Ulat ni: Nicole Kristeen Tolledo
Nagbahagi ng kanyang pagkadismaya ang napagbintangan sa “Sniff-Perfume Incident” na kilala sa alyas na Lirio.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Lirio na sobra siyang nasaktan sa pag-akusa sa kanya, isang buwan pagkatapos ng insidente.
“Dahil sobrang sakit ang akusahan ka ng isang napakasamang gawain dahil lang sa maling pag iisip at pakiramdam ng isang estudyante na pakiramdam nya ay may kapangyarihan sya na gawin na lang ‘yon nang gano’n na lang, “ pahayag niya sa kaniyang Facebook post bilang si Rhio Lhy Yeser.
Dagdag pa niya, nagulat siya nang pinuntahan siya ng tatlong pulis habang nagtatrabaho upang imbestigahan ang pagpapaamoy niya ng pabango kay Anne, alyas na binigay ng pulis sa nagreklamo .
Umaasa pa rin siyang makikipag-usap nang maayos ang dalawang magkapatid na nangbintang sa kanya.
Aniya, tatlong beses na raw tinawagan ng Brgy. Batong Malake ang magkapatid noong ika-2, 10 at 11 ng Mayo, ngunit hindi pa rin sila nagpakita.
Sniff-Perfume Incident
Nitong Abril 26, umani ng atensyon sa social media ang Facebook post ni Stephanie Jean nang ikwento niya ang naranasan ng kanyang kapatid sa isang botika sa Los Baños, Laguna.
Ayon sa naturang post, pinaamoy ng hindi kilalang babae ng pabango ang kanyang kapatid na nagdulot ng pamamanhid sa mukha at braso.
Matapos ang tatlumpung minuto, naging manhid na rin umano ang kalahati ng katawan ng kanyang kapatid.
Makikita ang kabuuang post sa link na ito.
Police Report ng LB MPS
Base sa report ng Los Baños Municipal Police Station (LB MPS), napag-alamang ang tinutukoy ng magkapatid ay si Lirio, asawa ng isang barangay tanod sa Batong Malake, Los Baños, Laguna.
Depensa ni Lirio, pinaamoy niya lamang sa babae ang kanyang bibilhing pabango dahil hindi niya ito maamoy. Pagkatapos nito ay nagbayad na siya sa cashier at umuwi.
Nadiskubre rin ng LB MPS na nawalan ng pang-amoy at panlasa si Lirio dahil sa isang vehicular accident, na sinuportahan ng kanyang PWD ID..
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin binubura ni Stephanie Jean ang kaniyang Facebook post kahit na maraming na ang nag-comment na tanggalin na ito.
Narito ang report mula sa pulisya.
Maaaring basahin ang buong pahayag ni Lirio sa link na ito.