Ulat nina Jyas Calub-Bautista at Guien Garma
Isang babaeng may edad 18 taong gulang ang isinugod sa ospital matapos magtamo ng 68 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pasado alas-siyete noong Pebrero 16, Biyernes ng gabi. Nilapatan na ng lunas ang mga sugat ng biktima, ngunit inoobserbahan pa sa ospital ang kalagayan niya, ayon sa kapatid nito.
Ayon sa CCTV footage ng Brgy. Maahas, nangyari ang insidente sa madilim na bahagi sa dulo ng bagong-gawang IPB Road, kung saan ito kumukonekta sa Maahas Road. Bandang 7:19 ng gabi nang makuhanan ng CCTV ang video ng babaeng duguan at tumatakbo patungo sa Maahas Road. Nagtangka pa ang biktima na humingi ng tulong sa mga drayber ng dumadaang mga sasakyan, ngunit napahandusay din ito kalaunan.
Matapos ang ilang minuto, dumating ang tauhan ng UPLB Security and Safety Office (UPLB-SSO) upang i-secure ang biktima at ang lugar. Pagsapit ng alas 7:31, dumating na ang ambulansya ng Brgy. Tuntungin at agad din na dinala ang biktima sa ospital.
Kwento ng kapatid ng biktima, naghihintay ng tricycle ang babae sa labas ng International Rice Research Institute (IRRI) nang tawagin siya ng suspek, na dati na niyang nakilala sa chat. Nang lumapit ang biktima, dinala ito ng suspect sa damuhan katabi ng IPB Road kung saan sila nag-usap. Nauwi sa away ang usapan ng dalawa, hanggang sa sinakal ng suspek ang biktima.
“Nag-papalag po yung kapatid ko, sigaw ng sigaw para humingi ng tulong. Doon na po siya nawalan ng malay. Tapos nung nagising na sya, may mga tama na sa katawan niya,” sabi ng kapatid ng biktima. “Nandun pa yung suspect nang tumakbo siya, hinabol pa siya hanggang sa may kalsada. Nung pagtakbo niya, dun na siya bumagsak sa gilid, sa pababa ng riles. Doon na siya natagpuan,” dagdag niya.
Ayon kay Kap. Francisco Torres Jr., Punong-Barangay ng Tuntungin-Putho, dalawang kalalakihang suspect ang kasalukuyang hinahanap ng mga pulis matapos manakbo ang mga ito patungong Pili Drive. Ayon din sa report na natanggap nila Brgy. San Antonio Public Safety Officer Celerino Dizon, residente ng kanilang barangay ang suspek.
Ayon naman kay UPLB-SSO Security Officer 3 Rockwell Sanchez sa isang panayam sa pamamagitan ng telepono, hindi pa nahuhuli ang mga suspek sa naturang krimen.
Kinumpirma naman ng hepe ng UPLB-SSO na si Atty. Eric Peralta na ang lokal na pulisya na ng Los Baños ang magpapatuloy ng imbestigasyon sa insidente at pagtugis sa mga suspek.
“Although kami po ang first responders so tutulong po kami sa abot ng aming makakaya para sa gagawing imbestigasyon,” saad ni Peralta sa isang mensahe.
Sinikap naman ng Los Baños Times na kumuha ng iba pang mga detalye sa lokal na pulisya ng Los Baños at sa Laguna Police Provincial Office, ngunit hinihintay pa rin ang kanilang tugon habang sinusulat ang balitang ito.
Nananawagan ang kapatid ng biktima ng tulong para sa kanilang pananatili sa ospital at sa mga kakailanganing gamot.
May mensahe naman ang kapatid ng biktima sa mga suspek.
“Maawa naman kayo sa kapatid ko. Sumuko na kayo. Walang awa ang ginawa ninyo sa kapatid ko… Karumal-dumal ang ginawa ninyo,” anang kapatid ng biktima.