SAGISAG NG PAGTINDIG: Ang Pagsilang ng Isang Drag Queen

Ulat ni AJ Santillan

Litrato mula kay Earl Manlangit. Ang pagsilang ni Ada Foxxx sa entablado ng FebFair 2023.

[Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: Pagsulong sa LGBTQIA+ Rights]

Magarbong kasuotan, makukulay na kolorete, at entablado para maipakita ang mga natatanging talento; ‘yan ang pangako ng obra ng Drag para sa mga nagtatanghal at nanonood dito. Ngunit para kay Earl Manlangit, hindi lamang puro saya ang nais ipabatid ng sining na ito.

Ang konsepto ng drag ay nagsimula pa noong 16th century sa mga sinaunang teatro kung saan ang karakter ng mga babae ay ginagampanan ng mga kalalakihan sapagkat hindi pinahihintulutan ang mga kababaihan na magtanghal sa entablado. Dito nabuo at napayabong ang kultura ng drag bilang sining, propesyon, at ayon kay Earl bilang isang protesta.

Tubong Cavite, Si Earl ay isang estudyante ng BS Agricultural Chemistry sa UP Los Baños at miyembro ng UPLB Babaylan, isang samahan ng mga estudyanteng kabilang ng LGBTQIA+ at drag community. Bata pa lamang si Earl ay batid na niyang may hilig at talento siya sa pagdadamit babae na ginagaya niya sa mga napapanood na palabas sa telebisyon. Sa ganitong paraan, naipapahayag niya ang kanyang pagkatao sa murang edad at doon na rin namulat si Earl sa konsepto ng Drag.

Pagpasok sa Isang Makulay na Mundo

Aminado si Earl na noong bata siya ay hindi pa siya sigurado sa kanyang buong pagkatao o ang kanyang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression o SOGIE. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nakakita si Earl ng isang maikling clip mula sa palabas sa telebisyon na Drag Race. Doon mas napalalim ang interes niya sa mundo ng Drag at sa iba’t-ibang SOGIE.

“Sa super curious ko that time, nanood ako ng Drag Race. After kong manoond, sabi ko what if i-apply ko sa sarili ko?” aniya.

Paliwanag ni Earl, ang drag ay isang transformative art kung saan may laya ang isang tao na ipahayag ang kanyang kaisipan at damdamin gamit ang kanyang talento at makukulay na kasuotan.

Ngunit dagdag niya na hindi laging puno ng kulay, tawanan, at kasiyahan ang nais ipahiwatig ng drag. Ginagamit din ang sining na ito upang mapukaw ang atensyon ng publiko at dinggin ang mga mensahe at saloobin ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

“In a way, drag is political at naging voice ang drag ng LGBTQIA+ community para ma-express ‘yong calls for equality and social acceptance,” ani ni Earl.

DRAG ON SA NAGDAANG FEBFAIR 2023

Kuha ni Rafael Benavente Borito. Taunang Drag Show ng UPLB Babaylan, idinaos sa nagdaang UPLB FebFair.

Sa nagdaang February Fair na ginanap sa UPLB noong Pebrero na may temang Bigkisan ay naging matagumpay ang debut performance ni Earl bilang si Ada Foxxx –ang kanyang anyo o drag persona– sa entablado ng Drag On, ang programa ng UPLB Babaylan na kanya ring pinangunahan. Kasama sa entablado ni Earl ang iba pang lokal na mga drag queen, miyembro ng UPLB Babaylan, at miyembro ng LGBTQIA+ community upang ibahagi ang kanilang sining sa masa at bigyang boses ang komunidad na kumakaharap ng iba’t-ibang isyung panlipunan.

“‘Yung theme kasi that time was ‘Resist and Transcend’ which nag-root sa pag-atake ng estado sa mga aktibistang miyembro ng LGBTQ+ community so in a way gusto nating ipakita sa madla kung anong kinakaharap nila at ipakita na matatag ang sektor ng LGBTQ+ activists dito sa Southern Tagalog,” saad ni Earl.

Hindi naging madali ang buhay ni Earl lalo na sa aspeto ng pagpapakita ng kanyang sarili. Dahil hindi naaayon sa pamantayan ang kanyang mga hilig ay nakakaranas siya ng diskriminsayon. Sa kasamaang palad ay ito ay nanggagaling pa sa mga taong malapit sa kanya.

“Sadly to say galing pa sa family ko [ang discrimination], like, nung beginning, hesitant sila sa pagsho-show ng queerness ko. Parang gusto nilang maki-blend in lang [ako] sa society. Masakit para sa akin na sa family ko pa mismo nanggaling yung discrimination,” ayon kay Earl.