ulat ni Jean Wae Landicho
Humigit kumulang 70 indibidwal ang nakipagtagisan ng lakas at nagpamalas ng kanilang galing sa sining sa Sportsfest at Oil Painting Competition para sa mga Persons with Disabilities (PWD) sa Laguna Sports Complex, Sta. Cruz, noong Marso 16, 2024. Bahagi ito ng taunang selebrasyon ng Anilag Festival.
Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng maraming patimpalak na binidahan ng mga PWDs. Itinampok sa sportsfest ang chess, dama, dart, basketball wheelchair exhibit, wheelchair race, at oil painting.
“Layunin nitong maipakita natin yung mga kakayanan ng ating Persons with Disabilities at makita din ng mga tao na hindi sila mga nakakahon lang kundi sila ay mga kasamahan natin,” ayon kay Marita Barcia, isang rehistradong social worker mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Kasama sa naturang mga aktibidad ang pagbibigay-diin at pagkakataon sa mga PWD ng Laguna na ipamalas ang kanilang natatanging kaalaman, kakayahan, at husay. Layunin umano ng kompetisyon na ito na ipakita sa mga PWD na mahalagang bahagi ang kanilang sektor sa pag-unlad ng lipunan.
Ayon kay Marryson Saguinsin, isa sa mga kalahok sa oil painting competition, ang ganitong uri ng mga paligsahan ay nagbibigay-daan upang mapalakas ang tiwala sa sarili at maipamalas ang kanilang natatanging galing sa larangan ng palakasan at sining.
“Yung challenge na iangat mo ang bayan mo, sarap sa pakiramdam na kilalanin ka ng iyong probinsya,” ayon kay Saguinsin, na nagkamit ng pangalawang puwesto sa Oil Painting noong nakaraang taon.
Ang mga nanalo sa bawat patimpalak mula sa unang puwesto hanggang sa ikatlong puwesto ay nakatanggap ng isang tropeo, premyong salapi, at sertipiko. Bukod dito, ang lahat ng nakapasok sa mga pinal na laban ay tatanggap ng consolation prize.
“Kung ano man ang iyong gusto, makakamit mo rin. Hindi hadlang ang kapansanan para makamit ang iyong naisin.” mensahe ni Jonathan Caraig, ang Pangulo ng Laguna Province Federation of Persons with Disabilities, Inc (LPFPWDI).