Ulat ni Ken Vincent Laoreno
Litrato nina Darlene Shien Flores at Nicole Brosas
Panawagan para sa karapatan ng mga magsasaka sa binhian at pagtigil sa pagmonopolyo ng mga binhi ang mga isyung tinalakay sa Binhi Conference 2024 na ginanap nitong Abril 4, 2024 sa Obdula F. Sison Hall sa UP Los Baños.
Inisyatibo ng Magsasaka at Siyentipiko Para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG), ang Binhi Conference 2024 ay umikot sa temang “Bahanggunian Hinggil sa mga Isyu at Laban ng Binhi.”
Ayon kay Alfie Pulumbarit, MASIPAG Luzon National Coordinator, layunin ng pagpupulong na isulong ang kolektibong pagmamay-ari ng mga binhi at malayang pagsasaka.
Ito rin ay naging platorma upang maibahagi ng mga magsasaka ng MASIPAG ang mga kasalukuyang bantang kanilang kinakaharap hinggil sa soberanya sa binhi. Kasama ang panawagan sa pagpapasara sa mga korporasyon at institusyong nag-aalis ng karapatan nila sa mga binhi.
Binigyan din ang bawat kalahok ng “BinhiCon Sheet” upang isulat ang kanilang panawagan ukol sa karapatan ng mga magsasaka sa binhian. Ilan sa mga naisulat na panawagan ay ang “Defend our Seeds”, “Palakasin ang MASIPAG” at “Soberanya sa Binhi.”
Ang pagpupulong ay nilahukan ng mga magsasaka ng MASIPAG, sektor ng akademya sa UPLB at iba’t ibang people’s organizations tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.