Charlize Yesha M. Geneciran
Kumpulan at dismayado ang mga botante sa Mamatid, Cabuyao, Laguna dahil sa liit ng teksto ng Project of Precincts tarpaulin sa Mamatid Elementary School.
Hindi mabilang ang mga botante, partikular na ang mga senior citizens, na nagpahayag ng sama ng loob sapagkat hindi nila malinaw na makita ang kanilang mga clustered precincts. Kinailangan pa nilang ikonsulta ito sa Voter’s Assistance Desk (VAD) ng PPCRV na nasa covered court sa loob ng paaralan. Samantala, mayroong ibang botante naman na pinili na lamang hanapin ang kanilang mga voting precincts sa online platform ng COMELEC.
Ayon kay Ariel B. Quijano, miyembro ng PNP Advocacy Support Group, nanggaling ang naturang tarpaulin mula sa COMELEC . Ito ay nakapaskil na sa lugar bago pa man sila dumating sa paaralan.
Samantala, may ilang mga botanteng tumungo sa Mamatid ES na kinailangang ilipat sa Mamatid National High School upang makaboto. Unang beses na nahati ang mga botante ng Mamatid sa dalawang paaralan, sapagkat hindi na sapat ang mga silid-aralan sa Mamatid ES para sa 100 voting precincts.