Ulat ni Jose Albert Sabiniano
Handa nang tumanggap ng humigit-kumulang limampung (50) estudyante ang BS Accountancy (BSAcc) program ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) para sa unang semestre ng Academic Year 2024-2025.
Ito ay matapos pormal na aprubahan ng UP Board of Regents ang programa noong Pebrero ng taong ito.
Ayon kay Asst. Prof. Mar Cruz, Chair ng Department of Agribusiness Management and Entrepreneurship ng College of Economics and Management (DAME-CEM), ang BSAcc ay mayroong 166 course units at binubuo ng mga kursong karamihang nakabatay sa BS Accountancy curriculum ng UP Visayas (UPV) at ilan sa UP Diliman (UPD).
Pahayag ng ilang SHS students sa BSAcc
Isa sa mga naghahangad na makapasok sa programa si Keneth Quinto, Grade 11 Accountancy, Business and Management (ABM) student mula Carmona, Cavite.
“Ngayon ko lang po nalaman na ngayon lang po in-offer ng UP[LB] ‘yung BS Accountancy sa school po,” paliwanag niya.
Gayunpaman, sigurado pa rin si Keneth na matatamo niya ang dekalidad na edukasyon kahit pa sila ang posibleng unang mag-aaral ng BSAcc sa UPLB.
“For sure naman po, since UPLB po ‘yung school is nandoon naman po ‘yung quality ng pagtuturo and for sure po ‘yung mga prof po ay qualified turuan ‘yung mga students,” dagdag pa ni Keneth.
Naniniwala rin si Keneth, na kung sakaling makapagtapos siya ng BSAcc sa UPLB, maraming oportunidad ang magbubukas para sa kaniya dahil na rin sa unibersidad na kaniyang panggagalingan.
Gaya ni Keneth, naghahangad ding makapasok sa UP ang isa pang Grade 11 ABM student mula Carmona, Cavite na si John Matthew Casbadillo.
Aniya, mas magkakaroon ng oportunidad na mag-aral ng BSAcc ang mga malalapit sa UPLB.
“Kasi po ‘yung iba nagiging reason po para ‘di magpatuloy [sa BSAA] kasi masyado pong malayo ‘yung UP Diliman,” pahayag pa ni John.
Pagbuo ng BSAcc sa UPLB
Nagsimula ang pagbuo ng BSAcc sa UPLB nang ilabas ng UPLB Office of the Chancellor (OC) ang Administrative Order No. 099 s.2022 noong ika-1 ng Marso 2022.
Nakasaad sa AO ang pagkakaroon ng ad hoc committee na pinangungunahan ni Cruz sa pagbuo ng kurso.
Nagkaroon ng iba’t ibang assessment, interview, survey, at pagsusuri ng mga kaugnay na pag-aaral ang komite bago maaprubahan ni Chancellor Jose V. Camacho Jr. ang panukalang papel tungkol sa kurso.
Pagtugon sa pagtaas ng pangangailangan ng BSAcc sa UP
Naging pangunahing rason sa pagpanukala ng BSAcc sa UPLB ang pagtugon sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral na nagnanais kumuha ng kursong BS Business Administration and Accountancy (BSBAA) sa UPD.
Batay kay Cruz, tinatayang sampung libong aplikante ng UP College Admission Test (UPCAT) ang naglalagay ng BSBAA bilang isa sa kanilang napupusuang kurso. Ngunit mangilan-ngilan lamang sa kabuuang bilang ng mga aplikante ang natatanggap dito.
Dagdag pa ni Cruz, tinitingnan din ang pagbuo ng BSAcc bilang pagtugon sa mandato ng UP bilang isang pambansang unibersidad na nagsusulong ng inclusive at accessible education para sa lahat.
Inaasahan sa BSAcc ng UPLB
Mula sa pag-aaral ng komite sa BSAcc curriculum ng ibang UP campuses, tinitiyak nila ang pagkilala sa mga puwang, isyu, at mga mungkahi ng mga stakeholders tungkol sa nasabing kurso. Dahil rito, mayroong tatlong puntong nais bigyang diin ng institusyon sa paglulunsad ng BSAcc sa UPLB.
Una, ang pagkakaroon ng dalawang uri ng internship sa BSAcc na layon talakayin ang pag-unlad ng Bookkeeping skills at Advanced Accounting ng mga estudyante.
Isasagawa ang internship para sa Bookkeeping pagkatapos ng ikalawang taon ng estudyante sa kurso. Gagawin naman ang Higher Accounting pagkatapos ng ikatlong taon sa kurso.
Ayon kay Cruz, dinisenyo ang kurikulum na ito upang tugunan ang maaaring hindi pagtuloy ng estudyante sa pag-aaral ng kurso.
“If sakaling hindi sila matuloy or ‘di makatapos due to personal or any reason, at least ‘di ba, they are equipped with bookkeeping skills,” ani niya.
Pangalawa, pagtatalaga ng anim na course units na maaaring gamitin ng mga estudyante upang mag-enroll sa iba’t-ibang electives. Binibigyang diin nito ang intersection ng accounting sa iba pang larangan ng pag-aaral tulad sa Agriculture.
Panghuli, ang pagiging four-year course ng BSAcc ng UPLB. Dinisenyo ng institusyon na gawing apat na taon lamang ang BSAcc sa UPLB kumpara sa apat at kalahating taon ng UPD at UPV.
Tiniyak ni Cruz na ang pagiging four-year program ng BSAcc sa UPLB ay nagbibigay balanse sa mga relevant at required courses ng kurso at ng taong matatapos ito. Dahil dito, nakasaad sa kurikulum ng BSAcc ang pag-enroll sa midyear classes bawat taon.
“Binenchmark din namin siya. Kase compared in other schools na 4 years na, sa UP System like UPD at UPV ay 4.5 years pa rin. Dito [sa UPLB] 4 years na lang.” dagdag niya.
Opinyon naman ni John, “Ang expectation ko po is magiging mahirap po talaga siya [BSAcc] pero dahil sa UPLB ang mago-offer, mas mabibigyan po ako ng mas magandang education kapag UPLB and mas mataas po ang tyansa na makapasa po ako sa CPA[LE].’
Sa ngayon, kapwa hinihintay na lamang nina John at Keneth ang Mayo 19 upang kunin ang kanilang test permits at bago sumabak sa UPCAT 2024.#