Ulat nina Hannah Marie O. Rito & Vera Karuna C. Sudaprasert
Mainit. Masikip. Ngarag na mga estudyante. Mabagal na serbisyo.
Ilan lang yan sa mga salitang maglalarawan sa mga madalas mong makikita sa loob ng isang printing shop. Ngunit sa loob ng Raymundo Gate, lugar kung saan maraming kainan at dormitoryo, may ibang eksenang makikita sa isa sa mga bagong bukas na printing shop doon.
Makikita dito ang isang maaliwalas na self-service printing shop kung saan nabibigyan ng kalayaan ang mga estudyanteng gumamit ng kanilang sariling kompyuter upang ayusin at i-tsek ang kanilang mga gawa bago ito i-print. Ito ang “Copycats”, ang negosyong hatid ay isang student-centered na serbisyo.
Pagkakabuo ng Copycats
Nagsimula ang kwento ng Copycats mula sa dalawang magkaibigang sina Glen Jurado, isang mag-aaral sa University of Santo Tomas, at Benedict Pangilinan, mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), na naghahanap ng pagkakakitaan.
Tinawag nila ang kanilang mga sarili bilang ‘frustrated entrepreneurs’ dahil sa kagustuhan nilang mag-negosyo ngunit walang ka-alam alam sa anong negosyo ang dapat pasukin.
Nabuo nila ang konsepto ng Copycats noong magretiro ang dating may-ari ng printing shop. Naghahanap umano ito ng bagong magiging may-ari ng kanyang tindahan, ngunit naisip ng dalawang magkaibigan na magtayo na lamang ng sariling tatak nilang magmamarka sa UPLB community.
Isang malaking hakbang ang kanilang ginawa nang buksan nila ang Copycats noong Nobyembre 2022, kung kailan kababalik pa lamang ng UPLB sa face-to-face classes. Aniya, noong Marso pa lamang noong taon na iyon ay nabuo na nila ang konsepto ng Copycats, ngunit dahil sa problemang pinansyal dulot ng pandemya ay hindi agad ito naisagawa.
Hamon ng pandemya at modernisasyon
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang dagok na naranasan ng mga kabuhayan ng dahil sa pandemya. Sa paglipat ng mga unibersidad sa remote learning, nabawasan ang pangangailangan para sa mga tradisyonal na serbisyo ng pagpapa-print.
Gayunpaman, sa halip na matakot ay kinuha ito ng Copycats bilang isang pagkakataon upang maipakilala ang kanilang negosyo at ang kanilang kahalagahan sa buhay ng mga estudyante. Hindi hamon ang kanilang nakita kundi oportunidad at pagkakataon.
Naunawaan ng magkaibigang sina Glen at Benedict na ang pag-adapt sa modernisasyon ay hindi tungkol sa pagtalikod sa nakaraan, ngunit sa paghahanap ng mga paraan upang ito ay mag-coexist sa kasalukuyan.
“Ang estudyante hindi nauubos. Even [though] comes modern technology na pwede naman magpasa ng PDF [at] word documents, there’s still printing kasi there’s thesis, publication materials, posters, magazine, ‘di ba? So, printing is an inevitable thing even if there’s a rise in modern technology. So that’s why we concluded na okay ang printing,” aniya ni Glen.
Sa kabila ng pagyakap ng mundo sa modernisasyon, naniniwala ang Copycats na ang bigat ng isang libro o ang texture ng isang naka-print na larawan na hindi mapapalitan ng isang digital na kopya.
Maka-Estudyanteng Negosyo
“For students, by students,” isa sa mga katagang pinanghahawakan ng Copycats.
Ayon kay Benedict, “Hindi lang kami ‘yung business na profiting lang, tumutulong din kami sa students in that sense.” Ito ay dahil ang mga empleyadong kinukuha ng Copycats ay mga estudyanteng nangangailangan ng tulong pinansyal.
Hindi lang ito para makatulong, ngunit para rin maiparamdam sa mga kustomer ang puso ng Copycats – ang mapagsilbihan ang sangka-estudyantehan. Nauunawaan ng Copycats na mapabubuti pa ang kanilang serbisyo kung ang mga empleyado ay nakauunawa sa mga hinaing ng kanilang mga kustomer.
Dagdag dito, balak rin ng Copycats na makipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa UPLB kung saan bibigyan ng tawad ang mga bulk order. Kapag naitatag na ang kanilang pangalan sa UPLB, plano nilang maglunsad ng delivery-type service na eksklusibo sa mga guro at organisasyon ng unibersidad.
Ani Glen, “We would like to help everybody to ease their printing needs. Ang goal ng Copycats is that, when it comes to printing, you call us, because it’s less hassle, and of course, we love our customers.” (“Nais naming tulungan ang lahat na mapagaan ang kanilang mga pangangailang sa pag-print. Ang layunin ng Copycats ay pagdating sa printing, kami ang tatawagan ninyo, kasi mas kaunti ang abala, at syempre, mahal namin ang aming mga kustomer.”)
Nais ng magkaibigan na makita ng kanilang mga kustomer o ng mga estudyante ang Copycats bilang kanilang katuwang sa paglalakbay tungo sa kanilang mga pangarap. Dagdag pa ni Glen, “We are not a secluded business, we want to be part of the UPLB community. We want to be a common household name—if you may—to all organizations, all students, all professors, all of you.” (“Hindi kami isang malayong negosyo, gusto naming maging bahagi ng komunidad ng UPLB. Gusto naming maging isang common household name–kung maari–sa lahat ng organisasyon, lahat ng estudyante, lahat ng propesor.”)
Hindi sila nakapokus sa kita kundi sa personal na karanasan ng kanilang mga kustomer at sa kung sa paano sila makatutulong dito. Mahalagang makita ng mga kustomer ang Copycats bilang printing shop na kumportable at convenient mula pagpasok hanggang pag-alis, na maari nilang balikan at i-rekomenda sa iba.
Payo sa mga magsisimula
Sa pagsisimula ng isang negosyo, ayon kay Glen, tunay na hindi maiiwasan ang lugi sa una o kahit pa sa ikaapat na taon. Ito ay bagay na kailangan maintindihan at paghandaan ng mga nais magsimula ng sariling negosyo.
Ngunit, simple lamang ang payo nina Benedict at Glen para makamit ang tagumpay sa negosyo: tiyaga. Ayon kay Glen, “If you’re the type of person who always perseveres in rough challenges or difficulties, then business is for you. If you can’t persevere, you can’t win in your business, you can’t push your business to the limit, [and] you can’t push your business to become a success.” (“Kung ikaw ang tipo ng tao na laging nagtitiyaga sa mga mahihirap na hamon o kahirapan, ang pagne-negosyo ay para sa iyo. Kung hindi ka matiyaga, hindi mo mapapalago ang iyong negosyo. Hindi mo madadala ang iyong negosyo sa kanyang limitasyon, [at] hindi mo madadala ang iyong negosyo upang maging matagumpay.”)
Ayon kay Benedict at Glen, “baby pa” ang Copycats kumpara sa iba pang mga print shops na matagal na sa buong UPLB. Ngunit kagaya ng isang sanggol na lumalaki at natututo, ito rin ay unti-unti at dahan-dahang nasasanay yumapak bilang maasahang print shop na bahagi ng UPLB community. Tapat sa pagiging “for students, by students,” patuloy na pagsisilbihan ng Copycats ang mga mag-aaral ng UPLB.