Ulat nina Precious Grace America at Carlos Betonio
Paghahalaman ang pinagmumulan ng pangkabuhayan ni Ginang Ann, isang Hoya enthusiast at importer mula sa Los Baños. Maraming pagsubok na siyang hinarap, pero marami na rin siyang napagtagumpayan. Sa gitna ng mga banta ng El Niño, hindi niya hahayaang magapi siya, at ang kanyang hardin, nito.
Ito ang kanyang kwento.
Ann Valenzuela: Hoya Enthusiast at Importer mula sa Los Baños
Nagsimula lamang sa pagkahilig sa halaman, aminadong certified plantita ang ngayo’y CEO ng Microgrow Garden ng Mayondon, Los Baños na si Ann Valenzuela — alumna ng College of Agriculture and Food Science (CAFS) sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.
Ayon kay Ann, ang kanyang plant business ay bunga ng suporta ng kaibigang nakapansin ng kanyang hilig sa paghahalaman. Nagsimula siya sa pag ku-culture ng macapuno hanggang sa alukin na siya ng pwesto upang palawigin ito. Subalit, hindi rin nagtagal ang produkto ng macapuno kaya’t napag-isipan niyang palitan ito.
Dito niya nakilala ang Hoya. Sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman ng maaaring alternatibo sa macapuno, nahumaling siya sa Hoya dahil sa ganda ng foliage o ng mga dahon nito.
Bukod sa foliage, inilarawan din ni Ann na maganda ang ribs o mga tangkay, at ang bulaklak ng Hoya. Ang mga katangiang ito at ang pagiging sikat sa ibang bansa na maaaring magpalawak ng kanyang merkado ay ilan sa mga dahilan kung bakit niya napiling alternatibo ang Hoya sa kanyang naunang produkto. Ayon kay Ann, nagulat nalang siya dahil lubos na pumatok ito.
Makikita sa Microgrow Garden ang iba’t iba pang klase ng ornamental plants tulad ng: Cacti, Succulents, Aroids, Ferns, Episcia, Bonsai, Adenium, Flowering Vines, Sansevieria, Airplants, Orchids, Dischidia, Peperomia, Euphorbia, at Estefania. Mayroon silang physical shop na kasalukuyang matatagpuan sa Dangka C. Lajarca St., Brgy Mayondon, Los Baños, Laguna. At mayroon din silang online store sa Facebook na may pangalang Microgrow Garden.
Sa kasalukuyan, si Ann ay miyembro ng iba’t-ibang mga organisasyon ng paghahalaman gaya ng Horticulture UPLB, Los Baños Horticulture Society, at Samahang Ekolohiya ng UPLB.
Hoya, ano nga ba ito?
Ayon kay Ann, maraming native species ng Hoya ang naging endemic na sa Pilipinas dulot na rin ng kakulangan ng pagpapatupad ng mga polisiya ng gobyerno na may kinalaman dito.
Sa journal article nina Santiago at Buot noong 2017, kahit na marami pang conservation policies ang nasa sirkulasyon na, marami pa ring banta sa biological diversity ng Palawan dahil na rin sa illegal mining, illegal logging, at mga iligal na bentahan ng flora at fauna.
Tinuturing ang Palawan bilang ‘last ecological frontier’ kaya’t hinihikayat ang mga lokal na makibahagi sa mga conservation efforts at mas striktong pagpapatupad ng mga polisiya. Dahil ang mga iligal na aktibidad ang siyang makapagdudulot ng pagkawala ng ating flora at fauna na kinabibilangan ng ating mga Hoya. Sa kanilang pag-aaral, lumabas din na ganito rin ang kaso sa iba pang parte ng Pilipinas.
Taong 2016, dulot ng sitwasyong ito, maigting na ninais ni Ann na maibalik muli sa Pilipinas ang mga endemic na Hoya.
“Noong magkaroon ako ng import permit, iyong mga native na nawala sa atin… sabi ko, bakit hindi ito nagcicirculate sa market natin? Parang ang nangyari kasi parang ako iyong isa sa nagsimula ng importation ng Hoya. Kasi wala halos nag-iimport, ayun nag-apply ako … Binalik namin ang mga wala gaya ng SP Davao at SP Zambales hanggang sa dumami na rin ang nag import noon dito.”
Dahil sa pagpupursigi ni Ann, matagumpay niyang naibalik ang ilang variety ng Hoya dito sa Pilipinas. Mula sa Thailand ay naiuwi niya ang mga Hoya mula sa Zambales, Davao, at Bulusan.
Hoya bilang bread and butter
Kwento ni Ann, Hoya na ang naging bread and butter ng kanilang pamilya. Katuwang ang kanyang anak na si Myrtel sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, ibinida ni Ann na nakapag-pundar na sila ng kapirasong farm, nakabili ng sasakyan, at nakakapunta rin sa ibang bansa, dahil sa kanilang Microgrow Garden.
Dahil din sa negosyo niyang ito, nakakatanggap siya ng iba’t ibang pagkilala mula sa UPLB at IPB. “Kasi ang UPLB ay nakikipag collab sa akin. Ginagamit nila iyong facilities ko for breeding purposes, [pati na rin] iyong iba rin na nagbi-breed,” pagpapaliwanag niya.
Ngunit hindi lamang si Ann ang nakikinabang sa mga Hoya.
Ang Microgrow Garden na ang nagsilbing primaryang kabuhayan ng kanilang anim na tauhan. Isa na rito si Rachelle Ribayno na halos tatlong taon nang nagtatrabaho sa Microgrow Garden.
Kwento ni Rachelle, wala naman talaga siyang hilig sa paghahalaman noon, ngunit habang tumatagal ay natutunan niya rin itong makahiligan at mahalin.
Dagdag pa niya, hindi naman mahirap mahalin ang mga halaman dahil sa ganda ng mga ito. Ito na rin ang nagsisilbing stress reliever para sa kanya, lalong-lalo na kapag nakikita niyang namumukadkad ang mga ito. “Siyempre makikita mo iyon ikaw iyong nag-propagate… kapag bumulaklak na… minsan medyo malungkot ka, iyon iyong na[kaka]pawi ng lungkot mo kapag nakikita mo iyong ganda ng mga bulaklak,” paglalarawan niya.
Pagpapaliwanag ni Rachelle, dati ay sa kanyang partner niya lamang umaasa ang kanilang pamilya para sa pang-araw araw na pang-gastos, ngunit ngayon ay dalawa na silang nagtatrabaho para sa ikabubuhay ng kanilang anak. “Malaking bagay kasi po dati sa […] sa bahay lang [po ako]. Kaya noong tinanggap ako ng boss ko, malaking bagay kasi nakakatulong ako sa partner ko para… iyong expenses matutulungan ko siya.”
Ano ang mga epekto ng El Niño sa Hoya?
Dahil sa pag-init ng temperatura at katagalan ng tagtuyot, samu’t sari ang dalang epekto ng El Niño sa agrikultura.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang kalimitang hatid ng El Niño partikular na sa pagtatanim ay ang panunuyot ng lupang taniman at pagkakaroon ng mga peste. Lahat ng ito ay nagdudulot ng pagkasira ng kahit anong pananim, pagkain man or halaman.
Ngunit ayon kay Ann, ang personal na epekto ng El Niño sa kanyang negosyo ay ang “repotting” kung saan kinakailangang ilipat ang mga Hoya mula sa maliit hanggang malaking paso upang mapanatili itong nakakahinga – na nagiging sanhi ng kanilang karagdagang gastusin. Ayon sa kanya, dahil sa malalang init ng panahon, ang mga Hoya ay hindi nakakahinga sa maliliit na paso na nagiging sanhi ng posibleng pagkasira nito.
Bukod sa prosesong ito, pinapanatili rin ni Ann na maayos ang pangangalaga sa mga Hoya sa paraan ng pagbibigay ng karagdagang nutrients at fertilizers.
Tunay na mapaminsala ang El Niño na dulot ng Climate Change. Marami itong pwedeng maapektuhan – ang pangkabuhayan, ang kalusugan at iba’t iba pang aspeto ng ating pamumuhay.
Sa kwento ni Ann, ang Hoya at ang paghahalaman na ang pinagkukunan niya, at ng kanyang mga tauhan ng kanilang hanapbuhay. Madaming kwento na ang nabuksan, madaming buhay na ang natulungan.
Bagaman mapanghamon ang Climate Change, handa nilang gawin ang lahat para masigurong hindi kayang pinsalain ng bagsik ng El Niño ang mga punlang itinanim na nagbunga ng kanilang masaganang hardin.