Ulat nina Sophia Bonifacio and Sharmaine De La Cruz
Naglakbay sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang ilang estudyante mula sa elementarya at sekondaryang paaralan ng Los Baños para sa Museum on Wheels na pinangunahan ng UPLB Museum of Natural History noong Marso 6-8, 2024.
Mula sa pagpapakita kung paano pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng biswal na pagkukwento, hanggang sa pagtalakay sa mga konseptong botanikal sa pamamagitan ng workshop, ipinapakita ng UPLB MNH na marami ang dapat asahan ng mga mag-aaral at mga guro mula sa sektor ng edutourism — ang pagsasanib-pwersa ng edukasyon at turismo.
Ang aktibidad na pinondohan ng Commission on Higher Education (CHED), kasama ang donasyon ng Department of Science and Technology-Science Education Institution (DOST-SEI), ay isang manipestasyon ng pagtupad sa kanilang misyon at layunin na itulak ang edukasyon gamit ang turismo.
Ang mobile learning facility ay opisyal na binigay ng DOST-SEI sa MNH noong Setyembre 2023.
Sining sa Siyensya
Pinuri ng mga magulang, mag-aaral, at guro ang mga paglalakbay sa edukasyon na inihandog ng UPLB MNH para sa mga bisita ng unang paggulong ng Museum on Wheels sa UPLB.
Nagsagawa rin ng art workshop kung saan iginuhit ng mga participants ang kanilang bersyon ng Rafflesia leonardi, isang endemic na halaman na natuklasan sa lalawigan ng Cagayan at ipinangalan sa pinakatanyag na Pilipinong botaniko na si Leonard Co.
Noong ika-walo ng Marso, sila rin ay nag disenyo at gumawa ng mga guide cards at field note worksheets upang matulungan ang mga mag-aaral mula sa Bayog Senior High School na kumuha ng Technical-Vocational-Livelihood Track (TVL) na ilarawan ng mga halaman sa gilid ng daan batay sa mga katangian nito, tulad ng inflorescence type, istruktura, hugis, at kulay.
Ayon kay Cleo Moldez, 17 taong gulang na estudyante na kumukuha ng Agri Fishery Arts sa Los Baños mula sa Bayog Senior High School-Laguna, “kakaibang experience ‘to sa pag-gain ko ng information about plants and environment.”
Nagsagawa rin ang UPLB MNH ng mga laro at talakayan, kasama ang educational tour, upang matiyak na ang aktibidad ay hindi lamang naka-eenganyo sa mga kabataang nais maging dalub-agham, ngunit upang naayon din sa kanilang konteksto at naaangkop sa kanilang edad.
Bagama’t naiulat na nakaranas sila ng hindi inaasahang problema sa pagpapatakbo noong soft launching, hindi ito naging hadlang upang bigyan ng kalidad na karanasan ang mga kalahok na nagmula pa sa iba’t ibang lugar ng Laguna.
Sa isang panayam, sinabi ni Julianne Afable, MNH university extension associate at co-project leader ng Museum-on-Wheels, “Yung interes ng mga bata patungo sa agriculture ay mae-enhance nang husto dahil hindi lang puro theory o limited resources ang meron sa eskwelahan… ito nae-expose sila sa iba pang klase ng [approach].”
Lakbay sa Pagkamit ng Pangarap
Ang ‘Museum on Wheels’ ay naghahatid ng impormasyon na mas madaling ma-akses sa mga mag-aaral, na nag-aapoy sa pagkahilig para sa konserbasyon ng kalikasan.
Sa kabila ng mga hamon, ang mga educational tour at workshop ay napatunayang kinagiliwan ng mga mag-aaral mula sa Los Baños at higit pa.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa mga aktibidad at naka-eengganyong karanasan, pinapalakas ng ‘Museum on Wheels’ ang mas malalim na pag-unawa sa pangangalaga sa kapaligiran at pag-usisa tungkol sa mundo sa paligid natin.
Sa patuloy na paglalakbay ng Museum on Wheels, ang inisyatibang ito ay inaasahang magtatanim ng mga binhi ng kaalaman at kamalayan sa kapaligiran, patungo sa isang mas maliwanag na hinaharap para sa mga susunod na henerasyon.