Ulat nina Demi Laborte at Darnie Samaniego
Yakap mula sa komunidad at mga inisyatibong pagbubuklurin ang kanilang boses ang hinahanap na suporta ng mga magpipinya ng Calauan, Laguna. Para sa kanila, hindi nila gaanong ramdam ang benepisyo ng pagiging isang magpipinya sa bayang kilala sa nasabing prutas.
Bagaman taas-noo ang mga magpipinyang Calaueño dahil sa kanilang makulay na pista at dambuhalang pinya sa puso ng kanilang Plaza, tila nasa karimlan pa rin ang ilan sa kanila dahil sa higit dalawang taong pandemya, mga bagyong nagdaan, at kakulangan sa suporta at pagdinig ng pamahalaan sa kanilang mga hinaing.
“Para sa’kin kulang kami [magsasakang pinya] ng komunikasyon sa pamahalaan. Siguro kung mapapapaanib ako sa ibang malalaking organisasyon ng mga magpipinya, mas makakaramdam ako [ng benepisyo]” sambit ni Dave Mendoza, isang magpipinya mula sa Imok, Calauan.
Batid ni Mendoza na magiging mabagal at walang-kasiguraduhan ang pag-usad ng kanyang mga hinaing sa gobyerno kung iisa lamang siya. Hindi man sigurado, tingin niya ay mas nakakaramdam ang mga magpipinyang kabilang sa mga organisasyon at barangay na kilala sa malaking bilang ng magpipinya, tulad na lamang ng Barangay Perez.
“Wala kasi akong kinabibilangang grupo, isang indibidwal lang ako na magtatanim ng pinya, kaya kalimitan ‘yung pangangailangan ko, inaasa ko kung saan lang ako may alam,” daing ni Mendoza.
Sasamahan ba ng SAMACA?
Sa kabila ng dominasyon ng malalaking organisasyon na tinutukoy ni Mendoza, ay mayroon ding mga bago at maliliit na grupo ng magpipinya sa Calauan. Isa na rito ang Samahan ng Manghihiblang Calaueño (SAMACA). Nang tumakbo sa puwesto ang bagong alkalde ng Calauan na si Osel Caratihan, ilan sa mga ipinangako at siya ngang inumpisahan buhat ng kanyang pagkapanalo ang pagpapalakas ng pagpipinya sa bayan. Noong Abril 2021, bago pa man siya tumakbo pinangunahan ni Caratihan ang pagbuo ng SAMACA sa Barangay Mabacan, Calauan.
Ang SAMACA ay binuo sa paglalayong palakasin ang Eco-Agri Tourism ng Calauan. Layunin ng programa na sulitin ang mga dahon ng pinya sa pamamagitan ng paghahabi ng mga fiber nito na maaaring gawing alternatibo sa mga cotton fabric material at bigyang dagdag mapagkakakitaan ang mga Calaueño.
Sa pagsulong ng alkaldeng mabigyang pansin ang programa, dalawang decorticating machine, isang makinaryang nagpoproseso ng dahon upang makakuha ng fiber, ang natanggap ng samahan mula sa Department of Science and Technology (DOST)-Regional Office at DOST-Philippine Textile Research Institute para sa paghihibla ng mga dahon ng pinya.
Subalit, kasalukuyang nakatiwangwang ang pagbabagong ipinangako sa samahan ng alkalde dahil sa ilang problemang kanilang naranasan gaya na lamang ng pagkasira ng kanilang isang decorticating machine, hirap sa pagmando ng de-kuryenteng makinarya, at mga papeles na pinoproseso pa.
Sa kabila nito, hindi naging hadlang ang mga suliraning kinakaharap ng SAMACA sa paglago at pagkilala ng Barangay Mabacan sa organisasyon. Mula 17, lumobo sa humigit-kumulang 50 miyembro ang mayroon ang samahan sa kasalukuyan.
Taliwas naman sa katanyagang natatamo ng samahan mula sa Barangay Mabacan, bago sa pandinig ng mga magpipinyang Calaueño sa labas ng nabanggit na barangay ang SAMACA. Gulat ang naramdaman nina Mendoza at Jennifer Lubrin, mga magpipinya mula sa Imok, nang kanilang malaman na mayroong samahang nakapokus sa paghihibla ng dahon ng nasabing prutas. Malugod naman nilang tinanggap ang inisyatibo, ngunit dahil nga sa kakulangan sa impormasyon, mababakas ang kanilang pagtataka sa tunay na sakop ng nabanggit na samahan.
Kaya naman pahayag ni Edith Alumno, kalihim ng SAMACA, “Nakikipag-coordinate pa kami sa ibang barangay para sa aming samahan para sabay-sabay ang pag-unlad ng mga magpipinya.”
Tinik sa pagpipinya
Subalit, kaakibat ng hangaring sabay-sabay na pag-unlad ng mga magsasakang ito, ay ang mga problema sa pagtatanim na danas ng lahat at ani pa nga ng mga magpipinya ay hindi nila masasalag kung walang suporta mula sa pamahalaan at kung tanging sila-sila lamang ang magtutulungan.
Bunsod sa haba ng pagitan ng pagtatanim at pag-aani, pagtaas ng abono, hamon sa kalamidad, at pagpapaalis ng mga peste, madalas break-even na lamang ang kita ng mga magpipinyang Calaueño. Anila, kung susumahin sa kanilang kabuuang gastos, hindi na makatarungan ang kanilang kita. Daing ni Erwilito Tumbaga, pangulo ng SAMACA, kung papipiliin lamang siya ay gugustuhin niyang pataasin ang presyo ng bawat isang pinya.
May mga balakid man na kinahaharap, hindi naman nagkulang ang mga magpipinyang Calaueño sa paglapit ng kanilang mga hinaing sa kinauukulan. Pahayag ni Tumbaga, inilapit na nila noon pa ang mga suportang nais nilang matamo. Ngunit, nang tanungin kung kailan pa sila naghihintay para sa solusyon ng mga ito, napa-iling si Tumbaga.
“Iyon lamang ang tanong, kung kailan magkakaroon ng budget ang DA [Department of Agriculture] na mapapapunta sa aming mga magpipinya,” ani Tumbaga.
Pahayag naman ni Lubrin, kalihim ng Imok Kabalikat sa Kaunlaran Multi-purpose Cooperative Water Management Services, sangkapat (¼) ng kanilang taniman ang naapektuhan ng nagdaang Paeng noong 2022. Nalubog at nababad sa baha ang kanilang mga tanim, nagkandabulok at tuluyan nang naging reject. Kaya naman minabuti ni Lubrin na lumapit sa DA para sa suporta.
“Iyon ang [inilapit] namin sa DA…sinabi naman na magkakaroon ng suporta para sa mga magsasaka, [para] sa amin. Nag-aantay lang kami,” wika ni Lubrin.
Sa kabila ng pagiging isang miyembro ng mga malalaking asosasyon—Samahan ng Magsasaka at Imok Coconut Farming Association ng Calauan—atensyong partikular sa pagpipinya ang hinahanap ni Lubrin.
Sakop ng Agrikultura
Malaking bagay para sa mga magsasakang pinyang ito na mabigyan ng pantay na atensyon ng parehong lokal na pamahalaan at ng ahensya ng agrikultura ang mga tulad nila. Base sa napansin ni Lubrin, noong kasagsagan ng pandemya ay halos magsasaka ng palay lamang ang naging priority pagdating sa distribusyon ng ayuda.
Daing nga ni Alumno, “Ano ba yung definition niyo ng magsasaka? Hindi ba nagtatanim? Ang sinusuplyan niyo lang mga magsasakang palay. E paano yung pinya?”
Para sa mga magpipinyang nakapanyam kulang ang suportang ibinibigay sa kanilang magpipinya at kapansin-pansin din ang mistulang bias sa mga magsasaka ng palay. Tulad ni Lubrin at Alumno, ito rin ang napansin nina Mendoza at Tumbaga base sa kanilang pahayag sa magkahiwalay na interbyu.
Sa kasalukuyan, mayroong mangilan-ngilan na interbensyon at polisiya tungo sa kaunlaran ng pagpuprutas gaya na lamang ng sa Queen Pineapple ng Camarines Norte. Ilan rin sa mga karapatan ng mga smallhold farmers na nabanggit sa Magna Carta of Small Farmers o Republic Act 7607 ang pagkakaroon ng social security, kakayahang makakuha ng farm inputs at services, at marepresenta ng mga ahensya ng gobyerno sa pamumuno ng DA. Ang nasabing batas ay hindi limitado sa pagpapalay.
Gayunpaman, makikita sa labis na pagdepende sa kani-kanilang mga sarili ang tila kinapos na pag-ambon ng mga interbensyong nabanggit. Para sa mga magpipinyang Calaueño, kumikita, nairaraos, at nasusustentuhan pa rin naman nila ang kanilang kabuhayan, labas ng kanilang pinyahan.
“Almost 18 months kang maghihintay bago mo mapakinabangan ang pinya. So kailangan sa 18 months na ‘yon, dapat hahanap at hahanap ka ng paraan para kumita ka parin,” ani Mendoza. Sa 18 buwan na ito, mayroong siyang nakukuhang extra sa pagtutubero, pagwewelding, at pagmamaneho ng van. Ngunit, sinisilip pa rin ni Mendoza ang ilang mga benepisyong natatanggap ng iba na hindi niya makuha dahil sa kaniyang limitadong impormasyon.
Ngunit, kapansin-pansin na maging ang mga miyembro ng mga organisasyong para sa mga magpipinya gaya nina Alumno at Tumbaga, ay lubhang nakakaramdam pa rin ng kakulangan sa mga nararapat at angkop na benepisyo. Sang-ayon ito sa pananaliksik na nagsasaad na isa sa mga krusyal na problema ng agrikultura sa bansa ay ang pagkakaroon ng mahinang koneksyon at alyansa sa pagitan ng mga organisasyon ng mga magsasaka at kanilang komunikasyon sa pamahalaan.
Masalimuot man ang problema sa pagpipinya sa bayan ng Calauan, lumalabas na ang mga problemang ito ay bunga ng mas malaking isyu na labas sa industriya. Yakap ng lupa, yakap ng bayan, at suporta mula sa kanilang pamahalaan ang kailangan ng lahat ng magsasaka.