ni Jord Earving Gadingan
Isang ding-ding at dalawang patungan lang ang Imprinted in the Water ni Nicole Buendia Gupit sa Sining Makiling Gallery sa DL Umali Auditorium ng UP Los Baños (UPLB). Mga limang hakbang na eksibit. Mistulang isinawsaw ni Nicole ang papel sa pinaka malapit na creek. Kulimlim at malumot ngunit malinaw ang kwento ng mga kuwadro ng tubig sa samut-sari nitong hugis, anyo, ragsa at daloy.
Dadaloy mula sa ‘Contaminated’, ang tubig inumin na tining sa water jug mula sa suking water station hanggang sa ‘Exposed’, ang tubig-ulan sa hanging hagupit ng bagyo. Mula tubig na dini-deliver hanggang sa tubig na di pasupil ang pagtingin sa display ng mga imprenta na repleksyon ng conflicted na relasyon ng tao, ng barangay, ng lipunan sa mga anyo ng tubig.
Sa ‘Extracted’ makikita ang dibuho ng isang bakal na poso. Sa kuwadrong ito pa lang ay bukal na agad ng diskurso tungkol sa access at extraction, sa right to water and sanitation, sa polisiya ng poso sa siyudad dahil sa maaaring pagbaba ng lupa (subsidence), sa kakayahan ng mga waterworks na magpatubig sa mga kabahayan. Kaakibat din ang mga tanong na kaya ba ng isang pamilya ang magpakabit ng linya at buwanang singil? Kaya bang sukatin ng barangay kung ilang taon lang ang buhay ng bukal na kinukuhanan ng tubig? Maghahabulan ang matematika ng extraction rate at recharging ng bukal. Kaya bang magpatubig nang di nalulugi? Sino ba dapat ang nagseseguro na may tutulas sa gripo? Eh kung mag-productized at mag-privatized na lang? Mukhang mas may kakayahan di hamal ang korporasyon kaysa komunidad. At maanod ka sa susunod pang mga likha na ‘The Value We Put in Water’ na mga botelyang puno ng resin at play money na naglalaro sa konsepto ng ecosystem services na dapat sana’y libre ngunit naging karapatan na binabayaran buwanan (from a basic right to being retailed).
Bukod sa relasyong tao at tubig, lumalawig din ang paksa sa iba pang mga bayolohikal na komunidad. Sa kuwadro ng ‘Monocultured’ ay mababanaag ang mga tilapia sa kulimlim ng fish cage. Itinuturo ang palaisdaan bilang isa sa mga industriyang nagpapalabo sa mga lawa. May pagbugaw sa mga katutubong isda ang malabis na pagpaparami ng iisa lang o dalawang uri ng isda sa ngalan ng kailangan kasing kumita o kumain. Evident ito sa pagsakop sa mga lambat ng mga ‘isda labas’ gaya sa kaso ng tawilis sa Lawa ng Taal at sa ayungin at biya sa Laguna de Bay.
Modipikasyon ng anyong tubig na nakokontrol ang piyesa na ‘Dammed’ na pagpigil sa daloy at pagtitipon ng tubig. Itinatayo ang sementadong higante sa loob ng lupang pamana ng mga cultural communities. Iisa lang ang istorya ng mga dam, papalitan lang ang ngalan ng lunan, ilog at mga katutubo. Hindi lang tubig ang ginagambala rito kundi ang lupaing humahawak sa katubigan at mga kaakibat na yamang kultural.
May ilan pang piyesa bago dumaong sa dulo pero piniling bigyan dito ng pansin ang ‘Exposed’ na maaaring laro sa paghahayag ng mga ‘kontsabahan’ o baka nga mga pagsososyo na nagpapatindi sa krisis ng klima o kaya naman ay tungkol sa mga komunidad na bukas o bulnerable sa hagupit ng bagyo – ang anyo ng tubig na di pasupil. Sa personal na pagtingin sa imahe ng lurok na ulan at lumilipad na piraso ng yerong bubong ay makikita ko ako at ang pamilyang nakakubli sa bahagi ng bahay na di pa natitiklap ang yerong bubong sa rumaragasang Super Typhoon Glenda noong 2014.
Educator si Nicole sa kanyang ‘visual aids’ sa mga isyung pangkalikasan na totoong marami mag-uumpisa pa lang sa pagkabatid o awareness. Bukod sa magsuri at magtimbang, di malinaw sa mga likha ang kaya pang gawin ng personal o komunal sa kalagayan ng mga anyong tubig. Marahil dahil na rin sa mga ekopolitikal na kahirapan ng marami at kasobrahan ng tapayan ng iilan. Sa mga ekolohikal na likha ay madalas may di napapatid na uhaw na sumagot sa suliranin. Di maaninag ang sagot sa eksibit, sa sarili, pero baka mas dapat paghanapan ang mga institusyon at industriya. Sa ibang pagsilip, reiterasyon din ang eksibit ng tao bilang mga konsyumer, kapitalista, tagapagpadaloy/ tagapigil, tagapamahala at bakwit.
Sana sa bawat litrong pagtungga ng mga laundry shops sa Batong Malake, ay higit pa sa ekonomikal na pag-unlad na sukatang piso ang tinatamasa ng komunidad. Ang pag-upo sa harap ng mga likha ay banlaw na ganito nga, basa ang papel natin sa daloy at mga anyo ng tubig.
The views and opinions expressed in this piece are those of the author and do not represent those of Los Baños Times.
MAGING LB TIMES CONTRIBUTOR. Mayroon ka bang istorya sa iyong komunidad na nais ibahagi? Ipadala ang iyong gawa sa [email protected].