Ulat ni Joana Lalia Ocampo
Sa ibang tahanan, pangkaraniwan na semantadong dingding ang haligi nito. Ngunit sa bahay nina Jason Delos Reyes, napapalamutian ang mga pader ng iba’t ibang pintadong larawan: isang batang masayang nagtatampisaw sa batsa, mga bibeng nakalinyang tumawid sa ilog, mga eksenang pangkaraniwan sa buhay-Pilipino. Iba-ibang larawan, iba-ibang estilo, lahat may kuwento.
Pero maniniwala ka ba kung malaman mo na ang bawat linya, hugis, at kulay na naglalathala ng mga pintadong kuwento ay hindi likha ng mga kamay?
Ang Pintor sa Likod ng mga Obra
Ipinanganak si Jason Delos Reyes, o “Kuya Jason,” na mayroong paraplegia, isang kondisyong nagdudulot sa pagkaparalisa ng ilang bahagi ng katawan ng isang indibidwal dahil sa pinsala sa kanyang spinal cord. Sa kaso ni Kuya Jason, nangangahulugan ito ng dalawang bagay: limitadong galaw ng kanyang mga braso at ang pangangailangan sa wheelchair.
Bagama’t kakaiba, hindi hadlang ang pisikal na limitasyon upang mapatunayan ni Kuya Jason ang kanyang abilidad lalo na pagdating sa sining.
Sa kasalukuyan, mahigit-kumulang 300 obra na ang naipinta ni Kuya Jason gamit ang kanyang mga paa. Ang ilan sa mga ito ay tinanghal hindi lamang sa Pilipinas, kung ‘di maging na rin sa ibang bansa tulad ng Indonesia, Macau, at Singapore.
Nagkamit na rin ng iba’t ibang gantimpala at pagkilala si Kuya Jason. Nagwagi siya sa National Abilympics noong 1999, isang kompetisyon para sa mga artistang PWD (person with disability). Dahil dito ay pinili siyang kinatawan ng Pilipinas para sa International Abilympics sa Prague, Czech Republic noong 2000.
Bukod dito, isa si Kuya Jason sa mga piling miyembro ng Associations of the Mouth and Foot Painting Artist (AMPFA) sa Pilipinas.
Ang AMPFA ay isang international organization na nakabase sa Switzerland. Nilalayon nitong magbigay ng suportang pinansiyal sa mga mouth and foot painters mula sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng pagtangkilik at pagbebenta ng kanilang mga obra. Sa kasalukuyan, may limang miyembro ang AMFPA sa Pilipinas.
Paglalakbay tungo sa Sining
Pitong taong gulang si Kuya Jason nang nagsimula siyang mahumaling sa sining. Kagaya ng ibang bata, sa mga simpleng mga bagay nag-ugat ang hilig niya sa pagpipinta.
“Basta naaalala ko, lagi akong nagdo-drawing ng tao na ‘yung ulo lang. ‘Pag nakakuha ako ng ballpen, ‘yon lagi dino-drawing ko— tao. Tapos may kamay, tapos— ayun. ‘Di ko alam ba’t siya ‘yung lagi kong dino-drawing,” pagbabahagi ni Kuya Jason.
Marami ang nakapansin sa sumisibol na talento ni Kuya Jason sa sining. Pero dahil sa namamayagpag na stereotype na napapanood niya sa telebisyon, hindi niya naiwasang magkaroon ng pag-aalinlangan.
“Kasi noon, kapag nakakapanood kami sa TV, laging ipinapakita ‘yung mga may disability na nagpe-paint. Sinasabi nila, balang araw magiging ganyan ka. So parang naisip ko, ‘yon lang ba ang kaya ng mga may disability? Wala bang may disability na abogado, may disability na doktor, may disability na pulis? ‘Yon ‘yung kinamulatan ko noon. Kasi hindi naman ako exposed na lumalabas lagi. TV ang naging tutor ko, mentor… lahat. Do’n ako natuto magbasa, magsulat… bukod do’n sa tutor ko. Do’n ko nakukuha lahat ng information. Kaya feeling ko ayaw kong mapunta sa art,” pahayag ni Kuya Jason
Pero sadyang nakakabit ang kapalaran ni Kuya Jason sa sining. Napagtanto niyang gusto niya ang kalayaang nararamdaman kapag gumuguhit siya ng mga larawan. At bilang isang PWD na lumaking nakakulong sa mapanghusgang tingin ng lipunan, napakahalaga sa kanya ng kalayaang ito.
“Ang buhay ko no’n, meron akong lamesita na kapiraso. ‘Pag umaga, ilalabas ako, iuupo ako do’n. Kung kailan lang ako gustong ipasok, saka lang ako makakapasok. Kahit gusto ko nang pumasok, kapag may ginagawa ang nanay ko o ang tatay ko, hindi ako makakapasok. ‘Pag nando’n ‘yung mga bata, naglalaro sa labas, dadalhin yung lamesa na ‘yon, iuupo ako do’n. Ngayon, ‘yung mga bata minsan, syempre nagkakayayaan na sa ibang lugar, naiiwan ako mag-isa.
“Hanggang sa, syempre, nagkakaedad ka na. Nakikita mo ‘yung mga kalaro mo, ‘yung iba nag-aasawa na, ‘yung iba nagtatrabaho na. Ako gano’n pa rin. So nagkaro’n ako ng parang depression. Lagi akong malungkot ‘pag gabi. Tapos ‘pag umaga gano’n na naman. Sasabihin ko, umaga na naman. Galit ako sa mundo, galit ako sa lahat ng tao,” kuwento ni Kuya Jason.
Sining ang naging daan upang kahit papaano ay maibsan ang mga pinagdaraanan ni Kuya Jason.
“Hanggang sa ma-realize ko na do’n talaga ako para sa art. Saka ever since naman, kapag nagpe-paint ako, nagdo-drawing… kapag nakahawak ako ng ballpen o pencil, hindi ko ma-explain ‘yung nararamdaman ko— iba. Parang wala ako do’n sa lugar na ‘yon…”
Sa sining unang nakatagpo si Kuya Jason ng kalayaan. Ito ang naghain sa kanya ng oportunidad upang patunayan ang kanyang abilidad sa ibang tao at sa kanyang sarili.
“Yung art, ‘yon ‘yung bumago sa ‘kin. Kasi no’ng nakapasok na ako do’n— first time na may nagtiwala sa ‘kin na kumita ako ng 400 pesos— tuwang-tuwa ako. Kasi for the first time kumita ako nang [sarili] ko. Hindi ibinigay sa ‘kin. Hindi ko hiningi.”
Pagharap sa Hamon
Noong taong 1993, napagpasyahan ng 17 taong gulang na si Kuya Jason na pormal na tahakin ang landas ng sining. Sa suporta ng kanyang mga magulang, nag-enroll siya sa isang art workshop sa Sta. Cruz, Laguna, kung saan siya nakatira.
Ngunit hindi naging madali ang pagpasok niya sa mundo ng sining. Maski rito ay sinundan siya ng panghuhusga sa kanyang abilidad.
“Siguro ang naging challenge talaga sa ‘kin ay— ‘yong kinukuwestyon ka eh, kasi given na ‘yun na laging kinukuwestyon ‘yong kaya kong gawin dahil do’n sa disability ko. Hindi muna ako tinatanong kung kaya ko ba ‘to, ina-assume na kaagad nila na hindi ko kaya.”
Isa sa mga karanasang ibinahagi ni Kuya Jason ay ang pagkatuto niya sa pagpipinta ng portrait. Narinig daw niya ang isa sa mga kasamahan niya sa workshop na kinukuwestyon ang kanyang abilidad. Dahil dito, sinikap niyang pag-aralan ang mga technique na may kinalaman dito.
“So do’n lang ako nahihirapan din minsan, ‘yung parang ang haba-haba na, hindi ko pa rin mapatunayan. ‘Yon ang mahirap sa kalooban ko— mapapatunayan ko ba o hindi? Susuko ba ako? Sasabihin ko na tama sila? So ‘yon ang naging struggle ko. Pero dahil matigas ‘yung ulo ko, gustong-gusto ko na ‘pinapakita sa ibang tao na mali sila. Tuloy lang ako. Ginagawa ko lang siya hanggang sa mapatunayan ko siya.”
Nagbunga ang paghihirap ni Kuya Jason nang matapos niya ang obra niyang Mother and Child— isang inspirasyong umusbong nang makita niya ang larawan ng isang mag-ina sa isang magasin ng National Geographic.
“Ang totoo nga, no’ng ginawa ko ‘yung portrait na Mother and Child, mas hinangaan nila kasi hindi lahat ng estudyante nakakagawa ng gano’n. Nakuha ko ‘yung kulay talaga, ‘yung expression. So do’n nila ako hinangaan. Kumabaga, matagal man ‘yung journey do’n sa buong mukha, sulit naman ‘yung napatunayan ko. “
Pangarap sa Hinaharap
Bukod sa trabaho niya sa AMPFA at mga gampanin bilang isang ama ng tahanan, abala si Kuya Jason sa pagbabahagi ng kanyang kakayahan sa mga indibiduwal na nais matutong magpinta. Prayoridad niyang makatulong sa mga taong may disability.
“Ang totoo, ‘yan ang isa sa pangarap ko na mangyari. ‘Yung makapag-share ako ng talent ko sa pagpe-paint lalo na do’n sa mga may disability. ‘Yun ang goal ko ngayon, ang gusto kong mangyari na hindi ko alam kung paano ko pa gagawin. Gusto ko sana na magkaroon ng pagkakataon na makapagturo. Kahit walang bayad— free. Ako kasi, masuwerte ako sa ganyan eh. ‘Yung lahat ng nagturo sa akin, puro free.”
Nagsusumikap si Kuya Jason na maisakatuparan ang pangarap niyang ito. Mayroon na siyang mangilan-ngilang naturuan, pero naghahangad pa rin siya na makaabot ng mas marami. Gusto niyang sundan ang yapak ng mga taong tumulong sa kanya nang walang kapalit, at mag-iwan ng yapak na maaaring sundan ng iba pang kagaya niyang mayroong disability.
“Gusto kong may mabago. Kasi malay mo, dahil sa pagtuturo ko, may mabagong buhay katulad ko. Tinry ko lang naman. ‘Di ko naman akalain na mababago ang buhay ko dahil sa art. Gusto ko rin sana… sana mabigyan ng pagkakataon. ‘Yon ang gusto kong mangyari.”