Ulat ni Kyla Grace Velasco
Nagsagawa ng kilos-protesta ang Gabriela Youth-UPLB sa harap ng Star Commercial Grocery noong ika-8 ng Marso kaugnay ng pagdaraos ng International Women’s Day ngayong taon.
Ang naganap na kilos-protesta ay may temang “Kabataang Kababaihan, mangahas na labanan ang pang-aabuso at pamamasista sa Babae, Bata, LGBTQ+, at Bayan!” Layunin nitong bigyang pansin ang mga isyu ng pang-aabuso at panggigipit sa mga kababaihan sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kasama ang edukasyon, kabuhayan at maging pangkalahatang karapatan.
Ipinaalam din ng pagpupulong ang epekto sa mga kababaihan ng mga usaping panlipunan partikular ang Charter Change o “Cha-Cha” at PUV Modernization. Bukod dito, binigyang-diin ng protesta ang mga isyu ng sektor na hindi gaanong naitatampok sa midya, tulad ng mga women political prisoners at pagkamatay ng mga women environmental defenders sa kanayunan.
Kasama ng Gabriella Youth-UPLB sa kilos-protesta ang ilan pang organisasyon sa unibersidad tulad ng UPLB Babaylan, University Student Council (USC), Samahan ng Kabataan para sa Bayan (Sakbayan), Kalikasan ST, Anakbayan, Youth Advocates for peace and justice (Yapjust), Inter-Sorority Council, at League of Filipino Students-UPLB. Ang bawat organisasyon ay naghayag ng kani-kanilang mga hinaing patungkol sa pamamalakad at mga polisiya sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.
Nanguna rito ang University Student Council at Sakbayan kung saan itinampok ang isyu ng budget cut, komersalisasyon, at kawalan ng maayos na serbisyo sa unibersidad.
Inilahad naman ng UPLB Babaylan ang patuloy na kalagayan ng LGBTQ+ sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte partikular ang pagbatikos sa Balikatan Exercises na gaganapin sa bansa.
Sa kabuuang pagdaloy ng protesta ay sama-samang itinampok ng mga kasaling organisasyon ang pagbatikos at paglalantad ng mga isyu sa ekonomiya na umiiral sa bansa at nakakaapekto sa mga kababaihan.
Sa pamamagitan ng protesta, inilahad ng komite na layon nilang mapataas ang kamalayan ng kabataan at mahikayat na maging mobilisado sa pagsasalita laban sa mga isyung kinakaharap ng bansa, at sa mga isyu ng mga mag-aaral sa pamantasan.
Kasabay ng nasabing kilos-protesta ang mas malawakang pagkilos sa Calamba Crossing, Laguna sa pangunguna ng Gabriela-Laguna kasama ang iba’t ibang sektor.