Ulat ni Jheana Mae Medialdia at Josiah David Marcelo
Idinaos ang isang linggong programa ng CAFS Field Day sa pangunguna ng Institute of Plant Breeding (IPB), UPLB sa kahabaan ng Pili Drive noong Lunes, Marso 4 hanggang Biyernes, Marso 8.
Ang Field Day ay naglayong ipakita ang iba’t-ibang varieties ng mga gulay sa pamamahala ng IPB at ng iba’t-ibang seed companies na nakilahok. Itinampok ng IPB ang kanilang mga homegrown varieties ng okra, saluyot, lagikway, pineapple, mung bean, kamote, cucumber, upo, sitaw, alugbati, mais, at kangkong.
“Kaya kami nagkaroon ng CAFS Field day kasi 115th anniversary ng CAFS as college, since siya yung unang college ng UP, ang anniversary namin ay week-long ang celebration pero hindi namin siya ginagawa yearly,” wika ni Flor Mico, isa sa mga nag-organisa ng Field Day.
Ang mga kumpanyang East-West Seed, Kaneko Seeds, Harvest Incorporated, at Ramgo Seeds ay nagpakita rin ng kanilang mga vegetable varieties, kabilang ang mga hybrid vegetable varieties. Sa kanilang exhibit ay nagbenta rin sila ng mga seedlings at produce na makikita sa kanilang mga vegetable plots.
Ayon kay Apolonio Bagon, trialist ng mga bagong variety ng Ramgo Seeds, sumali sila para maipakita ang kanilang mga promising variety sa mga magsasaka at sa iba pang dadalo. Mayroon silang iba’t ibang uri ng pechay, lettuce, at pipino na handang ipakita at ipagbili sa mga tao.
Ang Ramgo Seeds ay isa sa apat na mga seed companies na inanyayahang maging parte ng CAFS Field day. Dala nila ang kanilang iba’t ibang variety ng pananim na ipinagbili sa mga bisita.
Bahagi ang Field Day ng pagdiriwang ng 115th UPLB Foundation Day at ang pagkakatatag ng College of Agriculture and Food Science (dating College of Agriculture) na siyang kauna-unahang kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.
Orihinal na nakatakdang maganap ang Field Day mula Lunes, Marso 4 hanggang Miyerkules, Marso 6, ngunit pinahaba ang exhibit ayon sa hiling ng UPLB Chancellor na si Dr. Jose V. Camacho.