TULAK TUNGO SA PANGARAP: Ang Kauna-unahang Trolley King ng Barangay San Antonio

Ulat ni Maryrose Alingasa

Kung may babaguhin man si Leean sa mundo, nais niyang mawala na ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao. Dala ang kanyang mga karanasan buhat ng mga pangmamaliit at diskriminasyon ay tinanggap niya ang hamon upang maging Trolley King 2022. Panawagan niya sa kanyang mga kapwa trolley boy na ipagmalaki ang kanilang kabuhayan dahil sila ay kumikita sa malinis na paraan.

[PANOORIN: Tulak Tungo sa Pangarap]

HARI NG RILES. Ang hangarin ni Leean na maging pantay-pantay ang lahat ang naging daan upang siya ang itanghal na Trolley King noong ika-10 ng Setyembre 2022. (Maryrose Alingasa/LB Times)

Ang tinaguriang Trolley King na si Leean Lalog ay isang tubong riles, trolley boy, at kabataang San Antonio. Kinalakihan niya na ang maingay ngunit masayang komunidad sa tabi ng riles. Para sa kanya, basta maayos ang iyong pag-uugali ay magkakaroon ka ng kakampi sa kanilang lugar. 

Mula noong siya ay labintatlong taong gulang pa lamang ay nagtrotrolley na si Leean sa pagnanais na makatulong sa kanyang mga magulang. Sa dalawa hanggang tatlong oras na pagtrotrolley ni Leean ay kumikita siya ng hanggang P200.

Ang mga kinikita niya sa pagtrotrolley ay ang nagsisilbing baon at pambili ni Leean ng mga pangangailangan sa paaralan. Sa ganitong paraan ay nakakabawas siya sa mga gastusin ng kanilang pamilya kaya naman hindi maiiwasan na may mga kaharapin siyang pagsubok na kaugnay dito.

KASANGGA. Trolley ang katuwang ni Leean sa kabila ng init, ulan, at pagod upang makatulong sa pamilya. (Maryrose Alingasa/LB Times)

Pangungutya

Si Leean ay kasalukuyang Grade 12 student at isa sa mga hindi malilimutan niyang karanasan sa mga bully ay nangyari noong siya ay Grade 7 pa lamang. Nang may isang beses na pumunta ang ilan sa kanyang mga kaklase sa kanilang lugar ay pinagtawanan siya ng mga ito. Bilang mga rich kid ay ginawang katuwaan ng kanyang mga kaklase ang kanilang pamumuhay. 

Bagaman nasaktan ay isinaisip na lamang ni Leean na malayo pa ang kanyang mararating. 

“Okay lang naman po kung maging [trolley boy] sa simula pero hindi naman po nangangahulugan na hanggang dito na lang,” aniya.

Naibahagi rin ni Leean na tinatawag siyang negro ng iba at hindi niya maiwasang maapektuhan dahil dito. Nagkaroon ng pagkakataon na hindi siya pumasok nang ilang araw sa paaralan dahil nasaktan siya sa mga sinasabi sa kanya ng mga tao. 

Natukso man ay nagpatuloy siya dahil naipaliwanag ng kanyang ina na kailangang ipagmalaki niya ang pagiging taga-riles at trolley boy dahil hindi naman siya nakatatapak ng ibang tao at kumikita siya sa malinis na paraan.

Kakamitin ang pangarap

Nais ni Leean na maging negosyante pagdating ng araw at magkaroon ng “Time and Financial freedom.” Pangarap din niya na matupad ito bago siya tumanda.

“Gusto kong makaranas din [ang mga magulang ko] ng kasaganahan bago mahuli ang lahat,” sabi ni Leean.

Bilang kinatawan ng kabataang San Antonio ay pinagsusumikapan ni Leean na matupad ang kanyang mga pangarap sa buhay upang maibahagi niya sa kanyang mga kapwa “batang riles” ang mga naging karanasan kung paano siya naging matagumpay sa landas na kanyang tinahak.

Para kay Leean, walang mangyayari kung papansinin niya ang mga pangmamaliit kaya naman nagpapatuloy na lamang siya sa pag-aaral at pagtrotrolley upang matupad ang kanyang mga pangarap, hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa kanyang pamilya.

Kasama ang hangarin na maipamalas ang talento at kakayahan ng mga mag-trotrolley ay naglakas loob si Leean na tanggapin ang hamon ng Trolley King 2022. Bagaman kabado ay hindi niya hinayaan na lumampas ang opurtunidad lalo’t unang beses pa lamang ito mararanasan ng kanilang komunidad. 

Trolley King 2022

Ang Trolley King ay parte ng ikalawang taon ng San AntonYouth Week: Daambakal Festival bilang selebrasyon para sa Linggo ng Kabataan 2022 na may temang “Intergenerational Solidarity: Creating A World For All Ages.” Ang programang ito ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay San Antonio ay naglalayong maipamalas ang angking galing ng mga Trolley boys at maisulong ang turismo ng riles. 

Ang konsepto ng Trolley King ay orihinal na ideya ni SK Chairman Mark Anthony Ramos na naglalayong maipakita ang “other side” ng mga trolley boys na bagaman pawisan at babad lagi sa initan dahil sa pagtrotrolley ay maaari ring sumabak ang mga ito sa mga pageants. 

Ang iba pang mga programa noong 2022 na kahelera ng Trolley King ay ang Railbow Trolley, Trolleycade, Youth Empowerment Camp, TikTalks, Daambakal Film Festival, The KK Project, RilesReels, QuiSKontonio, Balitakbakan, Community PlanTree, Laro ng Lahi, Acoustic Night, Daambakal Awards, at Youth Night.   

Ayon kay SK Chairman Ramos ay dapat nang itigil ang diskriminasyon laban sa mga kabataang trolley boys.

“Ang mga trolley boys sobrang hardworking. Sila ‘yung naghahatid sa ‘tin kahit gabing-gabi na— madaling araw.” Dagdag pa niya, “Let’s appreciate them since sobrang laking tulong talaga nila sa community natin,” sabi niya.

Ang tagumpay ni Leean bilang Trolley King ay nagsilbing inspirasyon sa kanya upang mas magsumikap pa.

Ayon sa kanya,“Kapag nagtagumpay po ako sa landas na tatahakin ko, ituturo ko rin sa mga kapwa ko batang riles kung ano yung ginawa ko kung ba’t ako naging successful na tao…”