Ulat ni Alexander P. Delizo
Taglay ang bisyon ng isang mas pinaigting na relasyon ng akademiya at industriya, magtatayo ang University of the Philippines – Los Baños (UPLB) ng Agro-Industrial Park at Information Technology Park (AIP-ITP)
Layunin ng mga parkeng ito na gawing komersyal ang mga teknolohikal at siyentipikong inobasyon ng mga mag-aaral, propesor, at mga siyentista ng UPLB. Ang establisyementong ito ay inaasahang magtataguyod ng lokal at rehiyonal na pag-unlad ng ekonomiya.
Sa isang panayam kay Dr. Emil John Cabrera, direktor ng Technology Transfer and Business Development Office, isinaad niyang malaki ang magiging kontribusyon ng parke sa bayan ng Los Baños pati na rin sa mga karatig na komunidad nito.
Ang panimula ng proyekto
Nilatag ng administrasyon ng UPLB noong 2007 ang unang plano para sa UPLB AIP-ITP Special Economic Zone (SEZ) bilang isang mixed-use development. Napapalooban ito ng mga business, residential, commercial, at ng mga pang-akademikong mga pasilidad.
Tangan ang ambisyon bilang “globally competitive national research university contributing to national development”, pinasinayaan ng UPLB ang plano sa pagbabago ng UPLB AIP-ITP SEZ tungo sa AIP-ITP lamang.
Dahil dito, mas mabibigyang pansin ng UPLB ang pagpapasya sa mga itatayong establisyamento at papapasuking kompanya sa mga parke.
Taong 2015 naman nang binigyan ng Department of Environment and Natural Resources ang AIP-ITP ng Environmental Compliance Certificate. Sa kaparehas na taon, inaprubahan at ipinagkalooban ng UP Board of Regents (BOR) ang UPLB ng 70 hektarya para mapagtayuan ng nasabing mga parke.
Nakalaan ang 61 hektaryang lupa para sa Agro-Industrial Park at habang sa natitirang siyam na hektarya naman ang Information and Technology Park.
Inindorso ng Sangguniang Bayan (SB) ng Los Baños noong 2015 ang aplikasyon ng UPLB AIP-ITP sa pamamagitan ng dalawang resolusyong pambayan. Ang mga resolusyong ito ay itinaas sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) upang maisabatas ang pagiging ganap na SEZ ng lugar ng AIP-ITP.
Ayon sa PEZA, magsusulong ng pag-unlad ng nasabing lugar ang pagtatalaga nito bilang isang SEZ na mas magpapadali sa operasyon ng mga negosyo at pasilidad. Mangyayari ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga locator o kompanyang papasok sa SEZ. Ang ilan sa mga ito ay ang pagbibigay ng mga insentibo at pagrerehistro ng mga nasabing establisyemento.
Kasunod nito ang pagpapatibay ni Dating Pangulong Benigno Aquino III sa aplikasyon ng UPLB bilang isang SEZ noong ika-12 ng Nobyembre 2015. Samantala, ginawa at itinakda naman ang mga lugar ng AIP at ITP sa ilalim ng Proclamation No. 1164 at Proclamation No. 1165.
Noong 2016 naman nang sertipikahan ng PEZA ang UPLB bilang developer o operator ng mga parke.
Taong 2020 nang mapagpasiyahan ng administrasyon ng UPLB ang pangangailangang i-update ang master plan at ang pagsasagawa ng feasibility study upang matapos ang mga kakulangan sa paggamit at pakinabang ng lugar.
Kasabay nito ay ang pakikipagtulungan ng UPLB sa Public-Private Partnership Center (PPPC) upang ma-develop ang SEZ. Kasunod nito ang paghingi nila ng tulong sa Asian Development Bank (ADB) at Project Development and Monitoring Facility (PDMF).
Sa tulong ng ADB, nakapagpundar ang unibersidad ng isang feasibility study kasama ang SGV & Company sa ilalim ng administrasyon ni Chancellor Jose Camacho Jr.
Nagsimula ang feasibility study taong 2020 at patuloy pa rin itong ina-update. Dahil sa pag-aaral na ito, iminungkahi ang Build, Operate, and Transfer (BOT) bilang pinaka-angkop na modelo upang maisakatuparan ang proyekto.
Sa pamamagitan nito, papapasukin sa parke ang mga developers at locators upang magtayo at gumamit ng mga pasilidad. Sila rin ang kasama ng UPLB na magiging tagapamahala ng mga parke.
Bibigyan ng UPLB ang mga pribadong kumpanya ng land-use rights. Sila naman ang magde-develop ng mga istrakturang kakailanganin ng mga locator sa loob ng nasabing parke.
Matapos ipatayo at maging functional ang AIP-ITP, inaasahang magkakaroon ng isang rebyu pagkalipas ng 50 taon na kontrata o concession period.
Sa rebyung ito, pagpapasiyahan kung ipagpapatuloy ang pag-operate ng mga locator sa loob ng AIP-ITP o ita-transfer na nito ang mga imprastraktura at mga operasyon sa pamamahala ng unibersidad, bilang huling tuntunin ng BOT.
Sa naturang modelo, maaaring kumita ang UPLB sa pamamagitan ng concession fees ng mga developer at locator sa loob ng AIP-ITP.
Ang pagtatayuan ng mga parke
Itatayo ang AIP-ITP sa lugar na kalapit ng Institute of Plant Breeding (IPB) at ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH).
Naging isa sa mga konsiderasyon sa pagtatayuan nito ang pagiging malapit sa kalsada.
Bilang kalapit ng IPB at BIOTECH, maaaring mapuntahan ang AIP-ITP sa pagbaybay ng Manila South Road. Ilan sa mga kalsadang posibleng tahakin mula rito ay ang Jamboree Road, Lopez Avenue, Pili Drive, at ang IPB Road.
Samantala, kung lulan naman ng tren, maaaring marating ang AIP-ITP sa pamamagitan ng Pansol Station, Masili Station, Los Baños Station, College Station, at ng estasyon ng International Rice Research Institute (IRRI).
Isa sa mga salik na nabigyang pansin ng feasibility study para sa AIP-ITP ay ang pagpapatayo ng sariling istasyon ng tren para sa mga parke.
Sa pagtatayo ng AIT-ITP, binigyang diin ng UPLB ang pagpapahalaga sa magiging epekto nito sa kalikasan sa paligid ng mga parke.
Isa ang Environmental Impact Assessment (EIA) sa mga hantungin na kailangang gawin ng administrasyon ng unibersidad upang masigurong maayos ang mitigation ng mga negatibong epektong bunsod ng parke, mula construction hanggang sa operations.
Kontribusyon sa edukasyon
Ilan sa mga pangunahing maiaambag ng AIP-ITP ang mga pang-akademikong pasilidad na maaaring magamit ng mga mag-aaral, propesor at mga mananaliksik ng unibersidad.
“You will be given access to top-notch or high-end laboratory na kayang i-provide nung mga companies,” saad ni Dir. Emil Cabrera.
“For our students, hindi na tayo mahihirapan maghanap ng mga companies for OJT. The objective for them is to do their OJT in the economic zone,” dagdag pa niya.
Ilan pa sa mga posibilidad na maipagkakaloob ng AIP-ITP para sa edukasyon ang paglalaan ng UPLB ng tatlong hektarya para sa Knowledge, Innovation, Science and Technology (KIST) Park na sadyang nakalaan para sa pangangasiwa at pakinabang ng mga pumapasok sa unibersidad.
Nasa pananaw rin ng unibersidad ang mas epektibong aksyon laban sa mga emerging at re–emerging diseases tulad ng COVID-19.
Mula rito, itatayo ang isang National Zoonoses Center na siyang mangunguna sa pananaliksik sa maagap at naaangkop na responde sa mga health emergency na maaaring matamasa ng bansa.
Karugtong nito ang pagtatayo ng iba’t ibang research centers sa naturang lokasyon. Ang ilan sa mga ito ang Philippine Collection of Microorganisms, ang National Plant Genetic Resources Laboratory (NPGRL) Genebank Building, at Philippine Genome Center.
“We will try to put up pilot plants that will be beneficial for the university – for the researcher,” ani Dir. Cabrera.
[“Magtatayo rin tayo ng mga pilot plants na magiging kapaki-pakinabang sa unibersidad at sa mga mananaliksik.”]
Inaasahang magiging kasangkapan ng komersyalisasyon ng mga teknolohiyang mula sa UPLB ang mga pilot plants na ito.
Mula sa mga serbisyong ihahandog ng mga parke, itinatayang magiging “industry ready” ang mga mag-aaral sa kanilang paglabas sa unibersidad.
Kontribusyon sa ekonomiya
Kaakibat ng mga implikasyon ng pagtatayo ng mga parke ang epekto nito sa ekonomiya ng bayan ng Los Baños at karatig nitong mga komunidad hanggang sa pambansang lebel.
“Siyempre, malaki ang effect nito sa economy,” saad ni Dir. Cabrera. Itinala rin niya ang job generation, ang income generation, at ang tax generation bilang mga salik sa pag-unlad ng ekonomiya.
“We’re trying to recover the economy kaso medyo down tayo for the past two years,“ dagdag pa niya. Bunsod ito ng mga epekto ng COVID-19 sa pagtakbo ng ating ekonomiya.
Makatutulong ang pagtatayo ng AIP-ITP mula sa construction period nito hanggang sa operation period nito sa pagbibigay halos sampung libong trabaho.
Humigit-kumulang limang daan ang magtatrabaho sa construction period. Sampu ang kailangan bilang administrative staff sa ilalim ng operations period. Hindi naman bababa sa anim na libong empleyado ang kakailanganin para manufacturing firms habang hindi kukulangin sa dalawang libo ang tinatayang kailangan sa sektor ng information technology.
“UPLB will prioritize the hiring of construction workers from Los Baños,” saad ni Dir. Cabrera.
[“Bibigyang prayoridad ng UPLB ang pagbibigay ng trabaho sa mga mangagagawang mula sa Los Baños.”]
Dagdag pa niya na kasama ito sa napag-usapan ng UPLB administration at ng Los Baños LGU.
Sa pagitan ng pagtatapos ng ilang pasilidad, magkakaroon ng partial operations upang mapakinabangan agad ito dahil tinatantyang aabutin pa ng sampung taon upang maitayo ang kabuuan ng AIP ITP.
“Makikinabang din ang mga small-medium enterprise dahil magtatayo na ng mga bagong karinderya [at] mga bagong store,” sabi ni Dir. Cabrera.
Magkakaroon din ng karagdagang oportunidad pangkabuhayan ang mga jeepney driver dahil madaragdagan ang kanilang ruta.
Maliban sa mga nakatalagang lugar para sa agribusiness, information technology, at science and technology magkakaroon rin ng mga commercial zones ang AIP-ITP.
Dito itatampok ang mga mini malls ayon kay Director Cabrera. Karugtong nito ang recreational areas at community center bilang mga lugar na maaaring maging pasyalan ng mga pamilya at turista.
Liban sa pang-akademiko at ekonomikal na epekto ng pagtatayo ng AIP-ITP, mayroon ring panlipunang epekto ito. Tulad na lamang ng isinaad, isa ang turismo sa tintingnang karagdagang maiaambag ng mga parke sa bayan ng Los Baños.
“This industrial park can help into the possibility of making Los Baños [a] city,” wika ni Dir. Cabrera. Sinabi niya rin na nakatulong ang presensya ng industrial parks sa pagiging siyudad ng Calamba.
Sa susunod na taon, magsisimula na ang bidding para sa mga posibleng developer AIP-ITP. Sa 2025 naman maaaring masimulan ang konstruksyon ng mga parke.
Bagama’t matagal pa ang konstruksyon at operasyon ng mga parke, kinikitaan na ito ng positibong epekto para sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Higit sa lahat, lubusang mabibigyang diin ang potensyal ng mga mag-aaral, propesor, at mga mananaliksik ng UPLB sa mundo ng industriya.
Dahil sa mga parkeng ito lalo pang mapalalawig ang hangganan ng kakayanan ng UPLB na makapaglingkod sa bayan. #