Sapaglaya: Kooperatiba muling umaarangkada sa pagluwag ng pandemya

Ulat nina Nyah Riza Dizon, Ann Margaret Fernandez, at Ithan Grayne Jumuad

NASA LARAWAN: Pinangunahan ni Zenaida Ojinal, kasalukuyang Chairperson ng SAPAGLAYA MPC, ang isa sa mga bahagi ng ika-15 taunang general assembly ng kooperatiba. (Larawang kuha ni Ithan Grayne Jumuad)

Matapos maipagkaloob ang mga lupang kanilang sinasaka sa pamamagitan ng Republic Act no. 6657, bumuo ang mga lokal ng Barangay Laiya-Aplaya ng isang kooperatiba– Samahang Pagkakaisa ng Laiya-Aplaya Multi-Purpose Cooperative (SAPAGLAYA MPC). Layunin ng kooperatibang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga miyembro nito gamit ang lupang kanilang sinasaka.

Taong 1988 nang maisabatas ang Republic Act no. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, isang batas na nagbibigay-kapangyarihan sa mga magsasaka na ariin ang mga lupang kanilang sinasaka. Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang tawag sa mga magsasakang napagkalooban ng lupain sa ilalim ng nasabing batas.

Matagumpay na naipangalan ang titulo ng mg lupang pinagtitirikan ng kanilang mga tahanan at sinasaka sa mga lokal ng Laiya-Aplaya sa San Juan, Batangas. Ngunit bago pa man matagumpay na mapasakanila ang mga lupain, marami rin silang mga pagsubok na pinagdaanan.

“Maraming balakid kasi marami sa mga farmers ang takot. Takot pa rin sila [noon] sa mga landlords,” pahayag ni Erlinda “Nanay Linda” Gusi. Si Nanay Linda ay isa sa mga lokal ng Laiya-Aplaya na nagtaguyod ng kooperatiba.

Nagkaroon man ng takot ang mga lokal sa mga landlord na nagmamay-ari ng lupaing kanilang sinasaka at pinagtitirikan ng bahay, hindi ito naging hadlang. Kalaunan ay kasama na rin nila ang mga landlord upang masarbey ang lupaing ipinagkaloob sa kanila.

Giit ni Nanay Linda, ang kanilang pagpupunyagi sa pagmamay-ari ng lupa ay hindi bunga ng magulong paglaban. Ayon sa kanya, “Ang atin ay kung ano ‘yong batas, sumusunod lang tayo sa batas. Hindi natin inaagaw [ang mga lupa].”

Taong 1991 nang masarbey ang humigit-kumulang 350 na ektarya ng lupa kasama ang mga tao mula sa ahensya ng Department of Agrarian Reform (DAR), mga may-ari ng lupa, at si Nanay Linda bilang kinatawan ng mga magsasaka. Pormal na naipamahagi ang titulo ng mga lupa sa mga ARBs noong 1994.

Magmula noon, nag-organisa ang mga magsasaka ng inisyatibo na magtayo ng isang kooperatiba. Dito na nabuo ang SAPAGLAYA MPC, na layong tulungan ang mga magsasaka na gamitin ang lupang naipagkaloob sa kanila upang mapaunlad ang kanilang antas ng pamumuhay.

“Doon na nag-umpisa magbigkis [ang mga magsasaka] at para mapaunlad ang kanilang mga buhay,” pahayag ni Nanay Linda. Nagsilbi siyang pangulo ng kooperatiba nang mahigit isang dekada at ngayon ay nagsisilbing Chairperson for Educational Committee ng kooperatiba.

Mga programa ng SAPAGLAYA

Sa paglalayong mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka ng Laiya-Aplaya, nagkaroon ng mga programa ang kooperatiba na hanggang ngayon ay kanila pa ring pinapatakbo. Ilan sa mga programa ng SAPAGLAYA MPC ay ang pamimigay ng mga punla ng niyog at saging, pagpapa-iwi ng baka*, at pagpapautang ng pera at bigas sa mga miyembro na may maliit lamang na tubo.

*Pagpapa-iwi ng baka –  isang pamamaraan kung saan pinapahiram ng inahing hayop ang isang indibidwal na kaniyang aalagaan. Kapag nagkaanak na ang pinahiram na hayop, magiging pagmamay-ari na ito ng pinahiram at ibabalik na niya ang inahin.

NASA LARAWAN: Nakibahagi si Carlos Viaña, isa sa mga pinakaunang miyembro ng kooperatiba, sa diskusyon patungkol sa mga problemang kinakaharap nila noong ika-15 taunang general assembly ng SAPAGLAYA MPC. (Larawang kuha ni Ithan Grayne Jumuad)

Ang pinakabagong proyekto ng SAPAGLAYA MPC ay ang Deco-Manufacturing Husk Facility na ipinagkaloob ng Philippine Coconut Authority, isang ahensya ng gobyerno na nakatutok sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa. Matatagpuan sa bagong facility ang decorticating o deco machine na ginagamit ng mga magsasaka upang iproseso ang mga niyog na kanilang inaani.

Sa pamamagitan ng deco machine, nagsimulang magbenta ang kooperatiba ng mga coconut by-products kagaya ng coco peat na ginagamit bilang pataba sa lupa, coco fiber, coco rope, at coco hanging pots. Nagsimula ring sumali ang kooperatiba sa mga trade fair upang ipakilala sa merkado ang kanilang mga coconut by-products.

Ngunit nang tumama ang pandemya noong 2020, isa ang SAPAGLAYA MPC sa mga sektor ng agrikultura na lubhang naapektuhan nito.

Hamon ng pandemya

Lubhang naapektuhan ang mga programa ng SAPAGLAYA MPC lalo na ang kanilang produksyon sa deco machine dahil sa mga COVID-19 health restriction. Pahayag ni Nanay Linda, tuluyang nagsara ang kanilang produksyon sa Deco-Manufacturing Husk Facility dahil limitado ang kanilang pagkilos.

Kaugnay ng pagtigil ng produksyon, natigil din ang pagsali ng kooperatiba sa mga trade fair na isa sa mga tumulong sa kanila upang makilala sa merkado.

Dahil sa mga pagsubok na dulot ng pandemya, nadagdagan pa nito ang mga hamong kinakaharap ng SAPAGLAYA MPC. Ayon kay Nanay Linda, naging dahilan ang pagtigil ng produksyon ng deco machine sa pagkawala ng interes ng mga miyembro na maging aktibo sa kooperatiba.

“Ang kinakaharap namin sa ngayon ay yung panlalamig ng aming mga miyembro. Parang sila ay nawalan na ng interes [sa kooperatiba], naunsiyami sila dahil ‘di ‘yon ang inaasahan [na mangyayari],” pahayag ni Nanay Linda patungkol sa pagkadismaya ng mga miyembro nila nang natigil ang produksyon ng deco machine

Sa kabila ng mga balakid sa kooperatiba, iginiit ni Nanay Linda ang kanyang pagiging matatag bilang isang lider. Naniniwala rin siya sa kakayahan ng kabataan upang itaguyod ang samahan. 

“Pero ako nama’y naniniwala at siguro na lang ang ating pag-asa ay kabataan. Sabi nga, ang pag-asa ng bayan ay sa kabataan. Sa mga kabataan natin maaari nang itutok, at do’n na natin pagpunyagian na sila ay matamnan ng marami pang kaalaman para itong ating kooperatiba ay lalong uunlad,” pahayag niya.

Sa kasalukuyan, muli nang nakapagsasagawa ang kooperatiba ng mga seminar at pagsasanay para sa kanilang mga miyembro. Kasabay ng unti-unting pagbangon ng sektor ng agrikultura mula sa epekto ng pandemya ay ang muli ring pagbangon ng SAPAGLAYA MPC. 

Nito lamang nakaraan, lumahok ang SAPAGLAYA MPC sa isang Regional Trade Fair na ginanap sa Glorietta 2, Ayala Center sa Makati CIty. Maaaring bisitahin ang Facebook page ng kooperatiba upang makita ang mga update sa kanilang mga aktibidad: Samahang Pagkakaisa ng Laiya Aplaya MPC.

NASA LARAWAN: Itinampok ng kooperatiba ang mga produkto nila mula sa deco machine kagaya ng mga coco pole at coco hanging pots sa ginanap na Regional Trade Fair sa Glorietta 2, Ayala Center, Makati City. (Larawan mula sa Facebook page ng SAPAGLAYA MPC: https://www.facebook.com/photo/?fbid=650742723739905&set=pcb.650742887073222)