Ulat ni Christine Rosel at Rafael Dilla
Tagaktak ang pawis habang iniinda ang pagkahilo, pilit tinitiis ni Tatay Carlo na magtrabaho sa ilalim ng nakapapasong araw. Pakiusap ng kabiyak na si Nanay Roma, uminom ito ng tubig lalo na’t maghapon na siyang nakababad sa araw. Bagamat may pag-aalinlangan dulot ng limitadong suplay ng maiinom na tubig, susunod siya sa pakiusap ng maybahay, at utos ng katawan. Papasok ng bahay, at magpapahinga nang matiwasay.
Paalala ni Nanay, ingatan ang sarili sa panahon ng tag-init – kalusugan ay kayamanan sa gitna ng mga banta ng El Niño.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang El Niño ay isang pandaigdigang kaganapan kung saan below-normal ang dami ng ulan. Kaakibat ng El Niño ang ilang natural na sakuna tulad ng tagtuyot, matinding pag-init, at pagbaha. Dahil dito, negatibong naaapektuhan ang ilang sektor ng bansa na sensitibo sa klima tulad ng: agrikultura; pampublikong kalusugan; pampublikong kaligtasan, at; katubigan.
Sa Barangay Mayondon, Los Baños, makikita ang epekto ng El Niño sa pag-init ng tubig sa loob ng mga fish pens, at panunuyo ng mga halaman at mga pananim bunga ng mainit na panahon. Bukod dito, apektado rin ang kalusugan ng mga mamamayan sa paglaganap ng mga nakakahawang sakit, stress sanhi ng init, malnutrisyon, at mga sakit sa paghinga. Para sa mga kritikal na kondisyon, naitala ng World Health Organization (WHO) na mataas ang panganib ng mga nasa edad na 30 hanggang 79 sa hypertension. Ang heatstroke din ay maaaring makapanganib sa mga sanggol hanggang sa edad na apat na taong gulang, pati na rin sa mga 65-taong gulang at pataas.
Gaya ng nabanggit, nauuso ang mga nakakahawang sakit katulad ng trangkaso o Influenza virus. Naitala ng National Institutes of Health (NIH) na may posibilidad na lumala lalo sa panahon ng El Niño ang paglaganap ng trangkaso. Ipinagbibigay alam na malaki ang epekto ng pagbabago ng klima sa kalaganapan nito.
Ayon sa (WHO), nagkakaroon din ng pagkakataong magkaroon ng ulan sa panahon ng El Niño na nakakapagdulot ng pagbaha sa ilang mga komunidad. Ang mga bahang ito ay nakarurumi sa mga water sources, na nalilimitahan ang pag-access sa ligtas at malinis na tubig. Dito maaaring umiral ang mga sakit na dala ng tubig at vector-borne diseases katulad ng Dengue, Cholera, at Malaria.
Naitala naman ng NIH na ang El Niño ay maaari ring magdulot ng hindi komportableng karamdaman sa isang tao – makagambala sa pagtulog at sa mga pang-araw-araw na gawi, na maaaring mag-pataas ng stress, pagkabalisa, at makaapekto sa pag-iisip. Inihayag nila na ang pisikal na kalusugan ng tao ay may epekto sa kalusugan ng isip.
Madalas din ang food insecurity at malnutrisyon dahil sa paglaganap ng tagtuyot na ipinagbigay alam ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO). Malubhang nakakaapekto rin ang El Niño sa mga pananim na pangunahing pinagmumulan ng pagkain. Bunga nito ang kakulangan sa mga naaaning pananim o nahuhuling mga isda.
Samantala, ipinagbigay alam din ng Yashoda Hospitals na mas tumataas ang bilang ng mga kaso ng mga may sakit sa paghinga ngayong tag-init dulot ng biglaang pagbabago ng klima, labis na mahalumigmig, o dulot ng labis na tagtuyot ng kapaligiran. Sanhi na rin ang mga ito ng iilang sakit sa paghinga tulad ng hika, bronchitis, emphysema, at Chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
Para sa mga mamamayan ng Mayondon, iba iba rin ang epekto ng naturang penomenon sa kanilang pang araw araw na buhay.
“[…] sa sobrang init, halos parang gusto mong basa […], para labanan ‘yun,” saad ni G. Jhayvi, trabahador ng isang water refilling station sa barangay. Para naman kay Gng. Marie, may-ari ng isang sari-sari store sa Mayondon, madalas magka-rashes ang mga bata dahil sa sobrang init kapag naglalaro sila sa labas.
Ayon kay Mildred Maligaya, isang propesor ng BS Nursing sa Batangas State University – ARASOF Nasugbu, hypertension o high blood pressure ang karaniwang epekto ng tag-init dala ng El Niño sa katawan. “Siyempre kapag nasa initan tayo, naeexpose tayo sa arawan, [nagkakaroon] ng hypertension ang katawan natin [kasi] masyadong naeexpose sa initan—sa kainitan ng araw—at hindi nakaka-adapt yung katawan natin.”
Dagdag pa rito ang mga kaso ng diarrhea dahil sa tag-init. “[K]ung minsan, yung iba, syempre ang tendency nila sa paghahanap nila ng maiinom na tubig, yung iba kahit hindi na safe ang tubig na naiinom nila, napipilitang uminom kasi nga tagtuyot,” pagpapatuloy ni Propesor Maligaya.
Mga tradisyunal na paraan upang maibsan ang mga karamdaman
Disclaimer: Ang article ay hindi dapat gawing kapalit sa payo, pagsuri o paggamot mula sa isang medikal na propesyonal. Mariing inirerekomenda na kumunsulta sa isang doktor bago gumamit ng anumang panggamot para sa medikal na kondisyon.
Para sa ilang miyembro ng komunidad ng Mayondon, ang ibang kaakibat na sakit ng El Niño ay maaaring maagapan kahit sa loob ng tahanan.
Ayon kay Rommel Maningas, kapitan ng Barangay Mayondon, marami pa ring mamamayan ng Mayondon ang dumidiretso muna sa mga tradisyunal na manggagamot bago pumunta sa ospital. Ilan sa mga kilalang tradisyunal na manggagamot dito ay ang mga mangluluop, albularyo, manghihilas, at manghihilot.
Ang tradisyunal na panggagamot ay nakaugat sa kultura, paniniwala, at mga nakagawian ng mga katutubo. Ayon sa isang pagsasaliksik tungkol sa mga katutubong gamot sa Pilipinas, ginagamit ang mga natural na katangian ng halamang gamot bilang tugong medikal sa mga karamdaman ng mga Pilipino.
Wala rin naman nakikitang problema rito ang mga medical at nutrition professionals. “Okay lang kasi usually ang ginagamit ng [mga sumusunod sa tradisyonal na paraan] ay mga herbal medicines […]. Kasi ang nangyayari diyan, sa halip na magpapaturok agad o magpapagamot muna sila, ang sinasabi ng tao ay pwede ba magpa-albularyo muna [sila]. Hindi namin siya tinotolerate pero hinahayaan namin sila,” saad ni Propesor Maligaya.
Kahit na may mga sariling tradisyonal na pamamaraan ang komunidad, inirerekomenda pa rin ang pagbisita sa mga institusyong pangkalusugan para sa tamang pagsusuri upang maiwasan ang mga seryosong kondisyon. “Magpa-check up kapag may iba ka nang nararamdaman sa katawan mo,” payo ni Propesor Maligaya.
Serbisyong pangkalusugan
Kahit na ang mga tao ay pumupunta sa mga tradisyunal na manggagamot, ang mga modernong ospital at health centers ay laganap pa rin, lalo na para sa mga kritikal na kondisyon sa kalusugan tulad ng heat stroke, dehydration at hypertension. Mahalagang dumiretso sa mga ospital o pinakamalapit na health center sapagkat mayroon silang mga pasilidad at medical staff na mabilisang maaaksyunan ang mga pasyente na kritikal ang kondisyon.
Ayon sa ibang mga residente ng Mayondon, kahit na may opsyon silang magpa-gamot sa tradisyunal na paraan, mas pinipili nilang pumunta sa health center. “Dumederetso agad kami sa health center namin kasi may libreng gamot at libre [ang] check-up,” saad ni Nanay Rosa.
Kasalukuyang aksyon para sa kalusugan ng Mayondon sa tag-init
“More on health lang kami, nagpapaalala kami palagi lang sa mga tao sa iba’t ibang pamamaraan, through posting sa social media tapos kada meron [kaming] event, may isisingit na mag-ingat tayo, na lagi tayong uminom ng tubig—mga simpleng paalala lang naman ang palaging nagagawa natin dito,” saad ni Kapitan Maningas, patungkol sa mga inisiyatibo ng kaniyang opisina para sa mga residente ng Mayondon.
Noong Nobyembre 2023, nagsagawa ang health center ng Mayondon ng libreng bakuna laban sa flu at pneumonia para sa kanilang mga senior citizens. Kamakailan lang din nang magsagawa sila ng libreng booster shot para sa mga bata kontra sa pneumonia na ginanap noong ika-23 ng Pebrero. Ang kaganapang ito ay naaayon sa inisyatibo ng Chikiting Ligtas ng DOH.
“Bukod sa nagpapaalala tayo sa kanila, siyempre nakasuporta rin tayo lagi sa health center para naiproprovide natin yung mga pangangailang gamot—yung [kinakailangan] para dito sa isyu ng El Niño. [K]ung ano yung mga mostly na binibigay na gamot patungkol sa maiwasan ang heat stroke… Kada-ikatlong buwan kasi, bumibili tayo ng gamot at dinadala natin sa health center [at] kung ano yung program ng pamahalaan bayan, sinusuportahan na lang natin,” dagdag ni Kapitan.
“Prevention is better than cure”
Kahit na may mga tradisyunal na pamamaraan at mga pasilidad na malalapitan, mabuti pa ring maagapan ang mga sakit. Payo ni Propesor Maligaya upang maiwasan ang mga nabanggit na sakit sa panahon ng El Niño, “Dapat talaga nag-iipon talaga sila ng tubig or nag-iimabak sila ng tubig para sa kanilang safety dahil nga kapag hindi sila nag-ipon ng tubig wala agad silang maiinom.” Payo naman ng WHO, dapat madalas uminom ng tubig, magsuot ng mga maginhawang damit, bantayan ang iyong mga kakilala, at lumapit sa doktor kung nakakaramdam ng mga sintomas ng sakit.
Sa mga pagkakataon na umulan sa panahon ng El Niño, inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na gumamit ng insect repellent, katulad ng mga OFF lotion, at gumawa ng mga hakbang upang makontrol ang mga lamok sa loob, katulad ng kulambo, at labas ng iyong tahanan. Ang paalalang ito ay kaugnay ng datos na humigit-kumulang 400 milyong tao na nahawaan ng dengue virus mula sa kagat ng lamok.
Upang maiwasan ang malubhang sakit, ipinapaalala ng NIH na ang pagpapabakuna ay ang pinakamabisang paraan ng proteksyon laban sa influenza virus at iba pang sakit. Bukod dito, inirerekomenda rin ng WHO sa mga institusyong pangkalusugan ang pangangasiwa sa paglikha ng mga plano sa pagtugon sa emergency para sa iba’t ibang mga panganib at sakit dulot ng El Niño.
Kung hindi maayos ang nararamdaman, inirerekomenda na makipag-ugnayan kaagad sa mga sumusunod na lokal na pampublikong serbisyong pangkalusugan:
- Mayondon Health Center
(049) 557-7061
- HealthServ Los Baños Medical Center
(049) 536-4858
0917-162-9186 | 0917-809-0279
(02) 584-4695
- Los Baños Municipal Health Office
+49 5363-857