Sa Loob ng ELBI Community Market

Ulat nina: Janelle Louise & Hendrix Dulay

UPDATED: Ang ilan sa mga impormasyong inilathala sa artikulong ito ay isinaayos base sa mga corrections na ibinigay ng interviewee na si Sheila Alano-Tipayno.

Tuwing araw ng linggo, kahit araw ito ng pahinga, maagang bumabangon ang mga taga-Elbi upang dumayo sa parking lot ng  isang kilalang restawran malapit sa UPLB. Maagang gumigising ang mga parokyano upang mamili at suportahan ang mga Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) owners sa lingguhang Elbi Community Market.

Kaya naman, mula alas-5 ng umaga, sa pagsikat ng araw at pagsimoy ng malamig na hangin, nagtatayo na ang mga negosyante ng kani-kanilang mga tolda at masugid na inaayos ang mga mesa’t upuan para sa kanilang mga parating na mamimimili. 

Sa pagbukas ng Elbi Community Market sa parking lot ng Meister’s Uncorked, Umali Subdivision, naghihintay sa mga mamimili ang samu’t-saring pagkaing maaari nilang pagsaluhan kasama ang mga kaibigan at pamilya

Ngunit hindi lamang pagkain ang mahahanap dito. Inihahandog rin ng mga MSMEs ng Los Baños at ng mga karatig na bayan ang mga produkto tulad ng mga laruan, gamit sa bahay, damit, at marami pang iba. 

Maliban sa Elbi Community Market, mayroon ding Elbi Community NIGHT Market sa Meister’s Uncorked tuwing Lunes, alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. Ginaganap din ang Mercato Los Baños sa One Bonito’s Place, Brgy. San Antonio, tuwing Biyernes hanggang Linggo, mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.

Ang mga community markets na ito ay nagsisilbing pagtitipon at tila linggo-linggong selebrasyon ng mga bago at maliliit na business owners ng Laguna.

Ang Simula

Ang Elbi Community Market, na dating tinaguriang Batong Malake Sunday Market, ay nagsimula bilang inisyatibo  ng sangguniang barangay ng Batong Malake at ng Los Baños Subdivision Neighborhood Association noong 2019.

Isa si Sheila Alano-Tipayno sa nagsimula at tumulong sa pagbuo ng mga community markets na tinatangkilik ngayon sa Los Baños. 

Nag-umpisa ang Elbi Community Market nang inimbitahan ni Kap. Ian Kalaw ng Batong Malake ang mga nagtitinda sa UPLB Saturday Bazaar, na makilahok sa pinaplano nilang Sunday Market sa kanilang barangay. Humingi ng tulong si Kap. Kalaw na buuin ang Batong Malake Sunday Market, kaya naman nanawagan sa isang Facebook post si Sheila sa kanyang mga kapwa sellers sa UPLB Saturday Bazaar. Nakipagpulong sila kay Kap. Kalaw, at kalaunan ay nagtatag ng isang ad hoc committee para sa Batong Malake Sunday Market, kabilang si Sheila at iba pang sellers ng UPLB Saturday Bazaar, tulad nila Nicole at JC ng Wildbreads, Maui ng Warehouse Cafe (dating Soap Warehouse), Monica ng Mommy’s Corner, at Doc Lope ng Calanog Farms. Dahil dito, karamihan sa mga unang nagtinda sa Batong Malake Sunday Market ay mga sellers din ng UPLB Saturday Bazaar.

Unang nagbukas sa publiko ang Batong Malake Sunday Market noong ika-13 ng Oktubre, 2019, sa isang lote na inilaan ng Brgy Batong Malake at ng homeowners association. Napilitan itong magsara pansamantala nang nagdeklara ng lockdown noong Marso 2020, ngunit muling nagbukas bilang Batong Malake Sunday Market noong Disyembre 6, 2020.

Pagdating ng Enero 2021, naging pribadong entity na ang samahan ng mga sellers. Mula noon, ginamit na nila ang pangalang Elbi Community Market, habang ang Elbi Community Events Organizing Services ang tumayong official organizer nito.

GoinGreen.lb: Paghikayat sa Sustainable Living

Ipinapaliwanag ng tindera ang pagkakagamit ng mga produkto ng GoinGreen.lb

Solution to a problem, turned into advocacy, turned into business,” ganito inilarawan ni Sheila Alano-Tipayno ang kanyang binuong negosyo, ang GoinGreen.lb, na nagsimula sa isang problema sa pagtapon o pag-segregate ng basura sa kanyang apartment.

Isang “continuous journey, moving towards greener lifestyle,” para sa isang “low impact lifestyle.” Ito ang kahulugan ng GoinGreen.lb, na  itinatag ni Sheila noong 2019 upang makatulong mabawasan ang paggamit ng plastic, sa pamamagitan ng mga plastic-free reusable products. 

Mula sa isang research study para sa kanyang Master’s degree sa Business Management, nagsimula si Sheila sa pagtitinda ng mga pabango, nadagdagan ng mga cosmetics, at ng shampoo bar. Dito patuloy dumami ang nahahanap ni Sheila na mga plastic-free na mga produkto para maging isang “one shop for all” na sustainable products ang GoinGreen.lb.

Lumaki si Sheila sa isang sari-sari store, kung saan naisip niyang magtatag ng isang refilling station dahil noon pa lamang ay pinag-dadala na nila ng sarili nilang bote ang bumibili sa kanilang dating tindahan para lagyan ng mantika .

Kaya naman nagtitinda ang GoinGreen.lb ng refills ng liquid detergent, liquid hand soap, at lalo na ang dishwashing liquid, dahil ito ang pinakamadalas na gamitin na tingi-tingi sa mga kabahayan. Sa pamamagitan nito, layunin nilang makabawas sa pagdami ng mga basurang plastic sachet at plastic bottles.

Ayon kay Sheila, balakid sa paggamit ng mga sustainable na produkto ang convenience o ang kaginhawaan ng isang produkto para sa mga tao. Maswerte na raw siya na sa Elbi siya dahil tinatangkilik ang kanyang mga produkto.

“Pero you will encounter, sa mga washable napkins, na ayaw magsabon, ayaw nila maglaba, [dahil sa] inconvenience.” 

Dahil dito, plano ni Sheila na makapagtayo ng isang physical store para sa GoinGreen.lb, at palawakin pa ang kanyang mga refilling stations. Nais niyang isama sa plano ang iba pang produkto tulad ng mantika, toyo, at suka, at iba pang home essentials. 

“Kapag available yung bagay, yung awareness, people will buy. Kailangan lang nila malaman na may ganito,” dagdag ni Sheila. Aniya, kapag nasubukan ng mga tao at nalaman na hindi mahirap, madali sila mag-adapt sa isang sustainable lifestyle.

Liwayway Eatery: Pagsibol ng Bagong Simula

Patuloy ang pagsisikap nila Bea at Paulo para magbenta ng samu’t-saring tinapay at pagkain.

Kahit maliit ang espasyo at limitado ang kagamitan, napagkakasya sa ilalim ng tolda ng Liwayway Eatery sa Elbi Community Market ang kanilang kusina at tindahan. Hindi ito naging hadlang sa mag-partner na sina Paulo Moraleja at Bea Reyala na maghandog ng gourmet style na pagkain sa mga taga-Elbi. 

Ngunit sa likod ng kasalukuyang tagumpay, ay kwento ng ilang beses na pagkabigo, pagpupursigi, at muling pagbangon. 

Inalala ni Paulo ang unang business venture na tinahak nilang dalawa ni Bea, “We started doing business sa Calamba, in 2021 during Covid time, noong sobrang higpit parin [ng quarantine policies],” ani Paulo.

Kwento niya, dalawang buwan lamang simula noong naitayo ang “21st Street” na inilirawan nilang silogan “with a twist” sa bayan ng Calamba nang maghigpit ang gobyerno sa quarantine. Labis na naapektuhan ang bentahan nito dahil sa pabago-bagong quarantine guidelines na inilalabas ng gobyerno buwan-buwan, na naging sanhi ng tuluyan nitong pagkalugi.

Subalit hindi sila nagpatinag sa balakid na ito. Pinagpatuloy ng dalawa ang paghahanap ng mga bagong oportunidad sa pag-asang makapagtaguyod ng isang negosyong  nagse-serve ng mga ‘di pangkaraniwang pagkain. 

Ibinahagi ni Paulo kung paano nagsimula ang pangarap na ito noong nag-aaral pa lamang siya sa LPU Laguna Culinary Institute.

I wanted to be the kind of guy who can serve extraordinary food in a way na mabilis, at affordable,” ani Paulo. Pagkatapos gumradweyt, naging culinary instructor siya sa nasabing institute, habang si Bea naman ay nagtrabaho rin dito bilang social media manager

Doon umano mas naunawaan ni Bea ang hiwaga ng dekalidad na pagkain. “Madalas, nagpipicture ako tapos ako na din ang nagiging taga-tikim,” saad ni Bea habang masayang inalala ang karanasan.

“Noong natikman ko ang mga gawa nila, naisip ko ‘ang sarap nito i-share, hindi lang siya for survival, may naevoke siyang lasting experience,” ani Bea.

Kaya naman determinado ang dalawa sa mithiing maihatid ang gourmet sa mas nakararami. Ang determinasyong ito ang nagdala sa kanila sa Los Baños, kung saan nahanap nila ang komunidad na mainit na tinanggap at tinangkilik ang kanilang mga produkto. 

“Matalino ang mga tao dito sa pagkain, so masayang mag-offer,” ani Bea. 

“At kahit hindi sila masyadong pamilyar sa ingredients, di afraid mag-try ang mga taga-Elbi ng bago, dahil doon mas naging free kami to be creative with the menu,” dagdag niya.

Saad ni Paulo, “Noong napadpad kami sa Elbi, naging new start, new hope, hindi naman kami nabigo.”

Para kina Paulo at Bea, ang Liwayway ang palatandaan ng kanilang walang humpay na paghahabol sa kanilang mga pangarap. 

FelChie’s: Tamis ng Tagumpay

Makikita ang samu’t-saring homemade ice cream flavors na nasa maliliit na lata ng Felchie’s

Kapansin-pansin ang mga maliliit na lata sa isang mesa sa gitna ng Community Market. Ito’y may makukulay na tatak, kung saan nakabaybay ang pangalang “Felchie’s”: isang brand ng artisan ice cream na ipinagmamalaki ang panlasang Pinoy.

Nagmula ang pangalang “Felchie’s” sa mag-asawang Felix at Richie Duran-Roslin. Kaya naging Felchie’s ang pangalan ng negosyo, “ship name” daw ito ng dalawang may-ari. 

Ayon sa national distributor ng naturang artisan ice cream na si Arnel Pacquiao, nagsimula ito bilang libangan ni Richie, hanggang sa napagtanto ng kanyang asawa ang potensyal  nito sa paggawa ng ice cream bilang negosyo. 

Lakas loob na kinakatunggali ng Felchie’s ang mga naturingang high-end ice cream brands, tulad ng Häagen-Dazs, Carmen’s Best, Magnum, at Ben & Jerry’s

Malakas na pambato nito ay ang durian-flavored ice cream, na ipinagmamalaki ni Felix na  laking Butuan. 

Sa kasalukuyan, ang Los Baños branch ng Felchie’s ang top-selling branch. Tinalo nito ang iba pang mga branch sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nang tanungin kung ano ang pinakamalaking dahilan ng tagumpay ng Felchie’s dito sa Los Baños, sagot ni Arnel, “Pagiging hands on, with that you get to build relationships with people.

Dagdag ni Arnel na kakaiba ang market sa Elbi, “Natatandaan ka ng tao, and you build a network here, there’s a sense of loyalty.

Dulot ng Elbi Community Market 

Sa Elbi Community Market, hindi lamang mga produkto at pagkain ang nabibigyan ng halaga, kundi ang pagpapalaganap ng mga halaga at adbokasiya na nagbibigay-daan sa mas malawak na pag-unlad ng komunidad. Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa market, natututo ang mga mamimili at mga negosyante na maging responsable sa paggamit ng mga sustainable na produkto at pagtaguyod ng malusog na pamumuhay.

Ang komunidad ng Elbi ay nagiging isang lugar ng pagsasanib-pwersa at pagbabahagi ng kaalaman at karanasan. Ang Elbi Community Market ay hindi lamang isang lugar ng negosyo, kundi isang sentro ng pagtutulungan at pagtuturo. Ang mga vendors ay nagbabahagi ng kanilang mga kuwento, nalalaman, at kahusayan sa kanilang mga produkto. Sa pamamagitan nito, naipapasa nila ang kanilang kaalaman at inspirasyon sa iba, na nagbibigay ng pagkakataon sa iba na matuto at umunlad.

Bukod sa pagtutulungan, ang Elbi Community Market ay nagbibigay ng oportunidad sa mga lokal na artistang ipakita ang kanilang mga talento. Sa pamamagitan ng paghaharana at pagpapalabas ng kanilang mga obra, nagiging buhay at pumupukaw ng damdamin ang mga kaganapan sa market. Ito ay hindi lamang nagbibigay ng aliw at kasiyahan sa mga mamimili, ngunit nagpapakita rin ng suporta at pagpapahalaga sa sining at kultura ng komunidad.

Sa pagtataguyod ng mga lokal na negosyante at MSMEs, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mamimili na makabili ng mga produkto na gawa sa sariling komunidad. Sa pamamagitan nito, nagiging suporta at pagpapahalaga ang bawat transaksyon sa lokal na ekonomiya. Ang pagbili ng mga lokal na produkto ay naglalayong magbigay ng kita at oportunidad sa mga maliliit na negosyo, na siyang nagbibigay-buhay sa ekonomiya ng Elbi.

Ang Elbi Community Market ay hindi lamang isang pangkaraniwang palengke, kundi isang lugar ng pagkakaisa at pag-unlad. Ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga mamimili na maging bahagi ng isang aktibong komunidad na nagtataguyod ng pagmamahal sa sariling kultura, pangangalaga sa kalikasan, at pagsusulong ng mga solusyon sa mga hamon ng lipunan. Sa bawat pagbisita at pakikilahok sa Elbi Community Market, nagiging bahagi ang mga indibidwal ng isang mas malaking adhikain na magdala ng positibong pagbabago at pag-unlad sa komunidad ng Elbi.