Usapang CyberSHEcurity, tinalakay ng DICT REGION IV-A sa webinar

Ulat ni Renz Bautista

Nagsagawa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) – Region IV-A CALABARZON ng webinar tungkol sa seguridad ng mga kababaihan sa social media noong ika-7 ng Marso, 2024 bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Month.

Pinamagatan ang webinar na “Secure HER: Personal Cybersecurity Measures for Women.” Ito ay parte ng isang buwang serye ng cybersecurity awareness campaign na may temang “CyberSHEcurity: Women Redefining Online Security.”

Ang unang CALABARZON CyberTalks na may temang “Secure HER: Personal Cybersecurity Measures for Women” na ginanap noong ika-7 ng Marso. Litrato ng DICT Region IV-A, 2024.

Pinangunahan ni Engr. Zendie Monea Sollano-Cabanlong, DICT Rizal Provincial Officer at electronics engineer, ang webinar kung saan binigyang diin ang kahalagahan ng pagtataguyod ng kamalayan sa cybersecurity, lalo na para sa mga kababaihan sa gitna ng dumaraming kaso ng Cyber Violence Against Women And Girls (CVAG) at pagkahumaling ng mga Pilipino sa teknolohiya at social media. Tinalakay din ni Engr. Sollano-Cabanlong ang iba’t-ibang uri ng cybercrimes tulad ng malware attacks, identity theft, phishing attacks, sextortion, cyberbullying, catfishing, at Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).

Binalaan ni Engr. Sollano-Cabanlong ang publiko na mag-ingat sa fake news, “Kasi minsan po, ang galing ng pagkakagawa, ang galing ng pagkakasulat, ang galing ng pagkakasabi na talagang akala mo totoo. Because that is the goal talaga ng disinformation; talagang sinasadya nilang gandahan, galingan, para kapipaniwala kahit hindi naman totoo.”

Upang masigurado na protektado ang lahat laban sa cybercrimes at disinformation, nagbahagi si Engr. Sollano-Cabanlong ng ilang pangunahing cybersecurity practices na maaring gawin katulad ng pagkakaroon ng back-up ng mga emails, passwords, at usernames, pag-verify ng mga impormasyon na ibinabahagi ng mga kaibigan at kapamilya, madalas na pagpalit ng password, at pag-iwas sa pag-click ng mga kaduda-dudang links.

Bilang pagtatapos, hinimok ni Engr. Sollano-Cabanlong ang mga nakikinig na makibahagi sa pagbuo ng mas ligtas at gender-inclusive na cyberspace.

Ang susunod na webinar, ‘The Cyber for Peace Initiative: The Nexus of Technology and Development,’ ay gaganapin sa ika-14 ng Marso. Ito ay pangungunahan ni Col. Francel Margareth A. Padilla, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines. Maaaring tingnan ng mga interesadong lumahok ang DICT Region IVA – Calabarzon Facebook page para sa mga detalye ng pagrehistro.

Ang susunod na CALABARZON CyberTalks na may temang “The Cyber for Peace Initiative: The Nexus of Technology and Development” gaganapin sa ika-14 ng Marso. Litrato ng DICT Region IV-A, 2024.