Ulat ni: Christjinna Luofel Del Rosario
Mas mapapalapit na ang de-kalidad na edukasyon para sa mga batang may kapansanan sa paningin at pandinig sa Los Baños Laguna, matapos mapili ang bayan bilang extension site ng proyektong Gabay: Strengthening Inclusive Education for Blind/Deaf Children.
Ayon sa Resources for the Blind Inc., napili ang Los Baños bilang extension site ng proyekto dahil ang munisipalidad ay mayroong enrolled children with disabilities at mga guro na may pagsasanay sa Special Education (SPED). Bagamat may programa na para sa SPED, hangad ng Gabay Project na paigtingin ang kakayahan ng mga guro, magulang, at LGU na pangalagaan ang mga batang Person With Disability (PWD).
Sisimulan na ang pagpaplano ng Gabay Project na gagawin sa bayan ng Los Baños ngayong buwan ng Agosto.
Hinihikayat ni Dr. Yolanda Quijano, Chief of Party ng Gabay Project, ang mga magulang ng mga batang PWD na dalhin ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na paaralan sa kanilang lugar upang mailapit ang tulong ng proyekto sa kanila. Sa ngayon, mayroong 13 na paaralan ang ini-rekomenda ng district supervisor mula sa DepEd na nakatalang mayroong enrolled na children with disabilities.
Ilan sa mga aktibidad na nakaplano ay ang eye and ear screening, training ng mga guro at magulang sa pag intindi ng children with disabilities, at pagbibigay ng mga materyales para sa inclusive learning ng mga batang kailangan ng Special Education (SPED).
Ang proyekto ay pinamumunuan ng Resources for the Blind Inc. kasama ang local government units (LGUs), Department of Education (DepEd), at United States Agency for International Development (USAID). Naka-schedule mula July 1 hanggang December 2024 ang proyekto bilang karugtong ng orihinal na 2019 hanggang June 2023.
Mungkahi ni Dr. Quijano sa mga magulang na kumuha ng PWD ID para sa kanilang mga anak upang makasali sila sa mga programang pang PWD at mabigyan ng tulong sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Ayon sa World Health Organization, mahalaga ang screening upang masigurong nakakamit ng bata ang mga developmental milestones na angkop sa kanyang edad. Kapag hindi naagapan, ang mga kapansanan sa mata at pandinig ay maaaring maka-antala sa development ng isang bata dahil nalilimitahan nito ang kanilang interaksyon sa kanilang paligid.
Kahit may pag-aalinlangan o pag-aatubili man sa screening at pag-rehistro ng kapansanan, malaking tulong ang pagkakaroon ng gabay at suporta mula sa komunidad habang nagpapalaki ng bata.
The Gabay project is made possible by the generous support of the American People through the United States Agency for International Development.