Ulat ni: Servillano S. Morales Jr.
Nagbabalik ang Division Schools Press Conference (DSPC) sa Calamba City, Laguna matapos ang dalawang taong pagkawala dulot ng COVID 19.
Gaya noong 2019, gamit pa rin ng dibisyon ang #CALAMBAL1K, na naglalayong mapanatili ang presensya ng lungsod sa mas mataas na lebel na kumpetisyon at mapasama ang mga mag-aaral sa ranggo ng bawat kategorya.
Sinalihan ang DSPC ng 55 na mga paaralang elementarya at sekundarya.
Kahapon lumaban ang mga mag-aaral sa indibidwal na kategorya, habang kasalukuyan namang sumasalang ang mga mag-aaral para sa group categories.
Sa Mayo 22, 2023 malalaman ang mga nagwagi na magiging delegado ng Regional Schools Press Conference (RSPC) sa Mayo 29, 2023.
Gaganapin ang RSPC individual competition sa Sta. Cruz, Laguna habang sa Cavite Province naman lalaban ang mga kasali sa group categories.
Estado at Pagbabago ng DSPC sa Calamba City
Ayon sa panayam kay Lino Sanchez, tagapangasiwa ng DSPC, malaking pagbabago ang kanilang kinaharap upang matagumpay na maibalik ito.
“Malaking pagbabago, especially hindi gaanong [kaensayado] ang mga bata sa pagsusulat. Pero mayroon namang nakikita naming mga magagaling,” ani Sanchez.
Ibinahagi rin ni Sanchez ang limitadong oras ng paghahanda ng lungsod.
“Iyong adjustment namin sobrang shortened ang preparation, unlike before na almost whole year round kami nagpe-prepare. Summer pa lang, every month at twice a month mayroon na kaming training,” pagsasalarawan ni Sanchez.
Kinumpara niya ito sa dalawang linggong paghahanda ngayong taon.
Bukod pa dito, bumaba sa limang mag-aaral na lamang ang isasali para sa collaborative desktop publishing na dating pito. Alinsunod sa ibinabang kautusan mula sa national office.
Pagbabago at Paghahanda sa TV Broadcasting
Bumaba sa lima ang dating pito na mag-aaral na isasali para sa kategoryang TV broadcasting.
Ayon kay John Dave Gecale, dating National Schools Press Conference (NSPC) qualifier ng TV broadcasting mula sa Calamba City, mahirap ang pagbabagong ito para sa grupong isasabak sa RSPC.
“Malaking adjustments siya kasi from dati, noong time namin na nag-NSPC ako, seven members per team. Then ngayon, ‘yung nilabas na bagong guidelines ay five members na lang daw with the same total running time, and preparation,” pahayag ni Gecale.
Inilarawan ito ni Gecale bilang ‘challenging’ dahil ngayon lang nagbabalik ang nasabing kumpetisyon na may maikling oras upang magsanay.
Ayon sa kaniya, naghahanda ang mga mag-aaral ng Calamba City Science Integrated
School sa pamamagitan ng pagtutok sa kanilang teknikal na kakayahan at pagbibigay gabay ng mga dati nang pambato ng lungsod.
“In terms of preparation, siguro mas tinutukan ‘yung mga students and even kami [dating pambato] tumutulong kahit papaano pag may time,” dagdag pa ni Gecale.
Inaasahan ni Gecale na masisigurado ng Calamba City ang pwesto para sa NSPC.