Ulat ni Jelaine Kate L. Pagayon
Sa loob ng mga pampublikong sasakyan, kahabaan ng kalsada, at mga istasyon ng bus – ilan ito sa mga lugar kung saan mahahagilap ang mga buko pie vendor tulad ni John Paul Galang, 28 na taong gulang mula Los Baños, Laguna.
Tinagurian ang Los Baños bilang “home of the famous buko pie.” Ang buko pie ay isang tradisyonal na panghimagas na gawa sa laman ng niyog at madalas ay ibinibenta nang mainit-init pa ng mga naglalako.
Maraming sikat na pangalan ang nagku-kompetensya sa pagbebenta ng buko pie tulad ng Lety’s, Colette’s at The Original Buko Pie Bakeshop, ngunit minsa’y ang baon ng mga turista pauwi ay ang special buko pie na nilalako ni John Paul.
May mahabang kasaysayan ang buko pie, hindi lamang sa bayan ng Los Baños kundi sa buong rehiyon. Simula nang likhain ito noong 1965 ng isang kusinera na si Nanette Pahud, patuloy na lumaganap ang kasikatan nito at naging sagisag ng turismo sa bayan ng Los Baños.
Tulad ng mahabang kasaysayan ng buko pie sa Los Baños, mahaba-haba na rin ang ginugol na panahon ni John Paul sa pagbebenta, na umabot na ng siyam na taon.
Sa edad na 19 anyos, nagsimula siyang sumampa sa bus at maglakad sa kahabaan ng mga kalsada upang maglako ng sikat na paghimagas sa mga pasahero at mga taong dumadayo sa bayan upang makatikim nito.
Ngunit, hindi lamang sa Los Baños nagtitinda ang mga buko pie vendor. Pasan ang kahon-kahong buko pie, binabagtas at sinusuyod nila John Paul ang mga kalsada sa Barangay Pansol sa Calamba upang magtinda dala ang pag-asang mairaos ang bawat araw.
Pang araw-araw na buhay
Pagpatak ng alas-singko ng umaga, nagsisimula na ang araw ni John Paul. Gumagayak na siya upang paghandaan ang panibagong mahaba at nakakapagod na araw.
Kinukuha muna nila ang kanilang mga panindang buko pie sa isang manager sa San Antonio. Kung minsan, dinadala ng kanilang manager ang mga paninda sa Barangay Anos kung saan sila naka-pwesto.
Mula alas-sais ng umaga hanggang alas-onse ng gabi, walang ibang inaatupag si John Paul kundi tumayo sa kalsada, lumapit sa mga humihintong kotse, at sumampa sa mga napapadaang bus.
Hindi alintana ang init ng araw, patuloy siyang naglalako at nagtatawag katulad ng iba pa niyang mga kasamang buko pie vendor.
Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusuklian ng magandang benta ang kanilang pagod at hirap sa bawat araw. Hindi pare-pareho ang bilang ng mga kahon ng panghimagas na kanilang nauubos sa araw-araw.
Ayon kay John Paul, minsan may araw na walang silang benta, minsan naman ay mababa na ang bilang na 15 na kahon ng buko pie na kanilang naibebenta.
“Gigising ka, iisipin mo kung ikaw ba’y makakabenta maghapon,” ani John Paul.
Pagsubok sa Kalsada
Sa tapat ng kilalang tindahan na The Original Buko Pie Bakeshop, sa kahabaan ng kalsada ng Barangay Anos, makikita ang grupo ng mga buko pie vendor na kinabibilangan ni John Paul.
Hindi nagkakalayo ang distansya ng mga vendor sa isa’t-isa at hindi rin nalalayo ang hirap na dinadanas ng bawat naglalako ng sikat na panghimagas. Isa sa mga pinagkukunan nila ng customer ay ang kahabaan ng mga establisyemento kung saan sila naka-puwesto.
Sa pila ng mga malalaking tindahan, alok ng mga buko pie vendor ang kanilang alternatibong produkto. May mga taong walang panahon upang pumila nang mahaba at ito ang mga nagsisilbing mamimili nina John Paul.
Ngunit, matumal kung ilarawan ni John Paul ang kanilang kasalukuyang estado ng kita sa pagbebenta. Bagamat lumuwag ang mga polisiya sa COVID-19, ilang buwan pa rin silang hindi kumikita nang maayos. Hindi na humahaba ang mga pila at hindi na rin gaanong tumataas ang bilang ng mga taong dumadayo para sa sikat na buko pie.
Bukod sa kompetensya sa mga malalaking tindahan, problema rin nila ang panahon. Bilang mga street vendor na walang pwesto kundi ang kahabaan ng mga kalsada, malaking hamon din ang makabenta sa gitna ng masamang panahon.
Habang kinakapanayam, dumilim ang langit at nagbadya ang pagbuhos ng ulan. Hindi alintana ni John Paul ang mabasa at suungin ang masamang panahon, ang tangi nyang pangamba ay ang pasan niyang mga kahon ng panghimagas na nanganganib na mabasa at hindi mabenta.
Hindi tulad ng mga permanenteng tindahan, ang vendors tulad ni John Paul ay walang kapanatagan tulad sa mga panahong ito.
“Tulad n’yan, ‘pagka ‘yung maulan, wala kaming kita kasi gawa ng hindi namin pwedeng mai-alok ‘yung buko pie dahil umuulan, mababasa ‘yung buko pie,” daing ni John Paul.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga buko pie vendor. Kung hindi makabebenta sa Barangay Anos ay dadayuhin nila ang mga nagfi-field trip sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).
Kung minsan ay umaabot na rin sila sa mga amusement park tulad ng Enchanted Kingdom sa bayan ng Sta. Rosa at Star City sa Pasay. Ngunit madalas ay dumadayo sila sa Pansol upang pagbentahan ang mga turista roon.
“Minsan pupunta kami ng Pansol sa mga resort, iikot na kami do’n, ‘pag merong bus sa UP, ‘yon pupunta kami ng UP. Kung saan meron kaming mga mapagtitindahan,” ani John Paul.
Buhay na Walang Kasiguraduhan
Hindi maikakaila na ang buhay ng isang buko pie vendor ay walang kasiguraduhan. “May araw na makakabenta ka, may araw na wala,” kwento ni John Paul.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakabebenta ng maraming sikat na panghimagas ang mga nagtitinda nito. Bagamat sikat, batid ng mga vendor tulad ni John Paul na walang ‘pangalan’ ang kanilang mga paninda hindi tulad ng mga nabebenta sa mga establisyemento. Tingin niya’y malaking salik din ito kung bakit hirap silang mailako ang kanilang produkto.
Kung hindi sapat ang kita sa paglalako ng buko pie, kailangan humanap ng mga vendors ng iba pang produkto na patok sa madla. Kung kaya’t bukod sa buko pie, may bitbit ring ibang mga pasalubong si John Paul tulad ng shing-a-ling, espasol, at buko juice.
Mahirap ang buhay ng isang buko pie vendor. Mahirap ang buhay na nakadepende sa mga mamimili, sa panahon, at sa swerte. Mahirap ang buhay na walang kasiguraduhan.
Ika nga ni John Paul ay “‘Yun ang buhay ng pagiging vendor, hindi ka sigurado sa kita mo araw-araw.”
Hindi kasing tamis ng buko pie ang pang araw-araw nilang buhay ngunit hindi rin siya hinahadlangan ng mga mapapait na pagsubok sa buhay upang hindi magsumikap. Sa loob man ng mga pampublikong sasakyan, kahabaan ng mga kalsada, at mga istasyon ng bus, mahahagilap mo ang mga buko pie vendor tulad ni John Paul na pasan-pasan ang mga kanilang mga paninda at pag asa. #