Ulat nina Mar Jhun F. Daniel at Ramon Carlos J. Garcia
Sa edad na 53, danas ni Miguel “Ka Elmer” Portea ang mga pagsubok at pasakit ng ilang dekada nang naghihingalong pampublikong transportasyon ng Pilipinas. Subalit ang nakataya ngayon kapalit ng paghihirap na ito ay ang pagsingil ng tawag ng modernisasyon sa tanging hanapbuhay na tumustos sa kaniyang pamilya sa loob ng mahigit 20 taon na pamamasada dito sa Los Baños.
Hindi lamang binuhay ng kakarampot na kita araw-araw ni Ka Elmer mula sa pamamasada ang kaniyang pamilya, iginapang din nito ang pag-aaral ng kaniyang dalawang anak. Sa katunayan, ang isa rito ay nagtapos bilang mechanical engineer, bitbit ang layuning halaw sa prinsipyo ng kaniyang ama na mapabuti ang transport system ng bansa sa pamamagitan ng mabisa at makamasang public utility vehicles.
Ngunit ang buhay at pangarap na ito ay nakasalalay ngayon sa gumugulong na review ng Department Order 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance. Ang polisiyang ito ang framework na bumubuo sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Isinusulong ng programa ang paglahok ng mga driver at operator sa mga korporasyon at kooperatiba para sa iisang prangkisa. Layon ng corporate-backed modernization na ito ang pagphase-out sa mga tinaguriang ‘Hari ng Kalsada’ ng pampublikong transportasyon ng Pilipinas. Bahagi ito ng mandato ng programa hinggil sa pagmodernize ng mga jeepney unit sa kalye sa pamamagitan ng pag-upgrade sa milyong halagang mga makina at piyesa.
Sektoral na Pasakit
“Hindi ito (modernization program) magsisilbi doon sa mga maliliit na operator [at driver] kagaya namin na kumukuha lang ng kita doon sa pasimot-simot,” daing ni Ka Elmer, kasalukuyang Secretary-General ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization – Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (STARTER-PISTON).
Sinasalamin ng hinaing na ito ang dehadong hanay ng batayang sektor ng transportasyon sa bansa, isang minoryang grupong patuloy na nakikibaka laban sa selektibong sistema ng modernisasyon sa sektor.
Matatandaan noong Marso ay matagumpay na inilunsad ang transport strike na pumwersa sa Malacañang upang ipag-utos ang review ng nasabing Omnibus Franchising Guidelines. Bagaman maituturing itong isang panalo para sa mga apektadong driver at operator, nananatiling naroon at bumubusina ang banta ng modernisasyon.
Giit ni Ka Elmer, kabilang ang mga komyuter sa pinakamaaapektuhan sakaling hindi marepaso ang guidelines ng polisiya at maisapinal ang modernization program. Dagdag pa niya, malinaw sa programa ang mga ekonomikong pasanin na ipapasa ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Ginagatasang Industriya
“Kung talagang magtetake-over na ‘yung mga korporasyon, ‘yung mga modern jeepney, talagang mawawalan kami ng kabuhayan,” ani Ka Elmer. Magiging swelduhan na lamang umano sila sa bagong kalakaran na isinusulong ng modernization program.
Ang swelduhang konseptong ito ay nakaugat sa bagong fleeting system ng programa, isang sentralisadong mekanismong magbabantay sa operasyon ng mga modernized unit na nasa ilalim ng iisang prangkisa. Sa bagong kalakarang ito, magrerelyebo ang mga miyembro ng korporasyon at kooperatiba sa limitadong bilang ng modern jeepneys na pumapasada.
Maliwanag dito na hindi lamang ang mga tradisyunal na jeepney unit ang papalitan, kung hindi pati ang mga nakasanayang patakaran ng sektor. Ayon kay Ka Elmer, isa itong agenda na ninenegosyo ng pamahalaan katuwang ang mga malalaking kumpanya upang makontrol at gatasan ang pampublikong transportasyon ng bansa.
“Hindi talaga kakayanin. Kasi ‘yung aming makukuha doon ay halos ipambubuhay na lang namin sa mga korporasyon na ‘yan e. ‘One Route, One Franchise,’ ibig sabihin ang may kakayanan lang nito ay ‘yung malalaking korporasyon,” dagdag pa niya.
Barya Lang po ang Kaya
May dalawang opsyon ang mga tsuper na may individual franchise upang patuloy na makapamasada sakaling gumulong na ang programa:
|
Ayon sa kasulukuyang pangulo ng El Danda-Forestry Jeepney Operators and Drivers Association Inc. (ELF-JODAI) na si Ronilo Perez, hindi madali para sa mga tulad nila ang sumali sa korporasyon o kooperatiba dahil sa malaking perang kinakailangan upang makapasok dito.
Daing ni Perez, nasa mahigit Php 20,000, depende sa sasalihang kooperatiba, ang kinakailangang bayaran ng bawat sasaling driver o operator para lamang sa membership. Bukod pa rito ang mga bayarin na kanilang papasanin kapag opisyal na silang miyembro.
Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kinakailangang makapagpundar ng mahigit Php 300,000 ang mga driver at operator na nagnanais bumuo ng isang samahan sa ilalim ng kooperatiba. Ito ay upang pormal na maisaligal ang rehistrasyon ng nasabing samahan sa kinauukulang ahensya ng pamahaalan.
Sa halip na pondohan at pautangin ng pamahalaan ang mga kooperatiba upang makabili ng modern jeepneys na nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyong piso kada unit, suhestiyon ni Perez na pondohan na lamang ang mga tradisyunal na jeepney.
“Ang hinihiling ko lang dun sa gobyerno, ‘wag alisin ‘yung traditional jeep. Pagandahin. Napopondohan nila ang modernization, e di pondohan din nila ‘yung tradisyunal para gumanda. Pahiramin nila ‘yung mga operator, para ayusin ‘yung jeep,” anang pangulo ng ELF-JODAI.
Walang Kasiguraduhang Kapalaran
“Ayusin nila ‘yung nakapaloob sa kanilang batas. Pwede naman silang maglagay ng modernization [program], ba’t aalisin pa nila ‘yun (traditional jeepneys)? Hayaan namin sila na mamasada, hayaan nila kaming mamasada,” pakiusap ni Perez.
Nilinaw naman ng Department of Transportation na magkakaroon ng programang pangkabuhayan ang ahensya para sa mga tsuper na mawawalan ng hanapbuhay kung sakaling matuloy ang phaseout. Bibigyan sila ng hanapbuhay o subsidiya na makatutulong sa kanila upang makapagsimula ng negosyo.
Subalit reklamo ni Perez, hindi makatutulong ang programang ito sapagkat ang ilan sa kanilang miyembro ay hindi na makakapaghanapbuhay kung wala ang kanilang jeepney dahil na rin sa kanilang edad. Aniya, mayroong mga miyembro sa kanilang asosasyon na higit 70 taong gulang na at tumanda na umano sa pamamasada.
Tulad rin ng sinabi ni Ka Elmer, “Mapipilitan akong maghanap ng ibang trabaho. Pero ang mabigat po, kapag over-age ka na, hindi ka na matatanggap sa mga pagawaan.”
Sa pangako ng pamahalaan na muling repasuhin ang mga polisiya ng PUVMP, hindi pa rin mabubura ang pangambang mawala ang kabuhayan ng mga dekada nang namamasadang tradisyunal na jeepney. Kung sapitin man ang hindi inaasahan, wala nang ibang tatahakin ang mga tsuper na ruta kung hindi bilangin ang mga nalalabing oras bago ang palugit na ibinigay sa kanila ng pamahalaan.