Computer-assisted na paghanap ng presinto, nakatulong sa mga botante ng San Cristobal, San Pablo

Joseph Calapine

Naging maalwan ang pagpila ng mga botante sa Brgy. San Cristobal, San Pablo, Laguna dahil sa computer-assisted na paghahanap ng presinto. Ito ay inisyatibo ng volunteers ng naturang barangay.

Nagsimula ang pagdating ng mga botante bandang alas-sais i-medya ng umaga. Sa kabutihang palad, hindi na naging dagsaan ang pagdating ng mga botante dahil nabibigyan kaagad sila ng numero na naglalaman ng nakatakdang precinct at cluster number.

Ayon sa mga residente ng San Cristobal, nahirapan ang karamihan na matukoy ang kanilang presinto gamit ang tradisyonal na paraan. Ang paghahanap ng kanilang pangalan sa mga nakapaskil na papel sa labas ng presinto ay mahirap dahil sa maliit na pagkaka-print ng mga ito, kaya naman labis na nakatulong ang makabagong paraan para sa kanila.