State of calamity, idineklara sa Santa Rosa dahil sa pertussis

Ulat ni: Angelo James Fababeir

Matapos magtala ng labinlimang (15) kaso ng pertussis, idineklara na ang state of calamity sa Lungsod ng Santa Rosa, Laguna, ikatlo ng Abril. 

Sa report na inilabas ng Santa Rosa City Information Office, ipinasa ang Resolution No. 0052, Series of 2024 ng Sangguniang Panlungsod na nagtatalaga ng state of calamity, matapos ang rekomendasyon ni City Mayor Arlene B. Arcillas at ng opisina ng local health board

Mula sa pinakahuling datos na inilabas ng Laguna Provincial Health Office (PHO) noong ikalawa ng Abril, umabot na sa 15 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pertussis sa lungsod na nakaapekto sa limang barangay, kabilang na ang Caingin, Kanluran, Sinalhan, Market Area, at Dila. Ang pinakaunang kaso ng pertussis naman ay naitala matapos masawi ang isang sanggol sa Barangay Sinalhan noong ika-30 ng Enero. 

Ayon kay Mayor Arcillas, inirekomenda sa Sangguniang Panlungsod ang pagdedeklara ng state of calamity para mapabilis ang proseso ng paglabas ng pondo at pagbili ng mga gamot at bakuna para sa naturang sakit. 

Pahayag niya, “The local health board namin proposed a resolution na mag-state of calamity kami…kasi population ng Santa Rosa is 500, 000, para yung processes namin yung pagbili ay mabilis.”

KONTRA-PERTUSSIS. Namahagi ng mga flyers ang mga opisyal ng Santa Rosa City Health Office
bilang bahagi ng kanilang health information dissemination campaign laban sa pertussis.
(Larawan mula sa Santa Rosa City Health Office II Facebook page)

We detected the first case in January. Monitoring showed the number of cases has increased, prompting the conduct of immediate house-to-house vaccination of children aged two years and below and pregnant women, particularly in barangays with recorded cases,” saad naman ni City Public Information Officer Aries Zapanta sa kanyang panayam sa Philippine Star

 

[Naitala namin ang unang kaso noong Enero. Ipinakita ng monitoring na tumaas ang bilang ng mga kaso, kaya nagsagawa na kami kaagad ng pagbabahay-bahay upang bakunahan ang mga batang dalawang taong gulang pababa at mga babaeng buntis, partikular na sa mga barangay na may naitala nang kaso.]

Tuloy-tuloy na ang pagbabakuna sa mga bata sa lungsod para hindi na kumalat pa ang pertussis. Naka-isolate na rin ang mga pamilyang tinamaan ng naturang sakit kung saan tinutustusan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga pagkain at nagbibigay na rin ng nararapat na financial assistance

Umabot na sa 48 ang kabuuang kaso ng pertussis sa lalawigan ng Laguna mula Enero hanggang Marso 30, ayon sa Laguna PHO. Naitala ito sa 12 bayan at lungsod ng Laguna, kung saan pinakamarami sa Santa Rosa na may 15 kaso at sumunod naman ang Lungsod ng Calamba na may 12 na kaso ng sakit. Apat sa mga naitalang kaso sa buong lalawigan ay nasawi.

Abiso ng Laguna Public Information Office, sumangguni sa pinakamalapit na Barangay Health Center kapag nakaranas ng mga sintomas ng pertussis kabilang na ang sipon, lagnat, at malalang ubo. Inirerekomenda rin ang bakunang Pentavalent na ibinibigay sa mga sanggol na edad 14 linggo pababa.

Ang pertussis o “whooping cough” ay isang nakakahawang impeksyon dulot ng bakteryang Bordetella pertussis. Ang mga respiratory droplets mula sa ubo at bahing ang karaniwang sanhi ng pagkalat nito.