Ulat ni: Suzanne Gabrielle Borja
Umakyat na sa 55 ang kaso ng pertussis sa Laguna matapos makapagtala ng pitong bagong kaso ang lalawigan noong nakaraang linggo, mula Marso 31 hanggang Abril 6.
Ayon sa inilabas na ulat ng Laguna Provincial Health Office (PHO) ngayong araw, Abril 10, ang mga nadagdag na kaso ng “whooping cough” ay mula sa apat na lungsod at isang munisipalidad sa Laguna.
Mula sa pitong bagong kaso, tatlo ang nagmula sa lungsod ng Calamba, habang tig-iisang kaso naman mula sa mga lungsod ng Santa Rosa, Cabuyao, San Pablo, at munisipalidad ng Los Baños.
Kapwa mga lungsod ng Santa Rosa (16 kaso) at Calamba (15 kaso) pa rin ang may pinakamaraming naitalang kaso ng pertussis.
Samantala, sa isang ulat ng Philippine Information Agency (PIA), itinaas na ng Department of Health (DOH) CALABARZON sa Code Blue Alert ang buong rehiyon laban sa pertussis. Ang hakbang na ito ay naglalayong mas makapagbigay ng ulat ang mga local health offices sa mga kaso ng whooping cough sa loob ng 24 oras, at pigilan ang patuloy na pagkalat ng virus.
Patuloy pa ring hinihimok ng PHO ang mga makararanas ng sintomas ng pertussis na magsuot ng facemask, at agad magpakonsulta sa doktor.
Sa kabila ng ulat ng DOH ukol pagbaba ng supply ng bakuna laban sa nakahahawang impeksyon, patuloy pa rin ang paghikayat na pabakuhan ang mga sanggol at bata.