Ulat ni Sharmaine De la Cruz
Ang paggamit ng sining sa pagtuklas sa kapaligiran ay nagbibigay ng bago at malalim na dimensyon sa pag-unawa at pagpapahalaga sa kalikasan. Sa pamamagitan ng mga likhang-sining, napapalapit at nagiging mas personal sa mga tao ang mga iba’t-ibang natuklasang uri ng hayop at kanilang tirahan.
Ang mga artistang tulad ni Aissa Domingo ay naglalarawan ng mga detalyadong imahen ng kalikasan, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng bawat aspekto ng ating kapaligiran.
Sa pamamagitan ng sining, napapalalim ang pagtuklas sa kapaligiran, at lalong binibigyang-halaga at nauunawaan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng ating mga likas-yaman. Ang bawat likha ay nagiging daan upang maipakita ang kagandahan at kahalagahan ng kalikasan.
Kontribusyon sa larangan ng sining at agham
Si Domingo ay isang art illustrator na kilala sa kanyang paglalarawan ng kalikasan at mga species sa Zoology Division ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kamakailan, siya ang isa sa mga artistang itinampok sa Cafe Scientifique na inorganisa ng University of the Philippines Los Baños Museum of Natural History (MNH), at isinagawa sa Elbi Circulo Cafe.
Mula pa noong siya ay isang estudyante ng Fine Arts sa University of Santo Tomas, naipapakita na ni Aissa ang kanyang husay sa pagguhit at paglalarawan ng mga hayop at halaman.
“Nung nag-walk in ako sa museum, ang unang perception ko sa kung ano ang laman ng museum, syempre since fine arts graduate ako, ang makikita lang ay art katulad ng mga paintings, sculptures ganon, pero nung nalaman ko na may natural sciences pala. Mayroong zoology, botany, geology, archeology, ethnology parang ang dami pala na kabilang sa museum. Araw-araw may bago kang natututunan tapos pagdating sa biodiversity natin sobrang yaman pala ng Pilipinas na ang dami pa ring pwedeng madiskubre,” pagbabahagi ni Domingo sa kanyang karanasan.
Sa paglipas ng panahon, nagbunga ng pagkilala ang kanyang talento sa sining. Naging bahagi si Domingo ng mga proyektong naglalayong ipakita ang kahalagahan ng saribuhay sa bansa. Isa sa kanyang pinakamahalagang kontribusyon ay ang paglalarawan ng mga species na karaniwang hindi napapansin ng karamihan, at pagbibigay-buhay sa mga ito gamit ang kanyang sining.
Ang kanyang mga obra ay hindi lamang mga likhang-sining, kundi mga instrumento upang maipakita ang kahalagahan ng natuklasang siyentipiko sa publiko. Isa sa kanyang pinakamalaking proyekto ay ang paglalarawan kay “Lolong,” ang pinakamalaking buwaya sa tubig alat na nabihag sa Pilipinas.
Biodiversity efforts sa bansa
Ayon sa Convention on Biodiversity, ang Pilipinas ay isa sa 18 bansa sa mundo na may malaking saribuhay (o samu’t-saring buhay), na naglalaman ng malaking bahagi ng saribuhay ng mundo at sa pagitan ng 70% at 80% ng mga species ng halaman at hayop sa mundo.
Ang Pilipinas ay panglima sa bilang ng mga species ng halaman at nagtataguyod ng 5% ng flora ng mundo. Ang pagiging endemiko ng mga species ay napakataas, sumasaklaw sa hindi bababa sa 25 genus ng halaman at 49% ng terestriyal na wildlife, samantalang ang bansa ay pang-apat sa endemismo ng ibon.
Ang natatanging saribuhay na ito ay sinusuportahan ng iba’t ibang uri ng ecosystems, tanawin, at tirahan, karamihan sa mga ito ay nasa banta dahil sa gawain ng tao.
“Yung mga nadi-discover ng mga scientists, researchers natin, ito din ay malaking tulong o gabay na para maipahayag ang isang area na protected,” ayon kay Domingo, na gumuguhit ng makatotohanang mga pagtuklas sa flora at fauna para sa mga journal publication.
Kahit sa gitna ng pandemya, hindi nawalan ng saysay ang mga pagsisikap ng artist illustrators at mga kasamahan sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagpapahalaga sa saribuhay.
“Dito sa ‘tin sa museum naglabas kami ng coloring sheets (noong pandemic) na nagpapakilala [sa] mga halaman at hayop natin dito sa Pilipinas. Naniniwala kasi kami na ang kaalaman sa mga likas yaman natin ay susi sa pagprotekta ng mga karagatan at kagubatan. Magandang avenue ito na matutunan ng publiko bata man o matanda,” aniya.
Sa pamamagitan ng mga educational materials, tulad na lamang ng coloring sheets, patuloy nilang ipinapaabot sa publiko ang kahalagahan ng pagprotekta sa kalikasan.
Pagsasanib-pwersa ng sining at agham
Sa isinagawang Cafe Scientifique sa Elbi Circulo Cafe, tinalakay ang iba’t-ibang mga isyung kinakaharap ng agham at kalikasan. Sa ganitong pagtitipon, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na makipag-ugnayan at makipagtalastasan sa mga eksperto at propesyunal sa larangan ng agham at sining.
Sa naturang pasinaya, naging tampok ang mga temang may kaugnayan sa Philippine flora at fauna, pati na rin ang mga hakbang at pagsisikap ng komunidad upang mapangalagaan ang kalikasan.
Nagbahagi ang mga artistang tulad ni Aissa ng kanilang mga karanasan at pananaw sa paggamit ng sining sa pagpapalaganap ng kaalaman at pangangalaga sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng Cafe Scientifique, ang komunidad ng UPLB at ang mga bisita ay nabibigyan ng pagkakataon na magbahagi ng kanilang mga ideya, opinyon, at mga natatanging karanasan sa larangan ng agham at kalikasan.
Suporta para sa pagsasanib-pwersa ng sining at saribuhay
Ipinapakita ng kwento at malawak na karanasan ni Aissa ang maningning na pagsasanib-pwersa ng sining at agham. Sa patuloy na suporta sa mga proyektong tulad ng kanyang mga gawa, mas magiging malawak at malalim ang ating pag-unawa at pagpapahalaga sa kalikasan at saribuhay.
Sa panawagang patuloy na suporta para sa mga proyektong nagpapakita ng ugnayan ng sining at agham para sa kaunlaran, hinahamon ang lahat na maging katuwang sa pagtataguyod ng pagpapahalaga sa saribuhay.
“Pag-aralan din natin ang physical na katangian ng flora and fauna sa Pilipinas para mas ma-appreciate lalo ng mga tao ang mga obra maestra. Ma-identify nila lalo pati yung differences ng isang [species] to another one,” paghikayat ni Domingo.