Ulat ni Rich Adriel L. De Guzman
Nalalapit na ang graduation season para sa college students dito sa Laguna. Kaakibat ng panahon ng pagdiriwang na ito ang pagninilay-nilay sa kanilang buhay kolehiyo at sa landas na kanilang tatahakin matapos makuha ang inaasam na diploma.
Narito ang ilang mga kwentong ibinahagi ng mga iskolar mula sa Laguna ukol sa kanilang buhay kolehiyo, mga plano pagkatapos, at mga payo para sa mga kapwa magsisipagtapos.
Cristine Amantil (BS Accountancy, City College of Calamba)
“Hanggang ngayon tanong ko pa rin yun sa sarili ko na kung ano ba talaga plano ko kase sa totoo lang, di ko talaga alam kung anong gagawin ko after ko gumraduate. Pero pinakamalapit na iniisip kong plano ay siguro after grad ay magpapahinga muna ako ng ilang months, saka ako maghahanap ng work.”
Isa si Amantil sa mga graduating students na nag-iisip kung ano ang kanilang gagawin matapos ang kolehiyo. Karaniwan sa mga graduate ng BS Accountancy sa bansa ay kumukuha agad ng trabaho at sinasabay sa pag-aaral upang makapasa sa Certified Public Accountant Licensure Examination (CPALE).
Para kay Amantil, hindi pa siya handa para sa board exams upang maging isang propesyonal at lisensyadong accountant . Plano rin niyang umuwi muna sa kanilang probinsya sa Iloilo at magpahinga ng ilang buwan bago magtrabaho at mag-aral para sa kanyang board exams.
“Di ko pa talaga nakikita sarili ko na mag-take [agad] ng board exam kase alam kong hindi ko pa kaya. Parang hindi pa ganoon ka-strong yung foundation ko sa accounting-related [subjects] kasi diba nga nag-online kaya parang naging reason ko kung bakit ayaw kong mag-take agad kasi gusto ko pag nagpahinga ako ng ilang months ay magba-back to basic ako sa pag-aaral,” ani Christine.
Payo niya sa mga kapwa niyang graduating ngayong taon na unahin kung ano ang gustong gawin at kung alin ang tingin nila na makakabuti para sa kanila. Dagdag niya pa niya na huwag magpadala sa pressure sa paligid.
Nagbigay ng pasasalamat si Cristine sa kanyang tiyahin pati sa kanyang mga kaklase at kaibigan na naging parte ng kanyang buhay kolehiyo.
“Gusto kong magpasalamat kay tita na nagpa-stay sa akin dito kahit hindi ko talaga siya kadugo at dahil siya yung tumayong nanay ko. Aside sa kanya, syempre mga kaklase ko dahil kahit na sabay-sabay kaming nahihirapan ay nandyan pa rin sila para tulungan ang isa’tisa. Gusto ko rin pasalamatan mga kapatid ko at ‘yung ibang mga kaibigan ko na tumulong sa akin kahit moral support.
Pamela Hornilla (BS Development Communication, University of the Philippines Los Baños)
“Plano ko after grad ay magtuloy sa law school. Ngayon ay inaayos ko ang mga kailangang ayusin para makapag-take ng entrance exam sa law school and hopefully matanggap. Kapag hindi tayo napili ay magwo-work tayo sa NGO tas doon sa advocacy na aligned sa pinaglalaban ko.”
Ani Hornilla, “Gusto ko talaga yung mga nagpa-fight against violence against women and children. ‘Yun ‘yung call na gusto kong suportahan, ‘yung for women empowerment. Right now, wala pa kong nase-search na NGO na pwede kasi focus ko talaga ay sana makapag-tuloy ako sa law school.”
Pangarap ni Hornilla na maging abogado simula noong high school pa siya at ngayon na siya ay patapos na sa kolehiyo, plano niyang gawing totoo ang pangarap na ito. Sa ngayon, inaasam niyang makapag-aral sa UP College of Law o kaya sa PUP College of Law.
Ayon sa kanya, isa sa nagbigay motibasyon sa kanyang ipagpatuloy ang kanyang pangarap ang kasalukuyang politikal na sitwasyon ng bansa at kung gaano kakaunti ang mga abogadong nagseserbisyo sa bawat Pilipino.
“Dun nagbo-boil yung aspiration [ko] kung bakit gusto ko mag-aral ng law atsaka yung fact na lumaki ako sa family na hindi super maalam sa law kaya parang gusto ko naman magbigay ng change sa family.”
Sa kabila ng suporta ng kanyang pamilya rito, naging hadlang naman ang kanyang kakayahang pinansyal bilang isang self-supporting na mag-aaral ngayong huling taon niya sa kolehiyo. Sa nalalapit na pagtatapos sa kolehiyo, payo ni Hornilla sa kanyang mga batchmates na huminga at ‘wag intindihin ang iba’t ibang pressure na nasa paligid.
Pinapasalamatan niya ang kaniyang naging kapamilya sa nakaraang apat na taon sa loob at labas ng unibersidad. Bukod sa kanyang natutunang mga aral sa buhay, naging gabay rin ang kanyang mga kapamilya at kaibigan upang makagaan sa kanyang pakiramdam sa gitna ng mga pagsubok.
“Sila yung inspiration para matapos ‘yung four years sa DevCom. Para [kina] Mama at Papa, malapit na po tayo sa finish line.”
Elthan Byron Cornello (BA Development Studies, University of the Philippines Manila)
“Balak ko mag-work talaga. Balak ko nga before graduation, since August 7 pa ‘yung graduation namin, ay maghanap na ko ng work by July.”
Para naman kay Cornello, isang estudyante ng Development Studies mula UP Manila, plano niyang makapaghanap agad ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo. Binabalak rin niyang kumuha ng master’s degree upang mas makahanap ng mas maayos at ‘compatible’ na trabaho.
Pero sa ngayon, nais niyang mag-trabaho sa ilang larangan upang mas makabuo ng kumpiyansa sa kaniyang planong mag-aral muli.
“Pinag-iisipan ko either Human Resources or Banking and Finance kase minor ko yung Economics at may mga subjects ako tine-take sa human resource development. After 2 years, balak ko mag-masteral though di ko lang sure kung ano ima-masters ko na degree or kukunin ko sa masters na degree program.”
Naging malaking tulong para sa kanyang pagtatapos at pagpaplano ang kanyang mga kaklase at kaibigan sa unibersidad.
“Sila talaga yung bumuo ng [college] experience ko talaga and since sama-sama kami na medyo hirap sa course parang kumbaga doon kami nagkakaisa. Sila yung talagang gusto kong pasalamatan, sa mga taong nakasama ko sa course ko, sa mga friends ko.”
Mensahe niya para sa mga kapwa estudyanteng magsisipagtapos ay normal ang makaramdam ng pressure mula sa paligid ngunit payo niyang ‘wag magpadala sa mga ito at kalmahan lang ang sarili.
“Although mahirap naman talaga mag-chill sa ganitong sitwasyon ay kahit papaano magbigay sana ng time ‘yung mga graduating students para mag-relax for themselves kasi very turbulent itong experience na ito kapag graduating. Be easy on yourself. ‘Wag magdagdag ng pressure sa sarili mo if may pressure na nakapalibot sayo.”
Idelle Villena (BS Industrial Technology, Laguna State Polytechnic University – Santa Cruz)
Nais ni Villena na makapag-aral muli at kumuha ng master’s degree sa Technology o sa Landscape Architecture. Para sa kanya, ang muling pag-aaral ay makatutulong upang mabuo ang kanyang credentials at mas mapaunlad ang kanyang mga kaalaman sa teknolohiya at arkitektura.
“Syempre aside sa work, I’m planning na mag-aral pa ulit kase gusto kong mas i-build ‘yung credentials ko as someone na competitive, in a healthy way. Marami akong gustong ma-achieve sa life kaya need ko pang mas ma-build ‘yung credentials ko.”
Nais rin niyang makapag-aral ng Law dahil sa kanyang interes dito noong nakaraang mga semestre. Payo naman ni Villena na labanan ang pressure at sundin ang sarili sa kung ano ang gustong i-pursue.
“Kailangang malabanan ang pressure kasi nandyan talaga yung pressure. Sa self niyo kayo makikinig, hindi sa pressure ng ibang tao. Kailangang sundin mo kung ano yung gusto mong i-pursue. Hindi fulfilling kung gagawa ka ng bagay dahil under pressure ka.”
Naging malaking bahagi ng buhay kolehiyo ni Idelle ang pamilya niyang tumulong sa kanya upang makapagtapos ng kolehiyo at ang pagiging miyembro ng konseho ng mag-aaral ng kanilang unibersidad.
Lubos siyang nagpapasalamat sa mga natutunan niya sa pagiging student leader, sa tulong at gabay ng kapwa estudyante na kanyang nakasalamuha at pinagsilbihan, at sa kanyang mga kaibigan na palaging handang tumulong sa kanya.
“Maraming tao na nandyan for me dahil malawak yung environment ko dahil nasa council ako so marami din talagang tao nandyan na tumulong. In general ay thankful ako sa mga taong who stood with me kahit hindi ako palaging available for them tas sila ay laging one call away lang. Hindi naman ako ito lang. Hindi naman ako darating sa point na ito kapag ako lang. Lagi akong may kasama.”
Pagninilay-nilay bago makapagtapos
Tunay na pinakamasaya ang panahon ng pagtatapos sa kolehiyo. Ito ang panahon para sa bawat graduate na alalahanin ang mga karanasan at pagsubok na kanilang kinaharap pati ang mga tagumpay na kanilang nakamit sa apat o mahigit pang taon sa kolehiyo. Ngunit normal sa bawat isang maguluhan at mahirapan sa pagpaplano ng kanilang kinabukasan. May mga estudyanteng nais makapagtrabaho, makapag-aral muli, o kaya ay magpahinga muna at unahin ang sarili. Pero tulad ng binanggit ng ating mga naka-panayam na graduates, hindi dapat magpadala sa pressure ng mga tao sa paligid natin.
Mailalaan natin ang mga natitirang araw sa kolehiyo upang pagnilayan at pagplanuhan kung paano gagamitin ang ating mga pinag-aralan para sa mas malawak na mundo. Ang mga tao sa paligid natin ay nagsisilbing gabay upang mapagdesisyunan natin ang mga susunod nating hakbang. Ngunit, nasa atin pa rin ang huling pasya kung ano ang tatahakin nating landas para sa isang panibagong kabanata ng ating buhay.