UIat nina: Pia Camarillo at Angelo Antipuesto
Kabilang sa misyon ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. Sa paglaganap ng mga inobasyon, kasama rin ang pagsulong ng unibersidad sa mga programang ginagamitan ng teknolohiya na umaayon sa konsepto ng sustainability.
Sa pangunguna ng UPLB Office for the Vice Chancellor of Community Affairs (OVCCA) at Tipaklong Sustainable Mobility Corporation, nais paigtingin ng UPLB ang “bicycle culture” nito sa pamamagitan ng programang maghahandog ng oportunidad para sa mga indibidwal na magrenta ng mga electric bikes (e-bikes) at electric scooters (e-scooters) sa loob ng unibersidad gamit lamang ang kanilang mobile phones.
Ang inisyatibang ito ay nakapaloob sa Green Mobility Initiative (GMI) na naglalayong bawasan ang carbon footprint sa loob ng unibersidad sa pamamagitan ng mga environment-friendly na paraan ng transportasyon.
Teknolohiya at Mobilidad
“You move as you wish”— Isa ito sa benepisyong dala ng paggamit ng e-bikes at e-scooters sa mga estudyante, ayon kay Vice Chancellor for Community Affairs Roberto P. Cereno. Ang paggamit ng e-bikes at e-scooters ay magbibigay kalayaan sa gagamit na magtungo sa kahit saan man sa loob ng unibersidad.
Ang mga e-bike na rerentahan ay hybrid, ibig sabihin, kailangan pa rin itong paganahin sa pamamagitan ng pagpedal at ito’y electrically assisted lamang. Inaasahan na 100 unit ng e-bike at e-scooter ang ipalalabas sa pagsisimula ng programa.
Subalit ayon kay Cereno, ang pagbubukas ng ride sharing system na ito ngayong Abril ay experimental pa lamang. Dagdag niya, titingnan sa experimental stage na ito kung gaano karaming carbon footprint ang mababawas, kung tatangkilikin ba ito ng mga indibidwal lalo na ng mga estudyante, at kung ano pa ang mga benepisyong maihahatid nito sa kanila.
“The very first such kind of system sa buong Pilipinas, wala pa nito, kaya mag-e-explore lang tayo ng one year, kung ito ba ay posible,” ani Cereno.
Ngunit, paano nga ba ito gamitin?
Ang ride sharing system na ito ay pagaganahin sa pamamagitan ng Tipaklong App na maaaring i-download sa mobile phones. Kinakailangang magrehistro at gumawa ng account gamit ang email o phone number. Matapos ang pagrehistro, makikita ang lokasyon ng mga bakanteng e-bikes o scooter na maaring rentahan sa loob ng unibersidad. Ang paraan ng pagrenta ay gagawin sa aplikasyon kung saan maaaring i-unlock ng indibidwal ang e-bike na rerentahan mula sa bike rack nito. Pagkatapos gamitin ay i-lo-lock itong muli sa bike rack ng destinasyon gamit ang aplikasyon.
Ayon kay Cereno, “per trip” ang pagbabayad sa pagrenta ng mga e-bike at e-scooter na nakabase sa metro na tatakbuhin mula sa isang lugar patungo sa destinasyon. Ibig sabihin, habang nasa indibidwal pa ang e-bike at tumatakbo ito, patuloy rin ang pagdagdag sa babayaran nito.
Ang paraan ng pagbabayad ay sa pamamagitan ng Tipaklong app kung saan ang bawat account ay mayroong “wallet” at maaaring lamanan sa pamamagitan ng mga electronic money services. Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na matrix ng administrasyon at developers para sa presyo ng pagrenta ng mga e-bike at e-scooters.
Isa sa mga nakikitang problema sa inisyatibang ito ay ang mga estudyanteng walang karanasan sa paggamit ng bisikleta o scooter. Samantala, ang nakikitang solusyon ng OVCCA ay ang biking clinic program tuwing Sabado.
“Every weekend, meron tayong biking clinic, kasi maraming estudyanteng takot. Wala sila[ng] experience sa pagba-bike, or sa scooter. Kaya mag clinic tayo, para matuto mag-bike,” pahayag ni Cereno.
Alinsunod dito, kailangan ring isaalang-alang ang kaligtasan at seguridad ng mga gagamit ng e-bike at e-scooter. Ayon kay Cereno, may insurance coverage ang mga user kung kaya’t aaksyunan ng Tipaklong App ang anumang aksidente na mangyayari sa gagamit ng ride sharing system.
Usapin sa Pagtangkilik ng mga Estudyante
Para kay Aaaqil Medalla, nagmamaneho ng e-bike at estudyante ng BS Development Communication, nakikita niya ang benepisyong dala ng paggamit ng e-bike sa campus, tulad ng tipid na dala nito sa pera at oras. Galak ang naging reaksyon ni Medalla nang mapag-alamang magkakaroon ng ride sharing system sa unibersidad.
“If may magiging e-bike rentals, sana there’s also charging areas sa mga e-bikes kasi example, I have to charge sa bahay, kailangan ko ng mahabang extension, and pwede lang ‘yon sa bahay ko,” wika niya.
Hindi naman bago para kay Victor Carlos Tandiama, estudyante ng BS Applied Mathematics, ang ganitong programa. Aniya, ginagamit na rin ang e-bike sa unibersidad at sa katunayan ay napapansin niyang dumarami na rin ang mga indibidwal na tumatangkilik dito.
“Maganda siyang idea sa’kin kasi sustainable siya,” pagsang-ayon ni Tandiama sa programa. Subalit, ang nakikita niyang problema sa programa ay ang implementasyon at kung gagamitin ba ito ng UPLB community.
Ibinahagi rin ni Maryl Sofia Viriña, estudyante ng BS Human Ecology, ang kanyang palagay sa programang ito. Pagbabahagi ni Viriña, may kakulangan pa sa mga pasilidad sa bawat kolehiyo na dapat mas pagtuunan ng pansin ng administrasyon kaysa sa pagpaparenta ng e-bike.
“Though maganda yung nakikita nating goal ng program pero I think mali nila is the prioritization, kung ano bang need ng students,” pagpapaliwanag ni Viriña.
Bukod pa riyan, ang pagaanlinlangan ni Viriña ay nagmumula sa kawalan ng impormasyon tungkol sa magiging presyo ng pagrenta nito.
Panawagan ng tsuper at biyahero, ‘Dapat Ligtas at Makatao!’
“Pasahero na, makukuha pa. Kita na, mawawala pa,”— Ito ang daing ng ilang mga jeepney driver sa e-bike at e-scooter rental program. Kabawasan sa araw-araw na kita ang kanilang tingin hinggil sa programa.
“Walang lisensya. Unang una, hindi nakarehistro ang e-bike, pangalawa walang lisensya ang magd-drive. Ang tanong ko lang d’yan, sino ang mananagot ‘pag na-disgrasya?,” batid ng isang tsuper na ‘di sang-ayon sa programa.
Bukod pa riyan, dagdag suliranin sa trapiko ang rason ng ilang mga tsuper sa pagsalungat sa programa. Aksidente at mas lalong pagbagal na daloy ng trapiko ang nakikitang problemang haharapin ng mga motorista sa loob ng unibersidad kung sakaling maisakatuparan ang programa.
Sa kasalukuyan, wala pang nangyayaring diskusyon ang administrasyon kasama ang mga jeepney drivers tungkol sa pagbubukas ng e-bike at e-scooter rental program.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng mga aksidenteng kabilang ang mga e-bike, kinokonsidera ng Land Transportation Office (LTO) ang mga panawagan na sumailalim sa pagpaparehistro ng mga e-bike at lisensya para sa mga nagmamaneho nito.
Subalit ang tanong pa rin ng karamihan, ang programang ito ba’y magbibigay liwanag para sa nakikitang luntiang kinabukasan o ang simula ng panibagong hamon sa mga jeepney driver at daloy ng transportasyon sa unibersidad?