Malikhaing Pagpapahayag, Tampok sa Intervention Program ng UPLB-OCG

Ulat ni Xchaina Amo

Sining at mga therapy animals ang bida sa mga gawain ng Art-Based Intervention Program na nilahukan ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) sa Student Union Building, ika-14 at ika-21 ng Marso, 2024.

PAGLIKHA’T PAHINGA. Nakilahok ang mga estudyante ng UPLB sa unang araw ng Art-Based Intervention Program noong ika-14 ng Marso, 2024 sa Alfresco Area ng Student Union (SU) Building. Larawan mula sa UPLB-OCG Facebook page.

Ang Art-Based Intervention Program ay inilunsad ng Office of Counseling and Guidance (OCG) noong taong 2023 upang hikayatin ang mga estudyante ng UPLB na ipahayag ang kanilang mga saloobin at damdamin sa makulay at ligtas na paraan.

Sa unang session noong ika-14 ng Marso, inatasan ang mga kalahok na lumikha ng mga obra na nagpapakita ng kanilang kasalukuyang kalagayan gamit ang art materials na ibinigay ng OCG. Pagkatapos nito, nagkaroon sila ng sharing session kung saan ibinahagi nila ang kanilang ginawang larawan sa grupo at ipinaliwanag nila ang kahulugan nito. 

PURR-FECT. Nakisali ang therapy dog na si Marley sa paglikha ng mga obra para sa Art-Based Intervention Program noong ika-21 ng Marso, 2024. Kuha ni Xchaina Amo.

Sa ikalawang session noong ika-21 ng Marso, nakisali naman ang therapy dog na si Marley at ang pawtner-in-training na si Skippy ng UPLB BARKada at CATropa Program sa mga kaganapan para anyayahan din ang animal lovers na makilahok sa Art-Based Intervention Program.

Gamit ang kanilang mga kamay at ang paw ni Marley, lumikha naman ang mga kalahok ng mga larawan na naglalaman ng mga bagay o tao na nagpapasaya sa kanila. Muli nilang ipinaliwanag ang kanilang mga gawa sa kanilang sharing session kung saan nabigyang-diin ang pagpapahinga at ang healing.

ARTISTAHIN. Nakilahok ang pawtner-in-training na si Skippy sa pangalawang araw ng Art-Based Intervention Program noong ika-21 ng Marso, 2024. Kuha ni Xchaina Amo.

“There are different ways of healing and we hope na, along the way, ma-figure out natin ang own way natin to heal,” sabi ni Kaila Navarro, Junior Psychometrician ng OCG.

Layon ng sharing session na magkaroon ng safe space para maikwento ng mga kalahok ang kanilang proseso sa paglikha at para maipakita ang epekto nito sa kanilang mental health. Nabigyang diin dito ang importansya ng pagkakaroon ng outlet o paraan para ilabas ang kanilang mga stress sa buhay.

Plano muli ng OCG na magdaos ng Art-Based Intervention sessions sa mga susunod na buwan. Abangan ang mga susunod na anunsyo patungkol dito at iba pa nilang programa sa kanilang Facebook page.