Ulat ni AJ Santillan
[Basahin ang unang bahagi ng ulat na ito: Ang Pagsilang ng Isang Drag Queen]Katulad ng drag ay makulay rin ang SOGIE o ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression ng mga tao. Ngunit ano nga ba ang SOGIE?
Ang “SO” ay para sa Sexual Orientation na tumutukoy sa pisikal o sekswal na atraksyon ng isang tao sa kanyang kapwa. Ang “GI” o Gender Identity ay kung paano kinikilala ng isang tao ang kanyang sarili sa kategorya ng kasarian. Ang “E” o ang Expression naman ay ang pampublikong pagpapakita ng pagkatao at ito’y maaring may koneksyon sa kanyang Sexual Orientation, Gender Identity, at Anatomical Sex ngunit puwede ring wala itong koneksyon sa mga nabanggit.
Ito ay nagsisilbing patnubay upang maunawaan ang kasarian at sekswalidad ng isang tao. Isang malimit na ginagawang panglarawan ng SOGIE ay ng Genderbread Person. Makikitang napakaraming labels na puwedeng gamitin ang isang tao upang ilarawan ang iba’t ibang aspeto ng kanyang kasarian at sekswalidad.
Isa itong pagpapatunay na sa panahon ngayon ay hindi na lamang lalaki at babae ang mga salitang maaaring gamitin upang ilarawan ating pagkatao.
Mga Maling Haka-haka
Isa pa sa malimit na problema ng mga drag queens at kings katulad ni Earl Manlangit, estudyante ng UP Los Baños, ang pag-uugnay ng madla ng sining ng drag sa pagiging transgender.
Ayon kay Sairah Mae Saipudin ng UPLB Gender Center, malaki ang pinagkaiba ng pakikibahagi sa drag at pagiging transgender.
“It does not necessarily follow that people who do drag are transgender individuals because there are individuals that do drag whose identities are aligned with their sex at birth that do drag as well,” paliwanag niya.
Dahil sa mga nabanggit ay nagpapasalamat si Earl sa suporta galing sa kanyang mga kaibigan na pinapatatag ang kanyang loob sa gitna ng diskriminasyon na kanilang tinatamasa bunsod ng hindi pantay na sistema.
Pagsugpo sa LGBTQIA+ discrimination
May mga polisiyang pinapatupad ang UPLB na nagmula sa UP System upang wakasan ang diskriminasyon at paigtingin ang respeto at pagtanggap sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community katulad ni Earl.
Isa na rito ang UP Anti-Sexual Harassment (ASH) Code kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang kahit anong klase ng karahasan at diskriminasyon sa kahit sinong indibidwal, kahit ano pa man ang kanilang SOGIE. Isa ito sa mga siguraduhin ang kapakanan ng nasasakupan ng UPLB.
Upang isulong ang polisiyang ito ay binuo ang UPLB Office of Anti-Sexual Harassment (OASH) na may partikular na mandatong pangasiwaan ang lahat ng mga kaso ng karahasang nararanasan ng mga nasasakupan ng UPLB na inuulat sa kanila.
Pangalawa ay ang Guidelines on Affirming Transgender and Gender Non Conforming (TGNC) Students’ Names, Pronouns, and Titles na nilabas ng Center for Women’s and Gender Studies. Ito ay nagsisilbing gabay para sa mga propesor at mga kawani sa kung paano kilalanin ang kanilang mga estudyante na kabilang sa iba’t-ibang SOGIE at kung paano sila i-address sa klase o sa publiko upang maiwasan ang pagsambit ng kanilang dead names o ang mga pangalan na hindi nila sinusunod sa dahilang hindi ito tugma sa kanilang gender identity.
Samantala, isunusulong din sa bayan ng Los Baños ang Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law na pumoprotekta sa kapakanan ng kahit sinong tao anuman ang kanilang SOGIE sa pampublikong espasyo laban sa sekswal na karahasan.
Nilagdaan din ng Municipal Government of Los Baños ang Ordinance No. 2018-1791 (Comprehensive Anti-Discrimination Policy on the Basis of SOGIE) na ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon sa employment, education, delivery of food and services, at accommodation.
Kinabukasan para sa makulay na Pilipinas
Kasama sa mga panawagan ni Earl ay ang pagpapatupad ng matagal nang naka-tengga na SOGIE Bill o Anti-Discrimination Bill. Ayon kay Saipudin ay halos dalawampung taon nang pabalik-balik sa kongreso ang bill na ito at isa sa mga nakikita niyang dahilan kung bakit hindi pa rin ito maisapubliko ay ang mga maling kuro-kuro na nakapalibot dito.
“There are different beliefs in our society hence there’s a lot of agam-agam, ” ayon kay Saipudin.
Dagdag pa niya na kung maisabatas ang bill na ito ay magkakaroon ng gender discrimination free environment ang lahat ng trabaho at mabibigyan ng pantay na oportunidad ang lahat hindi lamang sa trabaho kundi pati na rin sa mga karapatan na tinatamasa ngayon ng publiko liban sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Isa lamang si Earl sa napakaraming miyembro ng LGBTQIA+ community na may layunin at adbokasiya upang bigyan ng nararapat na karapatang pantao ang kanyang komunidad na madalas ay pinagkakaitan nito. Isa rin lamang ang makulay na mundo ng drag sa mga instrumento nila upang ito’y makamit at maisakatuparan.