Ulat nina: Maurice Paner at Leanshey Castillo
Ang buwan ng Hunyo ay Pride Month kung saan ipinagdiriwang at binibigyang halaga ang LGBTQ+ community at ang kanilang karapatang pantao. Naglunsad ng mga aktibidad ang iba’t ibang grupo at ahensya sa Los Baños na naglalayong palakasin ang pagkakaisa at pagbibigay-pugay sa karapatan at pagkatao ng LGBTQ+ community.
Narito ang mga pangunahing aktibidad na ginanap:
SOUTHERN TAGALOG PRIDE CULTURAL NIGHT
Naganap ang Southern Tagalog Pride Cultural Night sa Mercato (One Bonitos Place) noong Hunyo 16-17, 2023. Ang nasabing programa ay may mensahe ng pagkakaisa mula sa LGBTQ+ community at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Upang mas lumawak pa ang hanay ng LGBTQ+ community, nagkaroon ng iba’t ibang mensahe at pagpapakilala ang mga lider kabataan ng UP Los Baños (UPLB) para ipaabot ang suporta at panawagan na ipasa ang SOGIE Equality Bill. Dumalo rin ang College of Development Communication Student Council (CDC-SC) sa nasabing programa.
LITRATO: UPLB College of Development Communication Student Council
LB Gayla Night
Noong Hunyo 17, 2023, sa Lolo’s Place event hall sa Bay, Laguna, ipinagdiwang ang kauna-unahang LB Gayla Night na pinangunahan ni Councilor Leren Mae Bautista. Ito ay isang gabi ng pagdiriwang para sa mga miyembro ng LGBTQ+ kasama ang UPLB Babaylan, tinalakay ang kampanya at mga usapin patungkol sa SOGIE. Sa pagtitipon na ito, ipinakilala at binigyang parangal ang mga natatanging miyembro ng LGBTQ+ sa bayan ng Los Baños na nagpakita ng natatanging tagumpay sa kanilang mga larangan.
LITRATO: Maurice Paner/LB Times
RIDE WITH PRIDE
Inorganisa ng UPLB Gender Center, sa pakikipagtulungan sa Break The Cycle Philippines, UPLB Men Opposed to Violence Against Women Everywhere, at UPLB Babaylan ang Ride with Pride noong Hunyo 25, 2023. Kasama ang iba’t ibang riders, mga tagapagtaguyod, pati na rin ang mga kaalyado at miyembro ng LGBTQ+ sa lungsod ng Los Baños sa nasabing aktibidad.
LITRATO: Roi Mojado/UPLB Community Affairs
IKA-10 NA SOUTHERN TAGALOG PRIDE MARCH
Nagtipon ang iba’t ibang sektor sa UPLB Carabao Park noong Hunyo 25, 2023 upang makiisa sa ika-10 na Southern Tagalog Pride March. Ang nasabing pagtitipon ay naglalayong magbigay-tinig at ipahayag ang mga hinaing at panawagan ng LGBTQ+, partikular na ang pagpapasa sa SOGIE Equality Bill na matagal nang nakabinbin sa kongreso. Nagsilbi rin itong plataporma upang talakayin ang iba pang interaksyonal na mga isyu, katulad ng korapsyon sa gobyerno, disinformation, seguridad sa trabaho, jeepney phase out, press freedom, at marami pang iba.
LITRATO: Southern Tagalog Pride
RAINBOW CROSSWALK
Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Pride Month, inilunsad ng UPLB Gneder Center (GC) ang Rainbow Crosswalk sa UPLB Academic Heritage Monument noong Hunyo 26, 2023. Ang rainbow crosswalk ay isang pedestrian crossing na mayroong sining ng rainbow flag upang ipagdiwang ang komunidad ng LGBTQ+. Sa kabila ng pag buhos ng ulan at masamang panahon, pinatunayan ng UPLB community na “There’s always a rainbow after the rain”.
LITRATO: Roi Mojado/UPLB Community Affairs