Ulat ni: Paolo C. Rumbines
Ipinagdiwang ng mga miyembro ng Persons with Disabilities Federation ng bayan ng Los Baños (LBFPWD, Inc) sa pamamagitan ng mga palaro at isang seminar ang ika-apatnapu’t limang National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Ginanap ang nasabing pagtitipon noong Agosto 2, 2023 sa Municipal Hall Activity Area.
Ang tema ngayong taon ay “Persons with Disabilities Accessibility and Right: Towards a Sustainable Future where No One is Left Behind.”
Pinangunahan ni Los Baños Mayor Hon. Anthony “Ton” F. Genuino ang program sa pamamahagi ng mga ‘health kits’ na may lamang medical supplies gaya ng vitamins, mga gamot, facemasks, at alkohol – sa mga nagsipagdalo. Ginawaran rin niya ng rehabilitation aid na walker ang isang PWD mula sa Brgy. Mayondon.
Layunin ng programa na magbigay kasiyahan sa mga PWD ng Los Baños sa pamamagitan ng paglalaro tulad ng Pinoy Henyo at Jack en Poy. Bukod dito, nagkaroon din ng raffle sa mga dumalo kung saan nakatanggap sila ng 100 at 200 piso.
Ayon sa presidente ng LBFPWD na si Priscilla Junsay, ang mga aktibidades na isinagawa ay may layong magpalakas ng loob ng mga PWD ng Los Baños. “We’re trying to help them come out of the shell para masabi na no one is being left behind. Na parang… they [too] live as normal people,” dagdag pa niya.
Samantala, anim na PWD officers bawat barangay ang dumalo sa isang seminar na ginanap noong hapon ding iyon. Parte pa din ito ng pagdiriwang ng National Disability Prevention & Rehabilitation Week.
Sa kanyang higit dalawang oras na diyalogo sa mga nagsipagdalo, tinalakay ni Ma. Ana Del Valle-Mauleon ng Autism Society Philippines Laguna Chapter ang iba’t ibang karapatan at pribilehiyong mayroon ang mga PWD. Iginiit niya ang pagiging tagapagtaguyod ng mga PWD mismo sa kanilang mga pinagdadaanan para sa mas ‘PWD-inclusive’ na kapaligiran.
Nagbahagi naman ang mga nagsipagdalong PWD members ng kanilang mga karanasan – diskriminasyon, pati ang pagtupad ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo. Isyu sa mga discounts, accessibility sa mga establisyemento, at trabaho ang mga naging sentro ng diskusyon.
Sa huli, idiniin ni Mauleon ang kahalagahan ng ‘self-empowerment’ sa mga PWD sa pamamagitan nang pag-alam ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo at paggamit ng mga ito kung higit na kinakailangan. “[Ka]pag may alam, may laban,” pagtatapos niya.
Sa pamamagitan ni Konsehal Jonathan “Jonsi” Siytiap at Hon. Ton F. Genuino, ipinangako ng lokal na pamahalaan ng Los Baños ang patuloy na pagbibigay suporta sa mga PWD ng munisipalidad sa pamamagitan nang pagpasa ng mga ordinansang nanghihikayat sa mga lokal na negosyong tumanggap ng mga PWD bilang mga empleyado – na ligtas sa iba’t ibang uri ng diskriminasyon.
Para kay Ronalyn Como ng Brgy Tadlac, ina ng isang PWD, ang mga PWD-related events tulad ng nasabing selebrasyon ay mahalaga. “Para malaman kung ano yung mga kailangan ng PWD… parang eye opener sa lahat na hindi porket PWD ka, wala ka na, hindi ka na makakakuha ng mga gan’to (pribilehiyo),” pagpapaliwanag niya.
Ayon sa Proclamation No. 361, ang pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week ay ginaganap sa ikatlong linggo ng Hulyo, ngunit, dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari, minabuti ng munisipalidad ng Los Baños na iurong ito sa ibang araw. Katambal ng LBFPWD, Inc ang lokal na gobyerno ng Los Baños at ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) sa programang ito.