natin.”
Ang Philippine Pediatric Society ay isang dibisyon ng espesyalidad ng Philippine Media Association, kung saan nagsasanay at nananaliksik ang isang organisasyon ng mga manggagamot na nangangalaga sa mga sanggol at mga bata.
Kasalukuyan pa ring isinasagawa ang bakunahan sa iba’t ibang barangay sa Los Baños. Para sa karagdagang impormasyon, maaari kayong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health center o kaya ay tumawag sa Los Baños Municipal Health Office:
Los Baños Municipal Health Office
+63912-709-2412
+63947-993-7957
Maari ding bumisita sa Facebook Page ng Los Baños Municipal Health Office para sa updates ukol sa programa. Basahin naman ang #ChikitingLigtas FAQ kung nais masagot ang mga karaniwang tanong ukol dito. Ito naman ay naka-publish din sa kanilang Facebook Page.