Tahanan at paupahan sa El Danda, natupok sa sunog

Baterya ng solar panel ang hinihinalang dahilan ng pagkasunog ng dalawang-palapag na tirahan sa Sitio Pagkakaisa, Brgy. Batong Malake, Los Baños, pasado alas-4 ng hapon noong Biyernes, Pebrero 16. “Totally damaged” ang tahanan at paupahan, ayon sa spot report ng Los Baños Bureau of Fire Protection (LB-BFP). Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Ayon kay Amando Nerpio, may-ari ng tirahan, ipinagdiriwang nila noon ang kaarawan ng kanyang apo, nang may humiyaw na nasusunog na ang ikalawang palapag ng bahay, na gawa sa bakal, plywood, at fiber cement board. “Yung bubong na yun, puro solar (panels) yun,” paliwanag ni G. Nerpio. “Wari ko’y isinaksak ang kuryente, syempre iinit ang baterya. Doon nanggaling sa baterya (ang sunog). Yun ang sa palagay ko,” salaysay niya. 

Mabilis na kumalat ang apoy mula sa ikalawang palapag ng bahay, na yari sa light materials tulad ng plywood at fiber cement board. Photo courtesy of LB-BFP

Ayon sa kay FO2 Darrel Ajo ng LB-BFP, nakatanggap ng tawag ang Los Baños Fire Station bandang 4:12 ng hapon muna sa Municipal Action Center ng Los Baños. Agad namang nagpadala ang LB-BFP ng dalawang fire truck upang apulahin ang sunog, kasama ang Batong Malake Fire Brigade. Umabot sa unang alarma ang sunog, ayon sa LB-BFP. Nagbigay tulong din sa mga bumbero ang Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO), pati na ang Barangay Peace and Security Officers ng Batong Malake. 

Nagdeklara ng fire out ang LB-BFP pagsapit ng 4:45 ng hapon. Sinundan ito ng overhauling operations upang masigurong hindi muling sisiklab ang apoy.

Agad na rumesponde ang mga bumbero ng LB-BFP at Batong Malake upang maapula ang sunog. Photo courtesy of LB-BFP

Tinatayang nasa Php800,000 ang halaga ng mga ari-arian na nasira sa sunog, ayon sa initial estimates ng LB-BFP. 

Ayon kay G. Nerpio, pina-dagdagan nila kamakailan ng mga silid-paupahan ang kanilang bahay upang may mapagkakitaan ang pamilya. “Kako, tayo ay magpagawa ng kwarto. Tayo nama’y apat lang tayong nakatira, para tayo’y may pang maintenance man lamang, may kakainin,” kwento niya. Hindi na umano kayang magtrabaho ni G. Nerpio, na may 65 taong gulang na. Ang asawa naman niya ay isang stroke survivor.  “Ako’y nananawagan sa kanila… kung sila’y tutulong, ako’y magpapasalamat sa kanila,” sabi ni G. Nerpio.

Ayon kay FO Ajo, 13 katao ang kasalukuyang naninirahan sa bahay, kabilang na ang apat na miyembro ng pamilya ni G. Nerpio at mga boarder na umuupa dito. Karamihan ng mga boarders ay mga mag-aaral o empleyado ng UPLB at Trace College, habang ang iba ay nagtatrabaho sa mga kalapit na pamilihan at negosyo. “Kaawa-awa yung aking mga boarder,” sambit ni G. Nerpio. “Wala akong naisalba kahit isa (sa mga gamit nila).”

Walang naisalba sa mga kagamitan ng mga boarders na umuupa sa bahay. Photo courtesy of LB-BFP

Ano nga ba ang solar power?

Isa ang solar sa mga pinaka-popular na renewable energy technology sa bansa, lalo na at mabilis na bumaba ang presyo ng solar equipment magmula noong 2011. Bukod sa pagtatayo ng malalawak na solar farms sa bansa at pagpapakabit ng solar panels sa mga malalaking gusali, dumarami na rin ang mga ordinaryong mamamayan na gumagamit ng small-scale solar power systems sa kanilang mga tahanan. Marami na rin ang mga suppliers na nagtitinda ng solar panels at equipment, kahit sa mga popular na e-commerce websites.

Ang residential solar power system ay maaaring off-grid, on-grid o hybrid. Ang off-grid system ay hindi naka-konekta sa electrical grid, kaya ang kuryenteng ginagawa nito ay maaaring gamitin lang ng bahay kung saan ito nakakabit, o ipunin sa mga baterya para magamit kapag gabi, maulan, o maulap. 

Ang on-grid system naman ay naka-konekta sa electrical grid o sistema ng kuryente sa isang lugar. Kapag sumisikat ang araw, gumagamit ang bahay ng kuryenteng mula sa solar panels. Ngunit kapag wala o mahina ang sikat ng araw, maaaring kumuha ito ng kuryente sa grid. Kapag may labis na kuryente mula sa solar panel na hindi na-konsumo sa bahay, maaari itong i-export o ibigay sa grid, sa pamamagitan ng net metering. Samantala, ang hybrid system naman ay nag-iipon din ng kuryente sa baterya, ngunit maaari din magbigay ng labis na kuryente sa grid. 

Ang rooftop solar system ay may ilang mahahalagang bahagi. Kabilang na dito ang 1) photovoltaic o solar panel na sumasagap ng enerhiya ng araw at kinoconvert ito para maging direct current (DC); 2) inverter na nagko-convert ng direct current mula sa panel at ginagawa itong alternating current (AC) para magamit ng mga karaniwang home appliances; 3) disconnect o rapid shutdown switch upang maaaring i-off ang solar power system; at 4) battery upang pag-ipunan ng kuryente mula sa solar panels ng isang off-grid o hybrid system. Karaniwang ginagamit ang lead acid batteries o lithium-ion batteries sa solar storage systems. 

Kumpara sa mga tradisyonal na generator set na kumokonsumo ng krudo, maituturing na “low-maintenance” ang isang rooftop solar system basta’t maayos ang lahat ng mga parte, at tama at alinsunod sa regulasyon ang pagkaka-install ng mga ito. 

Mga posibleng dahilan ng sunog na sanhi ng solar power system

Ayon kay Engr. Grace Calub, isang electrical engineer na kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya ng solar power, may ilang posibleng dahilan ng pagkasunog ng baterya ng isang residential solar power system. 

Kung lead acid battery ang ginamit sa isang off-grid solar panel system, at kung ma-overdischarge ang mga baterya, posible itong magbuga ng hydrogen gas, na highly flammable o napaka-daling masunog. Ang lead acid battery ang pinakamadalas gamitin na uri ng baterya sa mga low-cost, residential solar power system. Ang mga ganitong uri ng baterya ay mayroong 50% depth of discharge (DOD). “Ibig sabihin, kapag na-consume na ang more than 50% ng charge, posibleng masira o umiksi ang battery life. Sa extreme cases, pwedeng magkaroon ng hydrogen gas,” paliwanag ni Engr. Calub. 

Kapag lithium ion phosphate batteries naman, pwedeng ubusin ang laman ng baterya dahil 100% ang DOD nito, sabi ni Engr. Calub. Subalit, kailangan pa rin mag-ingat dahil posible pa rin na mag-overheat ang lithium-ion batteries kapag ang mga ito ay nainitan, nagkaroon ng pisikal na depekto, o na-overcharge. Noong 2021, nagsagawa ng malawakang product recall ang kumpanyang LG sa isang modelo ng lithium-ion storage batteries na ginagamit para sa mga residential solar power systems, dahil sa posibilidad na mag-overheat ang mga ito. 

Dagdag pa ni Engr. Calub, bukod sa baterya, maaari ding pagmulan ng sunog ang mismong solar panels kung may maluwag na koneksyon ang mga parte, kung hindi maayos ang seal ng conduits at junction boxes, at kung may crack o damage ang solar panels. 

Solar energy: paano siguruhin ang kaligtasan?

Upang masigurong ligtas ang pagpapakabit at paggamit ng solar power system, ito ang mga panuntunang ibinahagi ni Engr. Calub:

  • Siguraduhin na licensed installer o contractor (Registered Master Electrician o Registered Electrical Engineer) ang magkakabit ng solar equipment at magmo-modify ng electrical system ng anumang bahay o gusali. Tignan ang kanilang track record, tulad ng mga dating proyektong nagawa, workmanship warranty, operations & maintenance, at after sales services.
  • Kumuha ng electrical permit mula sa lokal na pamahalaan at net metering application mula sa inyong electrical utility bago magpakabit ng on-grid solar.
  • Sundin ang instructions ng equipment manufacturer para masiguro ang tamang operation and maintenance.
  • Kung bibili ng solar equipment sa mga retailers, siguraduhing may 10 years warranty o higit pa sa solar panels at five years warranty sa inverter at battery. Ayon kay Engr. Calub, maituturing na “red flag” o masamang senyales kung wala o mas mababa sa isang taon ang warranty ng isang solar power product. 
  • Iwasan mag-DIY o “do-it-yourself” installation dahil malaki ang panganib nito. 

Payo ni Engr. Calub, think before you buy at magkonsulta sa mga eksperto bago magpakabit ng solar power system. “Kasi pwedeng buhay ang maging kapalit kapag hindi safe ang product and installation. At hindi rin sya one-system-fits all, kailangan maconsider yung mga factors tulad ng structural at electrical, at kung off-grid or on-grid,” paliwanag niya.

Dagdag ni Engr. Calub, mas mainam din kung may rapid shutdown device ang isang solar power system. Ito ay upang putulin ang pagdaloy ng kuryente mula sa solar panels at masiguro ang kaligtasan kung sakaling magkasunog. Sa mga system na walang rapid shutdown, patuloy ang pagpasok ng DC current mula sa solar panels kapag nakabilad ang mga ito sa araw, kahit naka-off ang inverter. 

Mga batas at regulasyong namamahala sa renewable at solar energy

Sa pagkapasa ng Republic Act 11285 o Energy Efficiency and Conservation Act noong 2018, isa sa mga naging prayoridad ng gobyerno ang pagtataguyod ng paglikha at paggamit ng mga renewable energy technologies and systems upang masiguro ang “optimal use and sustainability of the country’s energy resources.”  

Ang renewable at solar energy systems ay kailangang alinsunod sa Philippine Electrical Code of 2017. Ang PEC 2017 ay naglalayong masiguro ang kaligtasan ng mga tao at estruktura sa mga posibleng panganib na maaaring dala ng paggamit ng kuryente.  Naglabas din ang Department of Energy ng gabay para sa ligtas na pagpili ng solar power equipment, pati na rin ang proseso ng pagkuha ng permit sa LGU bago magpakabit ng solar power system.