Ulat nina Cedrick Alolor at Rikka Cruz
Natapos na ang collaborative mural painting sa covered court ng Brgy. Batong Malake na pinangalanang ‘PAKIKIPAGKAPWA’ noong ika-5 ng Mayo.
Ito ay isang kolaborasyon na pinangunahan ng Makisining, isang art collective na nakabase sa Makiling, at lokal na pamahalaan ng Batong Malake. Kasama na rin dito ang boluntaryong tulong na ipinamahagi ng Art Relief Mobile Kitchen at ng UP Painters’ Club.
Nailunsad ito sa pangunguna ni Marvin Oloris, ang siyang nagtatag ng Makisining. Sa pamamagitan din probisyon ni Kapitan Ian Kalaw ng Brgy. Batong Malake, nabigyan ng tahanan ang mga kolektibong pintor ng bayan.
Malaking tulong din si Precious, isa sa mga tagapagtaguyod ng Art Relief Mobile Kitchen (ARMK), dahil sa walang sawang pagbibigay tulong ng kanyang organisasyon sa pamamagitan ng mga food relief programs para sa mga bayang nasalanta ng malalaking delubyo at nangangailangan ng suporta.
Bitbit ng sining ang samu’t saring kuwento ng tagumpay, paghihirap, kasiyahan, at kahinaan. Kaya kaakibat ng obra ng mga pintor ng Batong Malake ang kanilang sariling danas lalo na sa mapait na dulot ng pandemya.
Ayon kay, James Arnoza, dating direktor ng UP Painter’s Club, “Ipinakita ang pagbulaklak ng komunidad sa konteksto ng pandemya. Kasama na dito kung paano nagtulungan ang mga tao sa isang komunidad para maangat nila ang estado ng pamumuhay.
Sa kabilang banda, naging laganap din ang boluntaryong pagbibigay tulong ng mga residente at mga health care workers sa nagdaang mga taon.
Hindi nalilimita ang mga pintor sa paggawa ng sining lamang. Nagbigay rin ang Makisining ng mga Personal Protective Equipment (PPE) sa University Health Service (UHS) ng UPLB, habang ang Art Relief Mobile Kitchen naman ay nagluluto ng kakainin para sa mga poverty-stricken areas o mga nasalanta ng mga sakuna. Patunay na ang organisasyong ito ay binuo upang magbigay tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda taong 2013.
Ang kultura at sining ay hindi mapaghihiwalay na konsepto mula sa mga kolaborasyon ng mga organisasyong sining. Patuloy na nagiging bahagi ng pagkakakilanlan ng Makisining, Art Relief Mobile Kitchen, at UP Painter’s Club sa kanilang boluntaryong pagtulong sa mga komunidad gamit ang sining at talento.
Ang nasabing mural Brgy. Batong Malake ay nangyayari kada katapusan ng linggo at nagtatagal ang pagbuo ng obra nang tatlong buwan. Bilang mga alumni, ikinagalak ni Marvin na bigyang pansin ang mga bagong miyembro ng UP Painter’s Club upang magkaroon ng koneksyon sa karanasan nila bilang mga pintor.
Ang paglalagay ng mural ay hindi lamang para ipakita ang sining kundi para rin iparanas ang pakikipagkapwa sa mismong programang inilunsad,” ani ni Marvin.
Dagdag pa niya, sa pangungunani Dalnold Lautingco, naipakita ang konsepto ng mural sa pamamagitan ng iba’t ibang disenyong kapupulutan ng aral. Ito rin ay hango sa ideya ni Paul Hilario na siyang binansagang colorist ng organisasyon. Bilang tagapangasiwa, ginabayan niya ang mga bagong salang mula sa UP Painter’s Club at mga miyembro ng makisining.
Naging gabay si Marvin para siguraduhing magkaugnay ang bisyon ng lahat na kasama sa paggawa mula miyembro ng kolektibo at ng organisasyon.
Ang temang ipinakita ng mural ay repleksyon ng mga karanasan ng komunidad ng Batong Malake lalo na noong pandemya. Ikinagalak ito ng komunidad sapagkat maliban dito, naging salamin din ang mural sa kanilang paglaban para malampasan ang pangkalusugang krisis na nagtagal ng ilang taon.
Isa si Rafael Hernandez sa mga nakakita kung paano kinatawan ng mural sa kanilang barangay “Unexpected po talaga ang sitwasyon ng lahat. Natulungan po kami ng barangay sa mga kinakailangan namin katulad ng mga ayuda,gamot, at financial assistance,” ani Rafael.
Ayon naman kay Richell Cuabo, Barangay Nutrition Scholar ng Batong Malake, nakita raw nila ang kanilang sarili sa mural sapagkat ipinakikita nito ang pagbibigay ng suporta hindi lamang nitong pandemya kundi pati na rin sa mga nagdaang krisis sa bayan.
Isa si Richell sa mga tumulong noong kasagsagan ng pandemya. Kaya naman isa rin siya sa libo-libong taong nais gunitain ng mural kung saan ipinakikita ang bayanihan at pakikipagkapwa sa gitna ng kalamidad.
Hindi na rin bago ang mga gawang sining sa bayan ng Los Baños. Ayon kay Precious Leano, taong 2013 pa lamang ay katuwang na niya si Marvin sa mga inisyatibong tulad ng WiSiK o Wika, Sining, at K kung saan nagkakaroon ng ‘show and tell.’
“Yung show and tell na yun ng artists, yung WiSiK with Marvin, sinundan namin yun ng 2013, 2014, hanggang 2019 tapos nag-pandemic.” ani ni Pecious.
Dagdag pa niya, patuloy pa rin umanong umuunlad ang inisyatibong ito, sapagkat lumalawak ang naaabot nito at kung saan ito isinasagawa kada taon.
Ayon naman kay Marvin, ang pagkakakilanlan ng Los Baños bilang isang Science Town ay dahil sa presensiya ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB), International Rice Research Institute (IRRI), at iba pang ahensiya ng pananaliksik na naging motibasyon nila upang mas patatagin ang presensya ng sining sa nasabing bayan.
Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang kolaborasyon ng mga naturang pintor upang mas payabungin ang mga gawang sining sa kanilang lugar. Binigyang diin din ni Marvin na ang mga artist na ito ay tubong Los Baños at binubuo ng mga propesyonal, amateur, at hobbyists.
Ilan lamang ang MakiSining at WiSiK sa mga proyektong nagpapatuloy sa kulturang nagpapahalaga sa mga progresibong likha. Ito ay isang patunay na uusbong at yayabong ang sining sa isang komunidad na patuloy na hinahasa ang kanilang talento’t kakayahan.
Gayunpaman, makikitang hindi lamang ganda ang ambag ng sining kundi na rin ang kakayanang gawing direktibo ang kaunlaran sa mga tema at mensahe na nilalaman nito. Ito ay patunay na ang representasyon ng karanasan ng mga tao ay magsisilbing tanda kung gaano na kalayo ang narating ng komunidad kahit anong sakuna man ang dumating.