Ulat nina Thesa Elaine Mallo, Irish Reyes, at Rafael Dilla
Kakaibang pagsubok ang dinaranas ng solo parents na kagaya ni Lolito Bariring, 40, na ginagampanan ang magkasabay na tungkulin ng pagiging nanay at tatay – o ‘Nay-Tay’ – sa kanyang dalawang anak matapos siyang iwan ng kanyang asawa mahigit isang dekada na ang nakalipas. Si Bariring ay kasalukuyang presidente ng Solo Parent Federation ng Los Baños na katambal ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Isa pang Nay-Tay ng Los Baños ay si Carol Blanco. May isang anak na edad anim na taong gulang, walang nakukuhang anumang sustento sa dating kinakasama.
Mapababae o lalaki ay walang pinipili ang pagiging solo parent.
Sa kabutihang palad ay naisabatas na ang RA 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act noon lamang nakaraang taon, Hunyo 4, 2022, na sinusugan ang naunang RA 8972 o ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000. Sa naamyendahang batas, higit nang nabibigyang-pansin at kahit papaano ay natutugunan ang mga bagaheng pasan-pasan ng mga Nay-Tay na kagaya nina Bariring at Blanco. Ngunit sa kadahilanang ito ay kapipirma pa lamang, ayon sa kanila ay hindi pa ganap ang implementasyon nito ngayon sa bayan ng Los Baños.
Lolito bilang Ama at tagapaglingkod ng Bayan
Bunga ng kaniyang pagsusumikap sa ilang taong paninilbihan bilang drayber ng Munisipyo ng Los Baños ay naitataguyod niya ang kanyang dalawang anak. Nasa unang taon ng kolehiyo ang panganay habang nasa ika-limang baitang naman ang bunsong anak ni Bariring. Aniya, malaking tulong daw ang pagiging regular niya sa trabaho upang mapaaral niya ang kanyang mga anak.
Bukod pa rito, limang taon na rin na nagseserbisyo si Bariring bilang Presidente ng Solo Parent Federation of Los Baños.
Dulot ng lumalaking pangangailangan ng kaniyang pamilya, aminado si Lolito na hindi pa rin magiging sapat ang kinikita niya bilang drayber. Kaya naman ginhawa rin sa mga katulad niyang Nay-Tay ang bagong bersyon ng batas.
Ilang halimbawa ng benepisyo na kanyang natamasa ay ang pagtanggap ng mga ayuda o subsidy sa mga panahon ng pangangailangan lalo na noong pandemya. Dagdag pa rito ay isa rin siya sa mga taos pusong tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pandemya. Natatamasa rin nila ang 10% discount at VAT exemption sa pagkakaroon ng solo parent ID.
Samantala, hindi rin biro ang sakripisyo ni Blanco para sa kanyang anim na taong gulang na anak. Aniya, hindi daw nabibigay ng dati niyang asawa ang sustentong ipinangako para sa anak. Maliban dito ay hinahanap na rin ng anak ang presensya ng kanyang ama na ayaw makipag-usap o magpakita sa mag-ina.
“Ang ine-expect ko sakaniya, sana man lang, makipag-communicate sa anak ko pero… wala,” aniya.
Sa kabila nito, kailanman ay hindi ipinagdamot ni Blanco sa kaniyang anak na makilala kahit man lamang sa larawan ang kaniyang ama. Isang working mom si Blanco at dahil abala sa trabaho ay hindi niya natututukan nang maayos ang kanyang anak, kaya minsan ito ay hinahabilin niya sa mga kapatid at kapit-bahay.
Para kay Blanco, hindi rin niya maikakaila ang mabuting dulot ng Expanded Solo Parents Welfare Act.
“Kagaya namin, na mga working na solo-parent. Mayroon kaming 7 days leave if ever na may kailangan sa school… Especially, sa anak ko, bata pa siya. So, kailangan niya yung presence ko sa mga school activities sa labas,” sabi niya.
Dagdag pa niya, malaking tulong din na madaling makalapit sa MSWDO kung sila ay may mga tanong at pangangailangan.
Mga Puna
Sa pinakabagong bersyon ng batas, higit nang pinalawig ang kahulugan ng isang solo parent sa Expanded Solo Parents Welfare Act. Maituturing na rin na solo parent ang asawa, sinumang kamag-anak, o legal guardian ng anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa low o semi-skilled worker category.
Pagdating naman sa Educational Benefits, ang solo parents ay may karapatan sa scholarship program, at full scholarship naman sa isang (1) anak ng solo parent sa mga institusyon ng basic, tertiary, technical at skills education, sa kondisyon na ang bata ay 22 taong gulang o pababa.
Sa usaping pinansyal naman, makakakuha rin ng one thousand pesos na subsidiya kada-buwan ang mga solo parent na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.
At panghuli ay ang insurance. Isa sa mga bagong probisyon na naidagdag sa batas ang insurance. Ang solo parents at ang kanilang anak ay ginawang awtomatikong miyembro ng National Health Insurance Program (NHIP), na pinapangasiwaan ng PhilHealth.
Ngunit ayon kina Bariring at Blanco, hindi lahat ito ay naibibigay sa kanila. Binigyang-diin din nila ang kakulangan sa pagsasakatuparan ng naturang batas sa Los Baños.
“Kung titingnan mo ang LGU walang kakayahan na maibigay sa solo parent ang nasabing halaga” ani Lolito sa pagkakaroon ng tig-isang libong allowance buwan buwan kada solo parent.
“Yung sinasabing pabahay? Matagal na ‘yan, ‘yang pabahay na ‘yan. Miski isang solo parent hindi naka-avail ng pabahay na ‘yan. Scholarships? wala din,” ayon kay Bariring.
Isa rin sa panawagan ni Lolito ay ang pang habang-buhay na hanap buhay para sa tulad niyang solo parent.
Hiling naman ni Blanco ay sana i-extend ang age limit ng mga discount para sa medikasyon at ibang pangangailangan. Sa kasalukuyan, hanggang anim na taong gulang lamang ang may medical discounts.
“Ang pagkakasakit ng bata ay hindi naman natitigil yan hanggang six years old,” ani Blanco.
Pahayag ng MSWDO
Sa kabilang banda, noong tanungin ukol sa umano’y mabagal na implementasyon ng Expanded Solo Parent Welfare Act, ayon kay Sheila Marie Kare, social welfare aid ng MSWDO at ang focal person ng Solo Parent Federation ng Los Baños “Hindi porket solo parent ka ay automatic na”. Tumutukoy ito sa pagkuha ng mga benepisyo na dapat ay dumaan sa proseso depende sa pangangailangan. Ayon sa batas, nararapat na mag-apply muna ng Solo-parent ID bago matamasa ang mga benepisyo ng isang solo parent. Ngunit isa sa mga hamon ng mga solo-parent ay ang mahirap o mahabang pagproseso nito.
“Noon ay napakadali lang mag-apply ng ID… eh ngayon sa nakapaloob dun sa bagong batas, sobrang dami ng requirements” ani Ms. Shiela. Ito ay isa lamang sa mga pagbabago na nagpapahirap sa kanila at lalo na sa mga solo-parents.
Ayon pa kay Ms. Sheila, nakasaad rin sa batas ang pagbibigay ng tig-isang libong allowance buwan-buwan bilang karagdagang tulong pinansyal. Ngunit sa kasalukuyan, ito ay hindi pa lubos na maisakatuparan dahil sa kakulangan sa pondo. Subalit tinitiyak na rin ni Ms. Sheila na magkakaroon ng pagpupulong ang LGU kung saan at paano ito kukuhanin, at kung kailan maaaring maibigay ang nasabing halaga sa mga solo parent.
Maliban dito, dumadaan muna sa mabusising proseso ang mga solo-parent sa pagkuha ng mga ibang benepisyo o programa tulad ng murang pabahay at scholarships.
“Kulang pero… kaya hindi lahat (nabibigyan) kasi nga may qualification”, ani Ms. Sheila. Dagdag pa niya na ang mga solo-parent ay priority alinsunod sa batas, kaya maaari pa rin sila mag-apply. Ngunit ang priority ay hindi nangangahulugang awtomatiko na agad sila ay pasok. Aniya pa, naibibigay naman ang mga benepisyo tulad ng scholarship at tulong medikal, kinakailangan lang muna na mag-apply at dumaan sa mga proseso.
Implementasyon ng Solo Parent Act sa Los Baños
Noong Abril 30, 2021 sinimulan ng MSWDO ang pagpaparehistro para sa Solo Parent ID. Ayon kay Ms. Sheila , halos nasa 300 na ang mga rehistradong solo parents sa Los Baños at patuloy na ang pagdami ng mga applikante dahil sa bagong Expanded Solo Parent Welfare Act.
Pagsulong sa RA 11861
Sa kabila ng kabagalan, kakulangan, at komplikadong proseso, patuloy pa ring sinusubukan ng gobyerno na maibigay ang lahat ng mga benepisyong nakapaloob sa Expanded Solo Parent Welfare Act sa abot ng kanilang makakaya.
Hiling man ng mga solo parent na gawing ganap na ang implementasyon nakikita rin nila na may mga kailangan pang baguhin sa batas para sa higit na inklusibong sistema at matagumpay na pagsasakatuparan ng mga nakasaad rito. Ito ang mga modipikasyon na inaasahan nilang mararamdaman na, hindi man ngayon, ngunit marahil sa susunod ay marinig na ng mga kinauukulan. Ito ang mga mumunting hiling na hindi para sa kanilang sariling kapakanan, kundi para sa ika giginhawa ng kanilang mga supling.