Ulat ni Denyll Francine Almendras
Itinampok ang lakas ng kababaihang entrepreneur sa “SATURDIVA: Empowering Women Entrepreneurs on a Special Women’s Day Celebration at the Saturday Bazaar!” noong Sabado, Marso 9, sa Student Union (SU) parking lot.
Pinangunahan ng UPLB Gender Center at UPLB Business Affairs Office ang nasabing bazaar.
Ibinida sa pagtitipon ang 22 na mga negosyong may mga produktong likha ng mga women small to medium entrepreneurs (WSMEs).
Sa simula ng programa, ibinahagi ni Assistant to the Vice Chancellor for Administration Eugene P. Crudo, direktor ng UPLB Business Affairs Office, ang lumalaking populasyon ng WSMEs sa bansa. Aniya, halos 28,000 na ang small and medium-sized enterprises (SMEs) na pag-aari ng kababaihan sa Pilipinas. Layon umano ng bazaar na bigyang pagkilala ang partisipasyon ng sektor sa industriya.
“Diva, mula sa Hindu word na ‘deva’ […] ang ibig sabihin ay the heavens […] A diva is someone to be looked up on, kaya Saturdiva ang napiling theme ng UPLB Gender Center,” paliwanag ni Asst. Prof. Crudo sa kaugnayan ng tema ng bazaar sa selebrasyon ng buwan ng kababaihan.
Sumentro rin ang pagtitipon sa tatlong women entrepreneurs mula sa Los Baños na sina Madonna Casimero ng Solita’s Farm Diner, Alicia Evangelista ng Liz Botique, at Cherrys Abrigo ng Sierreza, na nagbahagi ng kanilang istorya ng tagumpay sa pagnenegosyo. .
“In 2014, we set up our farm. Unfortunately, I had Thyroid Carcinoma… and that was the tipping point why I had to think of something that I would [channel my] energies to […] We began setting up our farm in Calauan. We sell our vegetables here at the Saturday Market […] Together with my son, we thought of setting up a farm-to-fork concept where we used our produce sa farm sa aming restaurant […] My message here is that women are capable of contributing [such] substantial things dito sa ating komunidad,” pagbabahagi ni Casimero.
Bilang bahagi ng selebrasyon, nag-handog sina Zdenalie Pagtapatan, Irene Reynante, at Carla Laciste, mga talento ng UPLB Talent Pool, ng mga awit na kumikilala sa kakayahan ng kababaihan. Drag performance naman ang pakulo ni Ada Foxx, isang drag artist.
Hindi lang selebrasyon kundi pagkakataon
Sa panayam ng LBTimes kay Marie Angela Ballon, may-ari ng La Cion’s Bakeshop, ikinuwento niya na naging malaking tulong ang proyekto para maipamalas ang kanyang kasanayan sa pagba-bake at pagbebenta. Nakapagdadala rin daw ito ng empowerment sa kaniya sapagkat nabigyan siya ng pagkakataon na makisalamuha sa iba pang WSMEs.
“‘Yung mga kasamahan ko rin dito [ay] mga babae. Siyempre sa pagbuo ng business may struggles ka. Maririnig mo ‘yung mga kasamahan mo na nararanasan din nila ‘yun. Parang… ‘yung pakiramdam na hindi ka nag-iisa sa mga struggles na kinakaharap niyo as business [owners], nakakatulong siya para mag-push through pa sa paglago [niya],” dagdag pa niya.
Ganito rin ang karanasan ni Irene Samson, may-ari ng Yeom Yeoreum. “Marami kaming nakikilalang tao from all walks of life [dahil dito]. Masaya rin ‘yung samahanan naming mga bazaristas dito,” pagbabahagi niya.
Sa Diwa ng Buwan ng Kababaihan
Pagiging malakas—ito ang katangiang ibinahagi ni Angela Ballon na pinaniniwalaan niyang tinataglay niya bilang babaeng entrepreneur. “Mahirap bumuo ng business from scratch nang mag-isa ka lang. Minsan nakaka-down. Minsan kapag hindi nakakabenta…gusto mo nang tumigil. Pero dahil may lakas ako ng loob, pinagpapatuloy ko pa rin,” paglalarawan niya.
Samantala, ang pagiging malikhain naman ang nakikitang katangian ni Irene Samson na kalakasan niya bilang babae sa kanilang industriya. “Mahilig akong mag-develop ng recipes. Kahit art, [ginagawa ko],” aniya.
Sa pagtatapos ng programa ng SATURDIVA Bazaar, pinaalala ni Prof. Roselle V. Collado, direktor ng UPLB Gender Center, na naka-angkla ang inisyatibo sa pambansang tema ngayong taon, “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas, Kakayahan ng Kababaihan Pinatunayan!”. Inaasahan ang pagsasagawa ng opisina ng iba pang mga aktibidad na kaugnay nito hanggang Marso 26.